Chapter 28 - Unang Yugto ng Pag-aalsa

307 25 6
                                    



Pagkatapos magkape at mag-umagahan, nagpunta sa kanya-kanyang puwesto ang mga miyembro ng grupo nina Senyor Diego. Dahil napasama si Anastacia sa grupo ng mga maghahawak ng sulo, kailangan niyang matutong sumakay sa kabayo.

Isa ito sa mga pangarap ni Anastacia. Ngunit, wala siyang pagkakataon upang matuto noon. Mabuti't nagtitiwala sina Senyor Diego sa kanyang kakayahan. Magagawa na niya ito ngayon at ipinangako sa sarili na pagsisikapan niyag matuto sa pagsakay ng kabayo.

Binigyan siya ng kabayong kulay abo na tinawag niyang Gris. Isinama siya nina Donya Gabriela sa isang malawak na parang upang doon mag-ensayo ng pangangabayo. Bago siya sumakay sa kabayo, pinakitaan siya ni Donya Gabriela kung papano sumakay sa kabayo saka nakipagkarera siya sa isa sa mga tauhan niya. Sa bawat pag-iskape ng kabayo, maayos ang pagkakakabig ng donya.

Hindi magkamayaw sa pagkamangha si Anastacia sapagkat parang naglalaro lamang si Donya Gabriela. Hindi niya lubos maisip na sa mahinhing pagkilos ng donya, lumalabas ang tapang nito sa tuwing sumasakay sa kabayo. Halos pakainin niya ng alikabok ang lalaki. Talagang hindi matatawaran ang kanyang galing.

"Sigurado ka bang kaya mo hija?" tanong ni Donya Gabriela habang nakasakay siya sa kabayo at lumapit sa manghang-manghang si Anastacia.

"Opo," sagot ni Anastacia. Hinihila-hila pa niya ang tali nito at tinitimbang kung papaano siya makakaakyat sa kabayo.

"Nakasakay ka na ba ng kabayo?" tanong niya ulit.

Umiling ang dalaga. "Ngunit sa kalabaw po'y nakasakay na ako."

"Mabuti, parang kalabaw din lang ang kabayo, ngunit mas mabilis ang takbo nito," dagdag ng donya.

Sinubukang akyatin ni Anastacia ang kabayo ngunit hindi niya alam kung papano niya aakyatin ito. Napakamot siya sa ulo.

Tumawa naman ang donya. "Bueno, sige, kailangan mo ng guro."

Sumipol si Donya Gabriela sa grupo nina Maximiliano. Lahat sila'y nagpunta sa kinaroroonan niya.

"Mga ginoo, nais ko sanang turuan niyo si Binibining Anastacia sa pangangabayo," pakiusap niya sa kanila. "Ginoong Fernando, alam ko ang iyong kakayahan kaya sa iyo ko muna ipapaubaya sa iyo si Binibining Anastacia. May aasikasuhin kaming importanteng bagay sa labas ng alcaldia ng Ilocos."

Napatingin si Fernando kay Maximiliano. Hindi niya mawari ang kanyang isasagot sa donya. Siniko siya ni Maximiliano bago siya nakasagot.

"A-aray. Aray.." saad ni Fernando.

"Oh, bakit ginoo?" tanong ni Anastacia.

"N-namamhid po ang aking binti. Siguro po'y napuruhan sa aming pag-eensayo," saad ni Fernando.

Sinuri ni Donya Gabriela ang mga binata roon na maaring humalili kay Fernando. "Ikaw, ginoong Vicente, siguro nama'y marunong kang magturo kung papaano mangabayo?"

Tila nasamid si Vicente. Napatingin siya kay Maximiliano, saka siya umiling.

"Hindi po ako marunong sapagkat –"

"Bueno. Alam ko na kung bakit. Sige, Ginoong Maximiliano, ikaw na," saad ni Donya Gabriela. Kinindatan niya ang binata saka nagpaalam sa mga naroon.

Tila nagliwanag naman ang mukha ni Maximiliano, kaya napayuko na lamang ito upang hindi makita ang kanyang pagngiti. Hinampas siya ng mga kasama bago siya iniwan kasama ni Anastacia.

Tumikhim muna siya saglit at ibinalik niya ang dating niyang postura. Kinuha niya ang isang kabayo na nagpapahinga sa ilalim ng isang puno.

Kinakabahan naman si Anastacia, ngunit alam niyang inisyal na reaksyon lamang iyon. Unang beses niyang makasakay sa kabayo at si Ginoong Maximiliano pa ang magtuturo sa kanya. Ngunit kagaya ng dati, ayaw niyang pansinin ang sariling damdamin at ipinako ang isip sa layunin niya ngayong araw- ang matuto ng bagong kasanayang magagamit niya sa pakikipaglaban.

La EscapadorTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon