"Magandang umaga, mga ginoo," pagbati ni Asuncion sa mga binatang inaayos ang bangka na kanila sanang sasakyan.
Lumiwanag ang mukha ni Vicente. Bumati rin si Anastacia, gayundin si Ginoong Alfredo. Bumalik sa pagsimangot si Vicente at nagbalik sa pagkalag ng tali ng bangka.
Tumango naman sina Maximiliano at Fernando upang batiin ang mga bagong dating.
"Kay inam naman pala rito sa ilog!" biglang sabi ni Fernando.
"Siyang tunay. Iba ang ihip ng hangin ngayon. Mahalimuyak," saad ni Alfredo habang sumisinghot-singhot sa hangin at itinaas ang kamay na parang nag-eehersisyo.
Napatingin si Anastacia dahil narinig niyang parang nagpipigil ng tawa ang kanyang ate.
"Ano kaya ang balak ng dalawang ito?" saad ni Anastacia sa kanyang isip.
"At anong hangin ang umihip sa anak ng gobernadorcillo upang magpunta sa lugar na ito?" wika ni Vicente. May halong inis sa kanyang tono.
"Gusto ko lamang mamangka, ginoo," tugon ni Alfredo.
"Siya nga ba?" lalong tumaas ang boses ni Vicente, saka inilipat ang tingin kay Asuncion.
Namagitan si Maximiliano sa pagitan ng dalawa.
"Ikinagagalak kong makita ka, senyor. Mabuti't naisipan mong mamamasyal dito kahit na ang balita'y mailap ka sa ibang tao," pagbubukas ni Maximiliano ng usapan.
Tumawa ito. "Siyang tunay senyor. Marahil, maraming taong hindi nakakakilala sa akin dito." Saka siya tumingin kay Vicente.
"Nakakatuwa naman at napagpasyahan mong lumabas. Isang karangalan na makadaupang palad ka namin," saad ni Maximiliano.
"Kung hindi dahil kay Binibining Rivero, hindi ko mapagpapasyahang lumabas."
Napatingin ulit ang abalang si Vicente kay Senyor Alfredo, na tila inaasar pa siya sa kanyang tono.
Kitang-kita ni Anastacia ang tensiyon sa kanilang pagitan.
"Ah, mawalang galang lamang Ginoong Alfredo, ngunit kami'y mamamagka't susubukin naming manghuli ng isda," pagsingit ni Fernando.
Biglang lumiwanag ang ngiti ni Ginoong Alfredo. Halos magdaup pa ang palad niya sa saya at galak. Nakikita na rin ang kanyang gilagid sa sobrang pagngiti. Saka nito tinakpan ang bibig na parang mahinhing dalaga. Napansin iyon ni Anastacia. Talagang kakaiba ang kilos ng lalaking ito saad ni Anastacia sa kanyang sarili.
"O siya siya, mukhang masaya ang gagawin niyo. Maaari ba kaming sumama sa inyong pamamangka?" tanong ni Ginoong Alfredo.
Nagtinginan ang mga binata. Hindi nila alam ang isasagot. Gaya ng dati, si Maximiliano ang tila nautusang maging tagapagsalita. "Naku, tatlo lamang ang bangkang hiniram namin."
"Walang problema! Makikisakay na lang kami," saad naman ni Ginoong Alfredo.
Matiyagang minatyagan ni Anastacia ang pagkilos ni Ginoong Alfredo. Matangakad ngunit payat ang ginoong ito. Mas maputi ang kutis nito kaysa sa kanya. Parang kinulayan ng rosas ang kanyang labi. Ngunit sa tingin niya, mas makisig ang pigura ni Ginoong Vicente kaysasa kanya. Napapailing na lamang siya. Ayon sa mga kwento, si Ginoong Alfredo ay mahiyain at hindi masyadong nakikipag-usap sa mga tao. Sa nasaksihan niya ngayon, alam na niya kung bakit tila manhid sa nararamdaman ng ibang tao ang ginoo – iyon ay dahil salat siya sa pakikipagkapwa-tao.
Napakamot sa ulo si Fernando. "O siya. Kailangan nating pagdesisyunan kung sino ang magkakasama sa isang bangka.
Sumabat si Anastacia. Mukhang nababasa niya ang plano ni Ginoong Alfredo na masolo ang kanyang ate sa isang bangka. "Sige, dahil ang mga bangkero ay sina Maximiliano, Vicente at Fernando, tayo na lang tatlo nina ate ang mamimili kung kanino tayo sasama," pahayag niya kay Ginoong Alfredo.
BINABASA MO ANG
La Escapador
Historical Fiction[COMPLETED] Nakakulong si Anastacia sa kahong ginawa para sa kanya ng lipunan -- pagkilos nang mayumi, pananatili sa loob ng tahanan, pag-aaral kung papaano maging mabuting ina at maybahay, at pagpapakasal sa lalaking itinakda sa kanya ng kanyang mg...
