Capitulo 10 - Tukmol sa Burol

1.4K 85 33
                                        


"Hiyaaaaa!" sigaw ni Casimiro habang umaalog-alog ang kalesa sa baku-balong daanan na kanilang tinatahak.


"Tigil! Hindi ko nais mamatay nang may kunot sa noo! Saan mo ba ako dadalhin?!" sigaw rin ni Anastacia sapagkat mas nanaig ang ingay na gawa ng yabag ng tumatakbong kabayo at ng maingay na gulong ng kalesa.


"Ikaw ay kumalma, hindi kita pababayaan," saad nito habang inililiko ang kalesa sa maburol na parte ng Vigan.


Nilingon ni Anastacia ang bintana at tinatantiya niya kung kaya niyang tumalon sa bintana o sa tarangkahan ng kalesa. Tila hindi siya makakatalon agad sapagkat dumaan sila sa isang dausdos. Sa pagkakaalam niya, papunta sila ngayon sa isang mataas na burol sa Barrio ng Sta.Ines (Brgy. Tamag, Baluarte Hills ngayon).


"Ibaba mo ako rito! Kung hindi, ihahagis ko itong gitarang nakasabit dito!" babala niya sa binata nang makita niya ang abuhing gitara na nakasabit sa sasanggiran (headboard) ng kalesa.


Tumigil sa pagpapatakbo ng kalesa si Casimiro.


"Nandito na tayo. Maaari ka nang bumaba, binibini," kalmadong saad ni Casimiro na tila kumpiyansang-kumpiyansa na mawawala ang galit sa kanya ng dalaga.


Napatingin sa labas si Anastacia. Naroon sila sa pinakamataas na bahagi ngayon ng maburol na bahagi ni Sta. Ines. Kitang-kita nito ang buong Ciudad Fernandina de Vigan kabilang bahagi at ang kahabaan ng Ilog Mestizo.


Bumaba siya sa kalesa. Naglakad sila papakyat sa isang makitid na daan na kaunting kibot ay mahuhulog sa bangin ang sinumang daraan.


"Mag-ingat ka, Anastacia. Kumapit ka sa mga ugat na nakausli," paalala ni Casimiro. Nang marating nila ang medo maluwag na daanan, doon nakahinga ng maluwag sapagkat narating na nila ang pinakatuktok ng burol.


Biglang naalala ni Anastacia na dito sila madalas magpunta noon ni Casimiro tuwing sumasama sila sa pangangaso ng Tiyo Alberto ni Casimiro sa Sta. Ines. Nagpupunta sila sa taas ng mga burol at nagpapanggap na mga ibong malalayang lumilipad-lipad at iniuunat pa ang kanilang mga braso bilang kanilang pakpak.


Gaya ng dati, hindi niya nais magpaalalay kay Casimiro. Sa halip, ibinigay na niya lamang ang gitara sa kanya at napako na ang kanyang mata sa buong lugar.


Nagbalik sa kanyang alaala ang masasayang sandali ng kanyang pagkabata sa burol na ito. Minsan, dito sila nagpapadausdos at nagkakarerahan ni Casimiro gamit ang pinutol nilang bahagi ng dahon ng niyog. Dito rin sila naghahabulan at minsang humihiga sa malalago at malalambot na dahon ng mga damo. May pagkakataong dito sila nagpapalipad ng saranggola na kalaunan ay naililipad sa sobrang lakas ng hangin. Dito sa lugar na ito nagiging malaya ang kabataan ni Anastacia, sapagkat dito, pakiramdam niya isa siyang ibon sapagkat tila abot na abot niya ang himpapawid.


"Bari bari, kayo kayo makiabay kami kania yo apo (Tabi-tabi po, makikitabi po kami sa inyo), saad ni Casimiro at inalok niyang umupo sa tabi niya si Anastacia.


Hindi naman nag-alangang umupo si Anastacia, ngunit hindi sa tabi ni Casimiro kundi sa medyo malayong agwat mula kay Casimiro.

La EscapadorTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon