Nanginginig ang kamay ni Kaloy nang tinatahak ang madilim na eskinita sa gitna ng Purok 3 at Purok 4. Hindi na pinalitan ang mga ninakaw na mga bumbilya malapit sa eskinitang ito, at sa sobrang sikip ng daanan ay tanging tulad niya na balingkinitan.
Yakap niya sa dibdib ang tatlong pakete ng Pancit Canton, isang Young Town sardines na kulay pula, at mukhang iisang banig ng Kopiko 3-in-1. Tumutugtog sa isipan niya ang kantang Araw-araw ng Ben & Ben, dahil lang sa paulit-ulit itong kinakanta ng kapatid niyang si Karina. Nagja-jamming daw ang mga kaklase nito, at si Karina ang pinili nilang taga-kanta.
Natigil lang no'ng nagka-quarantine daw. Pero si Karina, todo praktis pa rin.
Hindi pa rin umuuwi si Tatay. Tumatakbo pa rin si Kaloy. Kumakanta pa rin sa isipan niya si Karina.
Siguro, kahit nakapikit si Kaloy, hindi siya maliligaw sa pasikot-sikot na daanan ng eskinita. Pero, hindi ngayong araw, dahil nagsimula nang bumagsak ang ulan. Naipon sa baku-bakong daan ang basura at putik na dumidikit sa paanan ni Kaloy. Sanay naman siya sa maruruming paligid. Kaya, kahit kinukulang pa rin sa hininga, tuloy pa rin sa pagtakbo si Kaloy.
Napatigil si Kaloy nang muntik nang mahulog mula sa kaniyang pagkakahawak ang lata ng sardinas. Nako, hindi pwede. Iyon pa naman ang paborito niya. Hindi niya pili ang green kasi mas masarap ang maanghang. Saka, ito rin ang paborito ng nanay niya. Minsan, ang ginagawa nila ay hinahati ang sardinas at hinahalo sa Pancit Canton.
Gumilid siya at inayos ang pagkakahawak. Narinig niya muli ang mahinang angil ng sumusunod sa kaniya. Hindi siya pwedeng sumigaw. Hindi siya pwedeng humingi ng tulong. Kasi, walang tutulong. Hindi siya tutulungan. Ang batang tulad ni Kaloy ay walang kalaban-laban mula sa mga ganitong pangyayari.
Wala siyang ibang magagawa kundi ang tumakbo. Pakiramdam niya ay mapuputol na ang kaniyang mga paa sa bawat hakbang. Kailangan niyang siguraduhin na hindi siya madudulas. Kailangan niyang makauwi.
Hindi pa rin umuuwi si Tatay. Ano na kayang nangyari sa kaniya? ani Kaloy sa kaniyang isipan. Isang linggo na rin nang hindi ito nagpaparamdam. Hindi siya hinahanap ni Nanay. Hindi rin siya kinikibo ni Karina. Tila ba hindi na ito nabubuhay pa sa kanilang mundo.
Lumiko si Kaloy sa kanan, at yumuko upang hindi matamaan ng nakabuyangyang na yero. Tapos, kumaliwa siya patungo sa bilyaran, na himalang walang mga tao sa kalagitnaan ng gabi. Baka siguro, ngayong ang araw ng jueteng. Dumire-diretso siya bago siya lumingon sa kaniyang likuran.
Blag! Nang mataaman ito ng yero, bumagsak ang mga kasunod nito. Hindi maganda ang pagkakagawa ng mga bahay rito. Buti na lang at hindi nito nakita ang daan nang mabuti. Napangisi siya habang patuloy na tinatahak ang daan.
Isang malakas na angil ang kaniyang narinig--hindi tulad ng mga asong ulol, ngunit tila katulad ng isang gutom na leon na gustong lumapa. Napalunok ng laway si Kaloy, pero kaunti na lang at mararating na niya ang kanilang bahay.
Isang linggo na rin nang magsimula ang Enhanced Community Quarantine sa buong Luzon. Ang mga pamilya na tulad ni Kaloy ay mas lalong naging lugmok sa kahirapan. Hindi na nakapagtrabaho ang kaniyang ama sa construction. Hindi na makahanap ng ibang raket ang kaniyang ina. Nabubuhay sila ngayon sa asin at kanin--na ngayon ay paubos na rin.
Hindi niya ipinagmamalaki ang ginawa, pero pumuslit siya sa isang tindahan ng isang matapobreng pamilya at ninakaw ang ilan nilang paninda. Sila ang una niyang tinatakbuhan noong una, pero nang makalagpas siya sa Purok 2, naging iba ang mga ito.
Hindi nawawalan ng pag-asa si Kaloy, dahil alam niya na pagkatapos nito ay makikita niya na ulit ang maliit na tahanan. Balang araw, malalagpasan din nila ito. Pero hindi ngayon.
YOU ARE READING
Drive-Thru
RandomTuwing wala akong masulat, madalas nagsusulat lang ako ng kung ano. Kadalasan walang kwenta. Madalas, hindi ko natatapos. Mabilis lang. | Title inspired from Fast Food Fiction.