GOING
Alam naman nating walang patutunguhan 'tong ginagawa natin.
Nagkausap tayo sa Bumble. Cute ka, 'di ko 'yon itatanggi. Tingin ko kasi, may kakaiba sa ngiti mo do'n sa picture mo habang nasa tuktok ka ng Japanese steps. Mas lalo ka pang tumangkad. Naka-shorts ka lang no'n at t-shirt, pero ang dating sa 'kin para kang isang model ng H&M. 'Yon siguro ang pinakapaborito kong picture mo na naka-save sa phone ko.
Oo, naka-save ang mga picture mo. Lahat ng selfies na sinesend mo, tinatago ko. Para kunyari, wala akong data para kausapin ka, titingnan ko muna ang mukha ko at tatanungin ang sarili ko, "Totoo bang kausap ko ang lalaking 'to?" Hindi pa rin kasi ako makapaniwala. Parang magkalayo tayo nang sobra. Gwapo ka, pangit ako. Mayaman ka, mahirap ako. Matalino ka, maalam lang ako. Gano'n. Sabi mo, wala ka namang paki roon.
Saka, sine-save ko sila kasi ang sarap nilang tingnan. Lahat na yata ng lugar nakapag-selfie ka na. Sa jeep, maganda no'n kasi nililipad 'yung maiksi mong bangs. Sa Starbucks, ang ganda ng lighting do'n, nakapolo ka pa na asul. Paborito ko pang kulay. Mahilig mong isama 'yong malapad mong balikat--sa tingin ko, asset mo 'yon. Para bang, inaakit mo 'ko gamit ng collarbone mo. Effective naman.
Sabi mo pa nga, sa susunod sa CR naman. Yuck, sabi ko. Pakunyari, kumbaga. Alam ko namang may mga ganitong lalaki talaga sa dating app. Ano pa bang ibang aasahan ko?
Nandito lang naman kami para sa maraming rason.
Gusto kong maging masaya.
Hindi ko alam sa 'yo. Pero sana, nasisiyahan kang kausap ako. Kahit papaano.
Pero baka sa tingin mo, walang halaga 'yong mga pag-uusap natin nang matagal. Ang mahal kaya magload para lang makapag-usap tayo sa phone nang matagal. Sabi mo kasi, ayaw mo sa Facebook. Di ka pa ready. Ako rin naman. Kaya tiis-tiis na sa Bumble at sa cellphone tayo nag-uusap ng kung ano.
Parang... ewan. Boses mo pa lang, nagiging na 'ko. Parang pinapatayo lahat ng balahibo ko sa katawan. Tuwing nagkukwento ka, pakiramdam ko kailangan kong makinig sa bawat salitang binibitaw mo. Mas nakikinig pa 'ko sa 'yo kumpara sa mga prof ko. Hindi nakakaantok--imbis, mas ginaganahan akong makinig.
Baka ako lang naman 'to. Syempre, hindi ko naman alam kung paano ako makikipag-usap sa 'yo sa personal kung magkikita man tayo. Pakiramdam ko kasi, hanggang dito lang ang kaya ko. Parang hindi ko yata nakikita ang sarili ko na magkasama tayong dalawa. Hindi tayo bagay.
Mas mabuti nang ganito.
GONE
Ilang linggo na rin ang nakakalipas. Akala ko, magsasawa ka na sa 'kin. Hindi pa rin pala.
Do'n ako unang natakot. May nakatagal pala sa 'kin nang ganito. Kasi sa 'kin, isang linggo lang, nawawala na ang interes nila. 'Yong iba, tinatamad na mag-reply. Hindi pa naman ako 'yong taong nagsu-sustain ng conversation. 'Wag ako, oy. It takes two to tango.
Pero ikaw, talagang ikaw pa ang unang nakikipag-usap sa akin. Pinaramdam mo na espesyal ako kahit hindi naman. Pinakita mo sa 'kin na pupwede pala akong maging interesante. At higit sa lahat, kinausap mo 'ko dahil gusto mo.
Parang ang hirap umalis kapag mas lalong tumatagal at kumakapit.
Tinanong na rin kita kung bakit ka gumamit ng dating app sa itsura mo.
"Hindi naman kasi nadadaan sa itsura 'to," sagot mo. "Ewan. 'Di kasi ako matapang."
"Matapang na...?"
"Alam mo na," dugtong mo na may tonong pangungumbinsi. "Manligaw. Di ako magaling do'n."
"Alam mo, masyado mo lang pinag-iisipan ang mga bagay-bagay," sabi ko sa 'yo. "Go with the flow."
"'Di naman kasi ako gano'n."
"E ano ka?"
"Ewan. Di ko pa rin alam hanggang ngayon. Ga-graduate pa naman na 'ko."
Bigla akong natigilan do'n. May tatlong taon pa 'ko rito, ikaw paalis na. Talagang sinasabi ng mundo na hindi para sa 'tin 'to.
"A, talaga ba?" ang tanging nasabi ko. "'Di ka pa naman guma-graduate, kaya may time ka pa mag-isip."
Tumahimik ka sa kabilang linya.
"Gusto mo bang makipagkita?"
GOODBYE
Simula no'n, di na 'ko nakipag-usap sa 'yo.
'Di ko kasi kaya. Alam ko rin namang wala 'tong patutunguhan. Aalis ka na, nagsisimula pa lang ako. Hindi mo man sabihin pero naging matapang ka na pagdating sa 'kin. Ako, hindi ko pa kaya. Darating ang araw na 'yon, pero hindi ngayon.
Hinahanap kita sa campus. Maliit lang ang mundong kinagagalawan natin. Alam kong maiksi lang ang koneksyon nating dalawa, at di kalaunan, magkikita rin tayo. Malay mo, 'yong classmate ko pala, naging classmate mo sa isang major. Malay mo, 'yong kaibigan mo, kakilala ng blocmate ko.
Pero sana hindi mo 'ko mahanap. Ayoko. Ayokong malaman nang lahat. Ayokong malaman nang lahat na nagkita tayo sa isang dating app. Ayokong malaman nang lahat na nagkausap tayo. At higit sa lahat, ayokong malaman ng lahat na iniwan kita nang hindi pinapaalam.
Kung ano mang meron tayo, sorry. Natakot ako. Walang excuse para sa lahat ng ginawa ko.
Nasa 'kin pa rin lahat ng selfie mo. 'Wag kang mag-alala. Hindi ko ipagkakalat. Para lang maalala ko lahat ng ginawa ko at balang araw, pagsisihan ko rin na iniwan ko ang tulad mo. Para lang ipaalala sa 'kin na nakasakit ako ng isang mabuting at respetadong tao. Na naging masama ako dahil naging makasarili ako.
Pero, sana nakita kita. Gusto kong makita 'yong malapad mong ngiti. Gusto kong makita 'yong magulo mong buhok. Kahit man lang 'yong t-shirt at shorts mong nakasanayan. Kahit man lang isang sulyap mo.
Para hindi ako matahimik. Para 'di ako makalimot.
Ganito pala ang pakiramdam maging masaya, kahit sa maiksing panahon lang.
YOU ARE READING
Drive-Thru
RandomTuwing wala akong masulat, madalas nagsusulat lang ako ng kung ano. Kadalasan walang kwenta. Madalas, hindi ko natatapos. Mabilis lang. | Title inspired from Fast Food Fiction.