Capitulo 8 - Ang Pagbibiro ng Buwan

1.8K 91 67
                                        


Tuwing umaga, nagpupunta si Maximiliano sa mansiyon ng mga Rivero upang manilbihan. Lagi siyang nag-iigib ng tubig, tumutulong sa pagbubuhat ng naaning mais sa bukirin ni Don Sigmundo o di kaya'y inuutusan siya ni Donya Vivencia na mag-ukit ng maliit na pigurina upang maipakita raw nito ang talentong napag-aralan niya.

Samantala, nagkukulong naman sa librerya si Anastacia, minsang nagbabasa ng mga Europeong librong kagaya ng mga babaeng manunulat na sina Maria Zayas y Sotomayor o Leonor Lopez de Cordoba, o di kaya'y nagsusulat ng mga tula na kalaunan ay nilalapatan niya ng melodiya gamit ang gitara ng namayapa niyang Tiya Juliana. Hindi niya nais masilayan si Maximiliano sapagkat namuo ang pagkailang niya simula nang mahawakan nito ang kanyang baywang. Tila nararamdaman pa rin niya ang matigas na kalamnan nito noong siya ay kanyang hinila. Mabuti na lamang at walang masyadong nakakitang tao sa kanila noong pangyayaring iyon, dahil kung hindi, magiging bali-balita sa buong bayan na ang dalagang anak ni Don Sigmundo ay nahawakan na sa baywang ng isang Guerrero.

Pasilip-silip lamang siya sa bintana at tinitignan kung wala na si Maximiliano sa kanilang bakuran. Simula nang nagbawas ng kwantidad ang mga produkto sa bahay-kalakal nina Don Sigmundo, kaunti na lamang ang kinakailangan nilang lakas-paggawa kung kaya't bago magtanghalian ay umuuwi na si Maximiliano upang pangasiwaan naman ang kanilang pagawaan ng muebles.

Isang tanghali, habang nagsisiesta ang lahat, naisipan ni Anastacia na pumuslit papuntang bukirin. Magpapahangin siyang muli roon. Hindi niya magawang gisingin ang kanyang ina upang magpaalam. Nang magpaalam naman siya kay Manang Claring, hindi siya nito pinayagan sapagkat ayon sa utos ng Donya Vivencia, walang dapat na lumabas ng bahay.

Hindi rin niya magawang dumaan sa may tarangkahan sapagkat naroon si Manong Estacio at isang gwardiya personal na tiyak niyang nautusang magbantay sa harapan upang hindi siya payagang makalabas. Minsan kasi, kung walang utos ang Donya na huwag palabasin si Anastacia, wala roon na nagbabantay ang matanda. At kung naroon ang matanda, tiyak niyang nararamdaman ng Donya na siya ay pupuslit muli.

Kung kaya't tinungo niya ang bintana sa kanyang kwarto na saktong-sakto sa likod ng kanilang mansiyon. Mas madali siyang makakapagtago dahil kakahuyan doon. Luminga-linga siya sa paligid upang makasigurong walang makakakita sa kanya sa kanyang pagbaba mula sa bintana. Dahil tiyak niyang pag-uusapan siya sa kanilang bayan kung makitang lumalabas siya sa kanilang bahay mula sa bintana. Naniniwala kasi ang mga ilocano sa kasabihang maitatanan daw ang isang dalaga kung siya ay dumaraan sa bintana tuwing lalabas ng bahay.

Nunit para kay Anastacia, itatanan niya ang kanyang sarili. Ang sarili niya ang magpapalaya kung kelan niya naisin. Inilabas niya ang kanyang kanang paa at saka inilipat niya ang kanyang bigat dito. Tumalikod pa siya upang mailabas niya rin ang kanyang paa na ngayon ay nakapatong na sa verandita ng vintanilla. Nakaharap na siya ngayon sa loob ng bahay nila at nasa likuran niya ang kakahuyan. Maingat niyang ikinapit ang kanyang kamay sa dalawang kahoy na disenyo ng bintana.

"Aha! Mag-ingat ka Binibini!" saad ng tinig sa baba. Nang lingunin niya ito, naroon nankangisi ang lalaking kinaiinisan niya.

"Ginoo! Alis! Alis! Umalis ka riyan!" bulong nito na isenesenyas pa ng kanyang mga kamay na lumayo dito.

"Hindi ako aalis dito sa hanggat hindi mo ako tinatawag sa aking napakakisig na pangalan – Casimiro," patuloy niyang pagngisi at tumataas-taas pa ang kanyang kilay.

"Hindi ginoo! Umalis ka riyan! Balakid ka talaga sa anumang binabalak ko," saad niya ngunit nagdidikit ang itaas at ibabang bahagi ng kanyang ngipin upang hindi masyadong lumakas ang kanyang boses.

Umiling-iling si Casimiro. "Hindi ako aalis dito!" At nagawa pa nitong humalakhak nang nakakaasar.

"Shhhhh! Ikaw ay huwag mag-ingay!" wika ni Anastacia. "Kapag ako, nakababa rito, naku! Ipapahabol kita sa aso!

La EscapadorTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon