Mga Salita

77 5 11
                                    

Hindi ako magaling sa mga salita.

Siguro naman halata naman sa paraan ng pagsusulat ko. Hindi ako ang tipo ng manunulat na bibihagin ka ng mga magagarbo at malalalim na salita upang pukawin ang iyong atensyon at damdamin. Hindi ko kasi kaya. Oo, sa tingin mo pormal ang paraan ko ng pagsulat, pero kung titingnan niyo nang mas malalim... normal na mga salita lang ang ginagamit ko. Na parating naririnig sa paligid, pero hinawi upang masabi ko ang gusto kong sabihin.

Hindi rin ako ang tipo ng manunulat na mapapanganga ka (o minsan mapapamura) dahil sa ganda ng mga batuhan ng mga linya. O bigla ka na lang mapapatigil at kukuha ng papel upang isulat ang isang magandang linya. Quotable. O minsan nakaka-relate ka. Hindi ako gano'n. Napaka-dull kaya ng paraan ko ng pagsusulat. Hulaan ko, baka ngayon inaantok ka na, ano?

Hindi rin ako ang tipo ng manunulat na poetic. O masasabi mo na, "Pucha, ang ganda ng pagkakasulat nito." Ni hindi ko nga alam kung paano i-appreciate ang poetry, e. Siguro konektado 'to sa rason sa itaas kung bakit hindi maganda ang mga linya ko. 

Hindi rin ako ang tipo ng manunulat na kapag binasa mo ang kwento niya, maiiyak ka. O matatawa. Hindi ko alam kung bakit. Kasi ako, ramdam ko naman 'yun. Pero siyempre kasi, sarili ko namang gawa 'yon. O baka naman kasi napakababaw kong tao.

Hindi rin ako ang tipo ng manunulat na may sense lahat ng sinasabi ko. Tingnan mo naman 'tong Drive-Thru (love you, tho), wala namang sense ang pinagsasabi ko. Sa unang parte pa lang, e. Kunyari, may sense ang lahat. Kokonti lang ang mga gawa ko na may sense. 'Yung kapupulutan ng aral. 'Yung kapag binasa mo, wow, bagong kaalaman. 'Yung kapag binasa mo, maa-amaze ka na lang. Gano'n.

At mas lalong hindi ako ang tipo ng manunulat na masasabi mong, "Ang galing mong magsulat! Grabe ka bes!"

At ang pinaka sa lahat, hindi ako ang tipo ng manunulat na pagkatapos mong mabasa ang isang gawa niya, masasabi mong, "Ang ganda nito. Paborito ko na 'to."

Hindi. Talaga.

Wala naman talaga akong sinasabi rito kundi ang mga pagkukulang ko bilang isang manunulat. Sa tingin ko lang naman. Kung binabasa mo 'yung mga gawa ko, thank you in advance. As in. Super na-appreciate ko na kinikilig pa rin ako kung napapansin kong may nagbabasa. Feeling ko tuloy may purpose na 'ko in life.

At hindi ito isang post tungkol sa pagdedegrade ko ng mga gawa ko. Gusto ko na lang isipin na kahit ang turing ko sa mga gawa ko ay parang mga anak ko; kung gusto kong maging magaling na manunulat, magiging kritikal ako sa pagsuri ng mga sariling akda ko. Hindi ko rin sasabihin na, "Ito ang best story, ever!" kasi hindi naman talaga. 

 E anong point nito? Di ko rin alam.

Siguro pinaalalahanan ko lang ang sarili ko na ginusto kong maging manunulat kahit hindi ako magaling sa mga salita. Hindi man ako ang tipo ng manunulat na bibihagin ka sa ganda at lalim ng mga salita, o ang tipo na mapapanganga ka sa ganda ng pagkakasulat, o ang tipo na damang-dama mo ang bawat eksena na madadala ka, o ang tipo na poetic, o ang tipo na may sense lahat ng sinasabi ko...

Pero, nagsusulat ako.

Pinapaalalahanan ko lang ang sarili ko na kahit ang hirap, na kahit minsan naiiyak na 'ko dahil hindi ako ma-satisfy sa sinusulat ko, na kahit sa tingin ko ang pangit lahat ng gawa ko, nagsusulat pa rin ako. Kasi ginusto ko 'to. Sabi ko, magiging manunulat ako. Balang araw, mananalo ako ng kahit isang writing contest. Balang araw, makikita ko ang pangalan ko sa isang libro sa NBS.

Inaamin ko rin na hindi ako magaling na manunulat. Mas gusto ko ang marunong magsulat. Kung epektibo ba ang paraan ko ng pagsusulat--na hindi naman, sa ngayon. Inaamin ko na para alam ko na kung ano ang mga dapat na gagawin ko upang makausad. Alam ko na ang mga bagay na bibigyan ko ng pansin at babaguhin ko.

Gano'n kasi ako. Sa isang problema, it's either you dwell on it or you make a move to fix it. Sa tingin ko naman, alam ko na kung saan magsisimula--magsusulat ako. Kahit pangit, oks lang. Tapos i-eedit ko hanggang sa ma-satisfy ako. Tapos magsusulat ulit.

Sana lang magawa ko. Tulad nito. Wala na naman kasi akong masulat. 

Hindi ako magaling sa mga salita, pero natututo na 'ko kung paano ito gamitin nang maayos.


Drive-ThruWhere stories live. Discover now