Hindi ko maintindihan.
Hindi ko maintindihan kung ano ba talaga ang meron sa 'tin. Ano bang gusto mong iparating? Ano ba dapat ang itrato ko sa 'yo? Ano bang dapat kong gawin? Hindi ko alam, at hindi mo masagot ang mga tanong. Kasi ikaw mismo, naguguluhan din.
Hindi ko maintindihan kung bakit ganito ang sakit kapag nagseselos. Wala naman akong karapatan, 'di ba? Hindi naman alam ng mundo kung ano ang meron sa 'tin. Pinipili mong iwasan ang paglapit ko tuwing maraming tao. Kasi sabi mo, gusto mo ng privacy. Hindi mo ba alam kung gaano kasakit na ipagtabuyan at itago ang nararamdaman? Hindi mo ba alam kung gaano kahirap na hindi ka pansinin ng taong minamahal mo?
Hindi ko maintindihan kung bakit gano'n ang pakikitungo mo sa 'kin. Ano bang meron sa 'tin? Parang hindi na nga tayo magkaibigan. Mas lalong naging maiksi ang pag-uusap natin. Sabihin mo naman sa 'kin kung anong dapat kong gawin, kasi nalilito na 'ko.
Hindi ko maintindihan kung bakit pakiramdam ko, nawala na ang pakialam mo sa buhay ko. Kung dati naman, nand'yan ka palagi tuwing nararamdaman mong kailangan ko ng kasama. Pero ngayon, wala na. Pakiramdam ko, wala kang pakialam sa buhay ko.
Ipaintindi mo sa 'kin. Mabagal akong matuto, alam ko 'yun. Pero tumatatak sa 'kin lahat ng tinuturo sa 'kin.
'Wag mong isipin na hindi kita maiintindihan. Kasi karapatan ko ring malaman 'tong mga sagot sa napakaraming tanong sa isipan ko.
Bigyan mo 'ko ng katahimikan sa isip.
Kung meron nga lang.
--
Kwento siya sa 'kin ng kaibigan ko, pero hinaluan ko ng iba't ibang elemento. At sa wakas! Nakapag-FIlipino ulit ako.
YOU ARE READING
Drive-Thru
RandomTuwing wala akong masulat, madalas nagsusulat lang ako ng kung ano. Kadalasan walang kwenta. Madalas, hindi ko natatapos. Mabilis lang. | Title inspired from Fast Food Fiction.