Capitulo 53 - Pangunguna

359 24 4
                                        



Malamig ang pasilyo ng kumbento ng mga prayle. Kasinlamig ng kanilang pakikitungo sa mga taong naroon. Kung anong init ang pagtanggap ng mga mamayan sa relihiyong kanilang ibinabahagi, ganoon din kainit ang tingin nila sa mga taong nagnanais ng pagbabago sa lipunan.

Sinalubong ni Padre Rufino ang tatlo, kagaya ng dati, na may ngiti sa labi at may halong hiya dahil iba ang pagtanggap ni Padre Jimeno sa kanila. Kung ganitong klase ng prayle ang magiging kura paroko, nasisiguro kong lahat ng tao ay maaakay niya dahil sa karisma nito at angking galing sa pakikipagkapwa-tao.

"Masama raw ang pakiramdam ng kura paroko, kaya hindi siya tumatanggap ng bisita ngayon," salubong niya sa amin. "Ipagmaumanhin ninyo."

"Kung gayon, Padre, maaari po ba kaming bumalik sa isang araw? Nais sana naming makausap ang kura paroko ukol sa isang mahalagang bagay."

"Makakarating sa kanya," saka yumuko ang prayle at sumenys ulit ng paghingi ng tawad.

"Hindi na kailangan. Maaari ko silang kausapin," bungad ng kura paroko na pababa sa hagdanan habang nakataklob ang sumbrero ng kanyang abito sa kanyang bumbunan . Nakahawak ito ng tasang may lamang tsaa na huahalimuyak ang aroma nito sa dispatcho ng kumbento.

"Magandang araw, Padre Jimeno," bati ni Casimiro rito. Ganoon din ang ginawa nina Anastacia at Ramon.

Walang sagot ang prayle kundi tango lamang. Napataas ang kilay nitong nakagawang tatlong guhit sa kanyang noo nang makilala kung sino ang kasama ng gobernadorcillo.

Pinaupo sila ng prayle sa sa isang upuang gawa sa rattan na kapag gagalaw ka'y lalangitngit ang kulang sa grasang pako nito.

"Hindi na ako magpapadaloy-daloy pa, Padre. Narito ako upang kausapin ka tungkol sa mga lupang ipinaupa mo sa mga mamayan dito sa Pueblo Camaya," saad ni Casimiro.

"Batid mo naman pala na ang mga lupang iyong binabanggit ay mga lupaing ipinagkaloob sa mga misyonerong Agustino sa lugar na ito. Ano pa ang dapat nating pag-usapan?" saad ni Padre Jimeno.

"Padre, nais ko sanang magkaroon ng repormang pang-agraryo. Alam nating matagal nang hawak ng mga mayayamang kastila at mga prayle ang mga hacienda, hindi lamang dito sa Pueblo Camaya, kundi pati na rin sa iba't ibang lugar dito sa kapuluan," dire-diretsong paliwanag ni Casimiro.

Habang nasasalita ito, hindi mapigilan ng prayle ang kumuyom ang palad.

"Tulungan ninyo akong isakatuparan ang magandang buhay at buhay na kasiya-siya ayon sa katuruan ng Diyos. Makakamit lamang natin ito kung bibigyan natin ng pagkakataon ang mga tao na maniwala sa awa at pagmamahal ng Diyos sa pamamagitan nating nakakariwasa. Gawin nating pantay ang karapatan ng bawat mamamayan," dagdag pa ni Casimiro.

"Hindi ko kasalanang ipinagkaloob sa simbahan ang malalaking lupa sa bayang ito. Ito'y gantimpala ng langit sa pagpapalaganap ng kristiyanismo sa kapuluan ng mga pagano," depensa ni Padre Jimeno.

Nararamdaman ni Casimiro na tila ayaw makibahagi ng prayle sa repormang nais niya sa bayan.

"Kung gayon, Padre, nais ko lamang humiling ng pabor," saad ni Casimiro habang matamang pinag-aralan ni Anastacia ang ekspresyon ng dalawang panig. "Sana'y ibalik mo sa mga nangunugupahan at mga magsasaka ang mga lupang iyong binawi."

Lalong uminit ang tempera sa loob ng silid na iyon. Ang dating mapusyaw na prayle ay nalokob ng kulay rosas na kulay ang pisngi.

"Ang mga lupang iyon ay inuupahan ng mga angkan ng dela Rosa, Verdanez, Hilario at iba pa at may balak silang bilhin ito. At bakit ko ibibigay sa mga magsasakang insolente at mahilig magsiesta tuwing hapon, sa halip na magbanat ng buto?" tumaas ang boses nito.

La EscapadorTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon