Chapter 39

793K 9.3K 2.3K
                                    

Chapter 39


Now Playing: Set Fire To The Rain - Adele


[Vianca's POV]


Pakiramdam ko ay unti-unti akong nanghihina sa mainit na tagpong nasasaksihan ko. Para akong nauupos na kandila at hindi ko maigalaw ang katawan ko mula sa aking kinatatayuan. Nagsimula na ring pumatak ang luha sa mga mata ko.


Dala ng labis na pagkabigla ay nabitawan ko ang hawak kong mga gamit na ikinagulat ng dalawa. Napahinto sila sa kanilang kataksilan at napalingon sila sa kinaroroonan ko.


Kasabay ng paglagapak sa sahig ng mga aklat na dala ko ay siya ring pag-atras ng mga paa ko.


Nasusuklam ako sa kanila, pero mas nagagalit ako sa sarili ko. Napakaduwag ko! Gusto ko silang sugurin. Gusto kong saktan at pagsasampalin ang Mikhaelang 'yon pero hindi ko magawa.


Hilam sa luha ang mga mata ko habang pilit kong tinatahak ang daan patungo sa hagdan. Lakad-takbo akong nakarating sa ibaba nang may biglang pumigil sa kaliwang braso ko.


"Vianca..." boses iyon ni Mitsui. Hindi ko namalayan na hinabol niya pala ako mula sa kwarto niya.


Nang pumihit akong paharap sa kanya ay nanlaki ang mata ko nang makita kong naka-boxer shorts lang siya at wala siyang suot na pang-itaas.


Ang tanga ko! Bakit ba nagulat pa akong ganoon ang hitsura niya? Samantalang nakita ko na silang nakahubad ilang segundo pa lang ang nakakalipas.


"Walang-hiya ka, Mitsui! Mga hayop kayo! Magkapatid kayo ni Mikhaela! Nakakadiri kayo! Nandidiri ako sa inyo!" Mahigpit kong naikuyom ang mga palad ko at pinaghahampas ko siya sa dibdib. Subalit hinuli niya ang magkabilang kamay ko.


"Elle is not my sister and she will never be," matigas na pahayag niya.


Elle? Ang babaeng 'yon si L? Ang pangalang paulit-ulit niyang binabanggit noong lasing siya ay si Mikhaela!


"Anong hindi mo siya kapatid? Kasal ang mga magulang n'yo kaya stepsister mo siya! Napaka-immoral n'yong dalawa!" Kahit nanlalabo na sa luha ang mga mata ko ay pilit kong sinalubong ang mga titig niya para ipaintindi iyon sa kanya.


"At ako? Ano ba ako sa 'yo? Parausan mo lang! Damn you! Binigay ko ang lahat sa 'yo, pati buong pagkatao ko! Minahal kita nang higit pa sa sarili ko, tapos ito lang igaganti mo sa 'kin!" sumbat ko sa kanya.


Bunsod ng labis na panghihina ay napasalampak na lang ako sa sahig. "Kaya pala... kaya pala kahit kailan hindi mo magawang sabihin na mahal mo rin ako." Umiiyak na isinubsob ko ang mukha ko sa aking mga palad.

Marrying Mr. Arrogant (PUBLISHED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon