Capitulo 23 - Pagbibiro't Pagpapabilo

419 27 0
                                        



Nanginginig na hawak ni Donya Vivencia ang sulat. Hinipo niya ang kanyang sentido. Nakatayo lamang si Tiyo Feliciano at hinihintay ang magiging reaksyon ng donya.

Mahal kong ina,

Alam ko pong ilang araw na kayong nag-aalala sa akin. Ngunit huwag kayong mag-alala. Ako'y nasa mabuting kalagayan. Maayos ang kalagayan ko dahil hindi ako pinapabayaan ni Donya Gabriela. Alam ko po ang inyong hinagpis at mga pag-aalala. Patawad po dahil dumagdag ako sa inyong alalahanin at pangungulila. Hindi ko po nais na iwan kayo. Gusto ko lamang po na hindi kayo madamay kung sakaling lumala ang sitwasyon. Ngunit, nasisiguro ko pong magtatagumpay ang rebolusyon at mababawi na rin natin ang lahat ng pinaghirapan ninyo ni Ama at maibibigay na rin ang karapatan ng ating mga kababayan.

Mahal na mahal ko po kayo, kayo nina Ate Asuncion at Angelita. Lagi't lagi, nandito kayo sa aking puso at kayo ang inspirasyon ko sa labang ito.

Nagmamahal,

Anastacia

Napasuntok ang donya sa mesa. "Ang batang iyon talaga!"

"Ina, kumalma ka," payo ni Asuncion.

"Paano ako kakalma kung iyang kapatid mo'y mas pinili ang maghimagsik sa mga espanyol? Parang mas pinili na rin niyang maghimagsik laban sa akin," sagot ng donya.

"Ina,hindi naman po ganoon ang ibig ipakahulugan ng pag-alis ni Anastacia dito sa bahay."

Sumabat si Tiyo Feliciano. "Ate, hayaan mo na si Anastacia. Kilala mo naman siya. Hindi siya ang tipo ng taong uupo na lang sa sulok at papanoorin ang mga nangyayaring hindi na dapat."

"Feliciano. Ang pamangkin mo. Huwag mo sanang pababayaan," pakiusap ni Donya Vivencia. Kahit may sama pa siya ng loob dito, alam niyang wala na siyang magagawa kundi ang ipagdasal na lang ang kanyang dalaga.

"Huwag kang mag-alala ate. Hindi lamang ang pamilya natin ang ganito ang sitwasyon. Ang hindi mo nalalama'y may mga pamilyang principales na ang sumasama sa grupo nina Senyor Diego nang palihim. Hindi na rin nila maatim ang pang-iimpluwensiya ng mga kastila sa ating bayan," paliwanag ni Tiyo Feliciano.

"Umaasa ako," wika ng donya. "Mag-ingat kayo. Pakisabi kay Anastacia na mahal na mahal ko siya."

Tumango si Tiyo Feliciano. Dala-dala niya ang iba pang mga gamit ni Anastacia. Aniya, mas makabubuti na hindi muna umuwi si Anastacia upang hindi siya masundan ng mga nanghihinala sa kanya.

Agad na sumakay si Tiyo Feliciano sa kanyang kabayo. Nang tapikin niya ang gilid nito kumaripas ito nang takbo na tila siya ay naglaho sa alikabok na gawa ng pagtakbo ng kabayo.

Samantala, abala si Anastacia sa pagkukula ng mga kubre-kama at punda sa mansion ni Donya Gabriela nang makarating doon si Tiyo Feliciano. Nakikumusta si Anastacia at nalaman sa tiyo ang paghihinagpis ng kanyang ina. Ngunit, wala siyang pagsisisi sa nangyari. Tinatagan na lamang niya ang kanyang loob upang mapangatawanan ang kanyang desiyon.

Pinayuhan naman siya ng kanyang tiyo na huwag nang mag-alala sa sitwasyon.

Nanatiling umaasa si Anastacia na magiging maayos din ang lahat. Kung may pagkakataon, naisniyang dalawin ang kanyang ina at mga kapatid. Ngunit, saad ni Donya Gabriela, mas mabuting pahupain ang galit ng donya upang hind imaging sagabal ang kanyang emosyon sa kanilang adhikain.

Sinamahan naman ni Tiyo Feliciano si Senyor Diego patungong Maynila upang kitain ang kaibigan ng huli roon. Ayon ditto, makatutulong na malaman nila ang kalagayan ng Maynila upang makapaghanda sa kanilang nalalapit na rebolusyon.

La EscapadorTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon