Ayoko na ulit magmahal.
Siguro kasi, nagulat ako kung gaano kasakit. Akala ko noon, masaya ang lahat. Walang iniindang problema kasi 'di ba, kapag nagmamahal ka parati kang masaya? Pero hindi pala. Nalaman ko na hindi lang pala puro saya ang pagmamahal. Dapat, handa ka ring masaktan.
Pero iba 'yung gulat sa akin, e. Napagtanto ko na hindi pa pala ako handa sa mga ganitong sakit. Na hindi pa pala sapat na mahal mo lang ang isang tao--dapat tanggap mo ang lahat sa kaniya. Mahalin mo ang isang tao sa kung ano siya bilang siya.
Sa kaso ko, nabulag ako.
Tawagin natin siyang si X. Si X, gwapo, matipuno, mabait, masipag... lahat ng gusto mo sa isang lalaki nand'yan na.
Niligawan niya ako. Sa una, hindi ko siya nagustuhan kasi hindi naman ako mahilig sa mga ganoong tao na puro panlabas lang. Pero kinalaunan, nagkaroon ng ibig sabihin ang bawat dikit ng palad niya sa akin. May dumadaloy na kuryente tuwing nagtatama ang mga mata namin. Minsan, hindi ko mapigilan ang sarili ko na ngumiti tuwing iniisip siya.
Kinalaunan, sinagot ko siya. Noong mga unang buwan namin, sobrang saya namin. Walang problemang iniisip. Hindi kami nagtatalo. Kasi mahal namin ang isa't isa.
Kaya nagulat na lang ako noong mag-away kami. Bakit kami nag-aaway? Dapat bang mag-away ang dalawang taong nagmamahalan? Hindi ba dapat, masaya lang sila palagi? Bakit namin ginagawa ang isang bagay na hindi naman masaya?
Iyak ako nang iyak noon. Hindi ko kinaya ang sakit. Lumayo ako dahil bigla akong natakot sa kaniya. Lahat ng kilig na nararamdaman ko sa kaniya, napalitan ng takot.
Hindi takot sa kaniya. Takot sa kinabukasan. Natatakot ako na baka hindi ko kayanin ang mga susunod na araw na mag-aaway kami. Natatakot dahil mahina ako at hindi pa handang magmahal nang lubusan.
Hindi ko siya minahal ng lubusan. Hindi siya ang minahal ko kundi isang parte lang. Kapag pala magmamahal, kailangan buo. Whole package. Hindi 'yung mamimili ka lang kung saan ang gusto mo.
Ayoko na ulit magmahal... kasi ako ang may problema. Hindi pa 'ko handa. Siguro kung darating ang takdang panahon, magagawa ko ulit 'to. Pero hindi ngayon.
--
Dahil ayoko na mag-review sa Calculus.
YOU ARE READING
Drive-Thru
RandomTuwing wala akong masulat, madalas nagsusulat lang ako ng kung ano. Kadalasan walang kwenta. Madalas, hindi ko natatapos. Mabilis lang. | Title inspired from Fast Food Fiction.