Capitulo 46 - Paano Ikukubli?

332 32 8
                                        

"Kumusta si Ate Carmencita?" usisa ni Anastacia nang makita niya si Ramon na naghatid ng mais sa casa.

Nadatnan niyang nagwawalis ng bakuran si Anastacia at siya namang paalis na ang binata galing sa bodega kung saan niya inilagay ang mga aning mais bilang tributo.

"Masama pa rin ang pakiramdam niya. Marahil dahil ito sa pagod," sagot ni Ramon. Nakasakay ito ngayon sa kalabaw na siyang may hila-hila sa karitong pinaglagyan ng mga mais.

"Hayaan mo't makatutulong ako sa bahay bukas. Takda na ng aking pamamahinga bukas. Dahil sa sunod-sunod na piging dito sa casa ay magpapaalam ako para sa aking bakasyon," saad Anastacia.

"Ganoon ba? Mabuti iyan! Tingin ko'y kailangan mo ng pahinga. Para kang tumanda ng isang taon dahil sa itsura mo!"natatawang saad ni Ramon.

"Tumigil ka, Ramon. Baka nais mong mas maunang mamahinga nang tuluyan?" inis na pagbabanta ni Anastacia.

"Ikaw naman, o! Hindi ka na mabiro!" saad ni Ramon.

"Teka, bakit may ilan pang mga sako ang naiwan sa iyong kariton? Nangungupit ka, ano?" pagganting pang-aasar sa kanya ni Anastacia.

"Hindi ano! Talagang bumaba ang tributo ng mga magsasaka ngayon. Kaya halos may mga naiwan sapagkat kaunti lamang ang siningil nila ngayon," paliwanag ni Ramon.

Tumango-tango naman si Anastacia. Totoo nga ang balita na ang pagbabayad ng tributo ay mayroong pagkakaiba sa bawat mamamayan batay sa kinikita nito sa isang buong taon.

"Maigi nga itong ginawa ng bago nating gobernadorcillo. Hindi na labis ang tributong ipinapadala sa gobernadorcillo sapagkat hindi na ikinakalakal ang mga produkto sa ibang lugar. Sa halip, ang mga produkto ay mapapakinabangan mismo ng mga nagsasaka, nagtatanim at mga naghahanap-buhay," dugtong pa ni Ramon.

"Mabuti naman kung ganoon," kumento naman ni Anastacia.

"Ngunit, nagrereklamo naman ang mga nasa mataas na lipunan. Nagrereklamo sila dahil raw mas marami ang ipinataw sa kanilang buwis," pahayag ni Ramon.

"Marahil ay hindi nila maintindihan ang sitwasyon. Sana'y hindi ito magbunga ng hindi maganda sa gobernadorcillo," saad ni Anastacia.

"Anastacia, bakit sa gobernadorcillo ka nag-aalala?" usisa ni Ramon habang nakangisi.

Hinampas ni Anastacia ng walis si Ramon sa kanyang binti.

"Aray ko naman! Nagbibiro lamang ako! Tignan mo itong kalabaw, natatakot sa iyo, " sigaw ni Ramon habang hinahaplos ang kalabaw.

"Iyang bibig mo kasi, tila walang preno!" pagtatanggol ni Anastacia sa kanyang sarili.

"Naaasar ka kasi..." saka bumulong si Ramon "...totoong may gusto ka sa gobernadorcillo." Saka ito tumawa nang nakakaasar.

Dahil sa inis, malakas na pinalo ni Anastacia ang puwet ng kalabaw. Bigla namang nagpumiglas ang kalabaw na sinasakyan ni Ramon. Nagpatakbo-takbo ito sa malawak na bakuran ng casa.

Noong una, natatawa pa si Anastacia sapagkat hindi maipinta ang mukha ni Ramon habang nagwawala ang kalabaw. Ngunit, tila naisip niyang may mali sapagkat hindi na makontrol ni Ramon ang nagwawala at patakbo-takbong kalabaw. Halos maapak na rin nito ang mga halamang naroon.

Nagsilabasan ang mga katiwala sa casa dahil sa ingay na dala ng nagwawalang kalabaw. Ang mga sako ng mais rin ay nagkalat na dahil lagi't lagi ang pagtalon ng kalabaw na animo'y kinagat ng putakti. Ang mga kalalakihan namang naroon ay sumubok na pakalmahin ang kalabaw.

Nagsimula itong manghabol ng tao. Nagsitakbuhan ang mga kalalakihang sumubok na patigilin ang kalabaw. Hindi namakagalaw sa gulat si Anastacia. Mas lalo siyang kinabahan nang tumingin sa kanya ang kalabaw at nagpunta sa kanyang direksyon.

La EscapadorTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon