PROLOGO

5K 133 28
                                    

1965, Ciudad Fernandina de Vigan


Akala ko ibon siya.


O maligno.


O kung anuman ang kayang lumundag mula sa pader nang walang ingay, walang takot, at walang paalam. Basta na lang siya lumitaw sa ibabaw ng puting bakod ng aming bahay habang ako'y gumuguhit ng mga sundalong may espada sa lupa.


Tumingin siya sa akin. Diretso. Hindi parang ibang mga bata sa kalsada na napapaurong kapag nasulyapan ako na apo ng gobernadorcillo. Hindi siya ngumiti. Pero hindi rin siya galit. Parang sinasabi ng mga mata niya: Tahimik ka lang.


At natahimik nga ako.


Matagal ko na 'yong gustong akyatin, 'yong pader. Pero laging may guwardiya.  Laging may bawal. Sabi ng ina ko, ang mga taga-kabilang bahay, bihira lumabas. Lalo na ang mga batang babae roon. Palaging may kurtina. Palaging may kasamang tagabantay. Pero heto siya ngayon, nakabuhol ang palda, may galos sa tuhod, may dahon pa sa buhok, na para bang  wala siyang pakialam kung mapagalitan siya mamaya.


"Anong ginagawa mo riyan?" tanong ko, hindi sigurado kung galit ako o natatakot o humahanga.


"Makikipaglaro," sagot niya, parang ang dali lang.


Hindi ko alam kung papapasukin ko siya. Pero hindi na niya hinintay ang sagot. Tumalon siya. Bumagsak siya nang may tunog sa damuhan. At bago ko pa masabi ang kahit ano, katabi ko na siya sa lupa, tinuturo ang mga guhit ko.


"Ano 'yan?" tanong niya.


"Mga sundalo," sagot ko. "May kalaban sila."


"Gusto mo, ako ang kalaban nila?"


Hindi ko alam kung oo ang ibig sabihin ng tahimik kong tango, pero naupo siya agad. Kinuha niya ang patpat sa tabi at gumuhit rin. Hindi siya marunong gumuhit ng sundalo—ang ginawa niya, parang alon, parang apoy, parang babeng may espada.


"'Yan ang pinuno ko," sabi niya. "Mas matapang sa lahat."


Tumingin ako sa kanya. Sa mga kamay niyang may dumi, sa galos sa binti, sa pawis sa leeg. At may naisip ako bigla—kung kaya niyang akyatin ang pader para lang makipaglaro sa akin, baka totoo ngang mas matapang siya sa lahat. Talo niya ako kahit ako ay lalaki. 


At sa unang pagkakataon, parang gusto kong sumama sa isang laban.


Kahit hindi ko pa alam kung ano ang pinaglalaban niya.


Tumahimik ako. Sa edad na iyon, hindi ko pa kayang sagutin ang mga tanong na may lalim. Pero sa loob-loob ko, tila may kakaiba sa batang ito—babaeng kayang akyatin ang pader, iwan ang pinagmulan, at makipaglaro sa akin sa gitna ng hapon kahit hindi iyon ang alam kong isinasanay sa kanya. 


Habang pinagmamasdan ko siya na masigasig na inayos ang mga sundalo sa isang linya, na parang siya ang kanilang heneral, may pumasok sa isipan ko:


Aakyat siya ng pader para sa akin. Tatakas siya sa sarili niyang kulungan... para makasama ako.


At doon ko unang naramdaman ang paghanga. Ngunit isang uri ng paniniwalang ang batang ito ay hindi basta-basta. Siya'y may apoy sa loob ng katahimikang ginagalawan namin.


At bago pa man siya sunduin ng kanyang tagapagbantay,  at hilahin pabalik sa ginto't ikid ng kanilang angkan, tiningnan ko siyang muli.


At ang batang ako, sa simpleng pag-akiyat ng batang babaeng iton, ay tahimik na nangakong hinding-hindi kalilimutan ang araw na iyon.




La EscapadorTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon