Kinabukasan, muling nagbalik si Anastacia sa Casa de Gobernadorcillo nang mas maaga pa kaysa sa itinakdang oras. Ngayon na rin ang araw kung saan mapagdedesisyunan kung ano ang mangyayari sa kapalaran ni Senyorita Alejandra. Maaga pa lamang ay abala na ang mga katiwala sa paghahanda.
Natuwa rin ang mga hermana sa kusina dahil sa pagdating ni Anastacia. Anila, naging tahimik ang kusina ngunit mas nanaisin nilang makarinig ng reklamo mula kay Anastacia, kaysa ang hindi siya makasama. Naisip ni Anastacia na napamahal na rin siya sa mga hermana sa kusina, lalong-lalo na kay Nana Masing na nagsilbing nanay niya sa casa.
"Kumusta ang Ate Carmencita mo, hija?" tanong ni Nana Masing.
"Mabuti na po ang kanyang lagay, Nana Masing. Bukas na bukas ay babalik na po siya dito sa Casa," sagot naman ni Anastacia.
"Ay naku, pagbalik niya'y siguradong magiging abala na naman tayo at baka mabinat siya. Kung hindi niyo batid ay maaaring maikasal ang gobernadorcillo kay Senyorita Alejandra," sabat naman ni Aling Bebang.
"Bebang, ang bibig mo. Hindi ba't kabilin-bilinan sa atin na itikom ang bibig tungkol sa usaping iyan? Marurumihan ang pagkatao ng senyorita kapag nalaman nila ang tunay na dahilan ng kasunduan ng gobernadorcillo at ni Don Anselmo. Gayundin, malalagay sa alanganin ang gobernadorcillo," bilin ni Nana Masing.
Muling na nahimik ang mga nasa kusina.
"Nakauwi po ba ng maayos ang gobernaodrcillo kagabi?" tanong ni Anastacia, na ikinagulat ng mga hermana.
"Ha? Ngunit hindi umalis ang gobernadorcillo kagabi. Nakita ko pa nga siyang nagkakape noong madaling-araw," sagot naman ni Aling Pacing.
Bumuntong-hininga si Anastacia. May kutob siyang may hindi nagawa si Casimiro. Kinakabahan siya sa mangyayari mamaya at sa maaaring maging desisyon ng mga mag-uusap. Nais man niyang puntahan si Casimiro, ngunit makakahalata ang mga naroon. Isa pa, alam niyang mas nais mapag-isa ni Casimiro sa mga panahong nag-iisip siya ng susunod na gagawin.
Pasado alas-diyes ng umaga nang dumating ang pamilya ni Don Anselmo sa Casa de Gobernadorcillo. Halos natahimik ang lahat ng naroon. Hindi mapigilan ni Anastacia na hindi kabahan sapagkat wala pang malinaw na kasagutan at patutunguhan ang ginawa nila noong nakaraan.
Nagtungo ang mga may kinalaman sa opisina.
"Anastacia, sinabi ni Senyor Casimiro na pumasok ka raw sa opisina at tignan kung maayos na ang naroon," utos ni Ginang Clotilde.
Nakaramdam si Anastacia na tila nais ni Casimiro na naroon siya. Dalawa lamang ang naiisip niya. Kung mapagdedesiyunang hindi maikakasal si Senyorita Alejandra kay Casimiro, isa ito sa mga bagay na magpapasaya sa kanya. Ngunit kung kabaliktaran ang mangyayari, tila hindi niya alam ang gagawin.
Sinampal ni Anastacia ang kanyang sarili. Maliwanag niyang binalaan ang sarili na huwag magpapakita ng anumang emosyon pagdating kay Casimiro. Ngunit, hindi niya maiwasan ang nararamdaman. Alam niyang isang malaking kapahamakan ang naghihintay sa kanya sa Pueblo Camaya kung malalaman ng iba na siya ay ....nagkakagusto na sa gobernadorcillo!
Tumayo siya ng maayos at inayos ang kanyang sarili. Naroon siya upang magsilbi, at hindi bilang taong may pakialam sa magiging kapalaran ng gobernadorcillo.
"Magandang umaga po sa ating lahat, narito po ako upang magsilbi. Mag-utos lamang po kayo kung ano ang nais ninyo," bati niya sa mga naroon.
Tinignan lamang siya, saka hindi na siya pinansin. Pumuwesto siya sa gilid, kung saan nakikita niya ang lahat. Hindi gaanong malaki ang opisina ng gobenradorcillo sa casa, mas malaki pa ng tatlng beses ang opisina ng gobernadorcillo sa Casa Real de Pueblo Camaya. Ngunit, dahil pribado ang usaping ito, ninais nilang malutas ito ng kung sino lamang ang may kinalaman.
BINABASA MO ANG
La Escapador
Fiction HistoriqueNakakulong si Anastacia sa kahong ginawa para sa kanya ng lipunan -- pagkilos nang mayumi, pananatili sa loob ng tahanan, pag-aaral kung papaano maging mabuting ina at maybahay, at pagpapakasal sa lalaking itinakda sa kanya ng kanyang mga magulang...