Capitulo 50 - Aninag sa Dilim

236 23 8
                                    



Pagkatapos ng nangyari sa gobernadorcillo, naghigpit ng seguridad ang buong casa. Pinarusahan ang mga guwardiyang nakatalaga noong araw na iyon dahil sa kapabayaan. Samantala, kahit na naghigpit ang buong casa, hindi naman nauubusan ng mga tao upang bumisita at kumustahin ang kalagayan ni Gobernadorcillo Casimiro. Araw-araw rin siyang tinitignan ng mangagamot dahil sa natamo nitong mga pilay sa kanyang braso at tuhod dahil sa malakas na pagkakabagsak nito sa lupa.

Abala naman si Tinyente Bernardo sa pagsisiyasat at paghahanap ng salarin upang panagutin ang ginawa nito sa gobernadorcillo. Limanang araw na ang nakalilipas ngunit wala pa ring bakas at malinaw na ebidensiya kung sino ang may gawa nito.

Samantala, pinagbawalan naman ni Ginang Clotilde na pumasok si Anastacia sa silid ng gobernadorcillo. Aniya, hindi nito ginampanan ang tungkulin niyang maging tagasilbi sa gobernadorcillo. Kaya, ibinalik siya sa kusina at si Carmencita ang nag-aasikaso sa maysakit na si Casimiro, na hanggang ngayon ay hindi makakilos. Sa kabila ng paghiling niya na makita si Anastacia, ay siya namang tinututulan ni Ginang Clotilde upang hindi na madamay pa si Anastacia sa pagsisiyasat sa krimeng ginawa nila sa kanya

"Ate, kumusta si Senyor Casimiro?" pag-aalalang tanong ni Anastacia nang mamataan niyang papalabas ito sa kuwarto ni Casimiro na dala-dala ang palanggana ng tubig.

"Maayos na ang kanyang lagay kaysa dati. Ngunit, lagi niya akong tinatanong kung bakit hindi ka raw pumupunta sa kanyang silid," aniya.

Napayuko na lamang si Anastacia. "Salamat sa Diyos. Ngunit, maaari bang sabihin mong pinagbawalan ako ni Ginang Clotilde?"

Marahang hinila ni Ate Carmencita si Anastacia sa isang sulok upang masinsinan itong makausap.

"Anastacia, matapat ka nga sa akin," seryoso nitong tanong, saka tumingin sa paligid kuung mayroong paparating na tao. "May namamagitan ba sa inyo ni Senyor Casimiro?"

Bumilis ang tibok ng puso ni Anastacia nang marinig iyon. Alam niyang mayroong espesyal na puwang sa puso niya si Casimiro ngunit ang pagkakaibigan lamang ang mayroon sila ngayon.

"W-wala po, Ate. Ngunit itinuturing ko po siyang kaibigan," mahinang sagot ni Anastacia.

Ibinaba ni Carmencita ang kanyang dala at hinawakan nang madiin ang braso ni Anastacia.

"Sana'y huwag umabot sa mas matinding pagkakamabutihan ang inyong ugnayan, Anastacia. Kahit alam kong hindi tunay ang pagiging mag-asawa ninyo ng aking kapatid na si Ramon, sa mata ng ibang tao, kayo ay mag-asawa, pinagbuklod at pinag-isa ng Diyos. Hindi ko nais na mabahiran ng usap-usapan ang pagsasama ninyo ni Ramon. Sa huli, ikaw bilang babae ang mamatahin ng lipunan dahil sa pakikipagmabutihan mo sa gobernadorcillo," seryoso nitong sabi saka umalis sa kinaroroonan ni Anastacia.

Tila hindi makakilos si Anastacia sa kanyang kinatatayuan. Tama si Ate Carmencita. Kailangan niyang dumistansiya nang kaunti kay Casimiro dahil maraming mata ang tila tumitingin sa kanya. Maging si Ginang Clotilde ay matalim ang tingin nito tuwing magkasama sila ni Casimiro. Ayaw niyang lumala ang sitwasyon, kung kaya't kahit nais niyang tignan ang kalagayan ni Casimiro, ay minabuti niyang sundin ang payo ni Ginang Clotilde at ni Ate Carmencita.

Nang bumalik siya sa kusina, napansin ng mga hermana ang lungkot sa mukha ni Anastacia. Nagsilapit sila sa kanya, upang aluhin ito mula sa kalungkutan.

"Hija, nakita mo ba, may bagong bukas na bilihan ng mga libro sa kabilang daan. Nais mo bang puntahan ito pagkatapos ng iyong gawain dito sa kusina?" masayang saad ni Nana Masing.

Umiling lamang si Anastacia. Hindi niya nais ngayong magsaya sa kabila ng kalagayan ni Casimiro.

"Hija,huwag ka nang malungkot. Gagaling din ang gobernadorcillo," alo ni Aling Rosario.

La EscapadorTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon