AYON SA MGA matatanda, may sumpa raw ang pulo ng Discintus.
Noong bata pa lang ako, parati na itong kinukwento ng aking lola bago ako matulog. Siyempre, akala ko naman dati, hindi 'to totoo. Hindi naman kasi kapani-paniwala, at kung totoo man, nasa'n ang pruweba?
Hindi ko naman 'yan inisip nung bata ako. Bago ako matulog, hinahaplos ni Lola ang buhok ko. Ang kalmado niyang boses ang nakakapagpa-antok sa 'kin, lalo na kung gusto ko pa maglaro kasama ng kapitbahay naming si Jepoy.
Sabi ni Lola, lahat daw ng taong nakatira sa pulo ng Discintus ay may isang katangian na magsasabing siya nga iyon.
Ako naman, napapaisip ako, "Parang imposible naman 'yun, Lola. Siguro naman, may dalawang tao na magkapareha."
"Hindi, apo. Ginawa tayo ng diyos na si Bathala na kakaiba sa lahat ng ginawa niya," ang sagot ni Lola. "Sa sobrang dami natin, hindi niya tayo makikilala kung wala ang bagay na magsasabi kung sino tayo."
"E paano naman 'yung mga taong sa tingin nila, wala?"
Ngumiti si Lola at hinalikan ang noo ko. "Kailangan lang nilang maghanap, at maghanap, at maghanap."
--
Naririnig ko pa rin ang mga salita ni Lola tuwing nararamdaman kong sumusuko na 'ko sa mundo.
--
Kumalabog ang boses ni Bathala mula sa kalangitan.
Ikaw, aniya, hindi kita kilala. Ginawa ba kita?
Sumagot ako sa kaniya. "Hindi ko po alam."
Anong ibig mong sabihin?
"Hindi ako tulad ng iba mong ginawa. Walang espesyal sa 'kin."
Paano mo nasabi 'yan?
Bumuntong hininga ako at nagsimulang magkwento.
--
Nakita ko na naman sila.
Iba-iba sila ng mga katangian na magsasabi kung sino sila. Walang halong biro. Kahit mabuti o masama, mukhang seryoso o mukhang tanga, hindi kapani-paniwala o wala sa mundo... totoo ang mga ito.
Ang isa, mahilig sa fried chicken. Sa sobrang hilig nito, hindi ito kumakain ng ibang putahe na walang manok.
Ang isa, magaling mag-make up.
Ang isa, nagsusulat.
Ang isa, nagsusulat din. Pero puro malaswa.
Ang isa, basagulero.
Pero, wala ako sa mga iyon. Parang nabubuhay lang ako dahil kailangan ko. Dahil may pumapasok na hangin sa ilong ko. Gumagalaw pero hindi nag-iisip. Isa lang ako sa kumpol ng mga tao na hindi mapapansin.
--
"Bathala, kung sakali mang hahanapin mo 'ko, paano? Kung wala namang katangiang nagsasabi kung sino ako?"
--
"Sino namang nagsabi sa 'yong hindi ka espesyal?"
Binuksan ko ang mata ko nang marinig ko ang boses. Alam kong boses iyon ni Lola, pero matagal na siyang namayapa. Iba ang boses niya rito--malumanay, na tila naiintindihan niya ang lahat.
Wala po, sagot ko. Pero totoo naman po.
"Paano mo nasabing totoo?"
Hindi kasi ako tulad ng iba, Lola. Unti-unti akong humikbi. Di ako tulad nila na magaling, o alam ang patutunguhan sa buhay. Para lang akong taong nabubuhay, pero hindi buhay.
Naramdaman ko ang yapos ng aking lola sa hangin.
"Sa tingin ko apo, espesyal ka."
Paano niyo po nasabi?
"Hindi mo nakikita ang nakikita ko. Gano'n din ang ibang tao. Hindi mo alam na ang mga taong akala mo'y magaling ay parehas din ng nararamdaman mo. At sa tingin ko, espesyal ka."
Bakit gano'n...? Hindi ko makita ang nakikita niyo sa 'kin? Ang parati ko lang na nakikita sa salamin ay isang walang kwentang tao. Walang patutunguhan."
Isang mahinang hangin ang pumalibot sa 'kin.
"Kailangan mo lang maghanap, at maghanap, at maghanap."
--
I tried writing again, but actually free-writing 'to kaya walang kwenta at walang patutunguhan. Kinakalawang na 'ko. Huhuhu.
YOU ARE READING
Drive-Thru
AcakTuwing wala akong masulat, madalas nagsusulat lang ako ng kung ano. Kadalasan walang kwenta. Madalas, hindi ko natatapos. Mabilis lang. | Title inspired from Fast Food Fiction.