Chapter 65
[Vianca's POV]
Makaraan ang tatlong oras na biyahe ng bus ay nakabalik na kami ni Lei sa Davao. Pagdating sa bahay, naabutan namin si Ashley na halatang nagulat sa biglaan naming pag-uwi.
"Ba't umuwi kayo agad? Akala ko ba sa isang araw mo pa siya ihahatid dito?" magkakasunod niyang tanong. Kinarga niya si Lei at sinabayan ako papasok sa kwarto.
Inilapag ko sa tabi ng closet ang dala kong traveling bag. Nang muli akong lumingon sa kanila ay nakita kong humihikab na si Lei, dahilan upang pakiusapan ko siyang patulugin na muna ang bata.
"Ash, kanina pa inaantok sa biyahe si Lei. Dalhin mo muna siya sa kwarto niya. Mamaya na tayo mag-usap. Ililigpit ko lang 'tong mga kalat dito."
Sinunod naman ni Ashley ang sinabi ko. Nagtungo na sila sa bedroom ni Lei at sinamahan niya ang inaanak hanggang sa makatulog ito.
Pagkatapos kong ayusin ang mga gamit ko ay nakaramdam na ako ng gutom, kaya dumiretso na ako sa kusina. Alas-tres na pala ng hapon, oras na ng merienda.
"Vian, tamang-tama gumawa ako ng French macaroon para sa inyo ni baby Lei. Favorite niya 'to. Tara, kain tayo." Niyaya ako ni Ashley na saluhan siya. Nadatnan ko siya habang masayang nag-aarrange sa baking tray.
"At home na at home ka dito sa bahay, ah. Gamit na gamit ang lahat ng appliances," biro ko sa kanya. Umupo ako sa silyang kaharap niya at kumuha ako ng isang piraso.
Ipinagtimpla niya ako ng juice at binigay iyon sa akin.
"Salamat. Ang galing mo talaga mag-bake." Ngumunguya akong nagsabi sa kanya.
Tumawa naman siya. "Hahaha! Siyempre, ako pa! Expert yata ako sa kusina," pagmamayabang niya. Ang hilig talaga niyang magbuhat ng sariling bangko.
Tsk! Pinuri ko lang, lumaki agad ang ulo.
"Kaya nga pinapauwi na ako ni Ate sa bahay, kasi walang nagluluto nang masarap sa kanila." Ang tinutukoy ni Ashley ay ang kapatid niyang nakatira sa kabilang village.
Actually, si Ate Bernice ang dahilan kung bakit sa Davao namin piniling manirahan limang taon na ang nakakalipas. Ang kapatid niya kasi ang tumulong sa amin noong baguhan pa lang kami at hindi pa namin kabisado ang lugar na 'to.
"Ikumusta mo na lang ako kay Ate Bern. Thank you rin nga pala sa pansamantalang pagtira dito. Kung 'di dahil sa 'yo, walang magbabantay rito no'ng wala ako." Nagpasalamat ako sa pagpayag niyang tumira muna sa bahay at mag-alaga kay Lei habang nasa malayo ako.
"Don't mention it. Basta para sa cute na anak mo, always willing ako. Ano na nga palang nangyari sa inyo ng asawa mo?" pang-uusisa niya sa mga kaganapan sa pagitan namin ni Mitsui.
BINABASA MO ANG
Marrying Mr. Arrogant (PUBLISHED)
Romance[PUBLISHED UNDER SUMMIT MEDIA] Love. Sacrifice. Forgiveness. Although Andrea Vianca seems like a typical girl at Southern Yale University, she doesn't quite fit in. Hindi naman kasi siya anak-mayaman tulad ng halos lahat ng estudyanteng...