Boy

31 1 0
                                    


Ang tawag nila sa 'kin, Boy.

'Di ko nga rin maintindihan kung bakit 'yun ang tawag nila sa 'kin. Araw-araw kong suot ang damit na pinaglumaan ng nanay ko—isang bestida na may iba't ibang kulay, pero pilas na ang dulo kasi pinaggamit na pantakip ng dibdib ni Nene.

Buti nga at nagkasya sa 'kin, e. Tinali ko na lang 'yung likod para di mahulog kapag naglalakad ako. Ayoko kasi magsuot ng shorts. Pakiramdam ko, naiipit 'yung lawit ko.

Tuwing tumitingin ako sa salamin, ako ang pinakamaganda sa buong kalye. Sabi naman ni nanay, 'wag na raw ako mag-ilusyon. 'Di raw ako pwede maging bakla. Dapat, batak ako sa trabaho para maiahon kami sa gutom. Magsimula na raw ako bilang kargador sa palengke. Kalimutan ko na raw ang lahat.

"Pero Nay, wala namang masama sa pagiging bakla, 'di ba?" tanong ko sa kaniya habang kumakain sa sahig. 'Di siya nagsalita; pinuno niya ng kanin ang bibig ko.

"Wala ka ring mapapala d'yan." Si Nene ang nagsalita habang may laman pa ang bibig niya. "Bakit, magiging parloristang bakla ka? Napakadami na no'n dito. 'Wag ka na dumagdag pa."

"Alam mo, panira ka ng pangarap ko," reklamo ko sa kanya. "Tingnan mo, sa susunod, sasali ako sa Miss Q&A."

"E sa'n ka hihiram ng gown mo? Wala na nga tayong makain, gagastos ka pa," reklamo ni Nene. "Alam mo, tumahimik ka na lang d'yan, Boy."

"Sis. Tawag mo sa 'kin, Sis. Hindi Boy."

Pero Boy pa rin ang tawag nila sa 'kin, at parang hindi na rin 'yun maalis hanggang kung kailan.

Nakabili si Nanay ng ibang damit para sa 'kin at itapon ko na raw 'yung lumang bestida. Gawin na lang daw na basahan, sayang din naman kung itatapon lang.

Ewan ko ba kung bakit hindi ko mabiwatan 'yung lumang damit. Pinagtitinginan ako ng mga tao tuwing suot 'yun. Natutuwa mga kalaro kong babae kapag lumalabas ako na suot 'yun. Para raw akong prinsipeng nagbabalak maging prinsesa.

Siguro nga, bagay sa 'king maging prinsesa.

Tiningnan ako ni Nanay habang nagsusukat ng bagong damit.

"Umayos ka na ng galaw mo, Boy. Simula ngayon."

Napatitig lang ako sa kanya. Nakakunot ang noo niya. Hindi ako makagalaw nang muli siyang nagsalita.

"Hindi ka magiging bakla tulad nila, naiintindihan mo ba 'ko?"

Hindi. Hindi ko naiintindihan ang sinasabi ni Nanay. Pero, tumango ako, sa takot na mapalo.

"Isa kang lalaki. Walang lalaking kumekembot. Ang ayaw ko sa lahat, isang baklang anak."

Paulit-ulit lang akong tumango. Walang bahid ng ngiti o kahit anong emosyon sa tono ni Nanay. Nanginginig lang ako sa takot na baka palayasin niya 'ko, o 'di kaya iiwan kung kanino.
Kinagabihan, nagtago ako sa likod ng puno at doon ko nilabas lahat ng sama ng loob ko. Hindi. Hindi ko gustong maging bakla, pero 'yun ang tinatawag ng buong pagkatao ko. Anong masama ro'n?

Sa sumunod na mga taon, nalaman ko rin ang sagot sa tanong na iyon.

Ang mundo. Ang mundo ang masama sa mga baklang tulad ko.


--


It's been a while since I posted here (and wrote Tagalog shorts, for that matter). I kinda missed it. I'll try to post more here!

Drive-ThruWhere stories live. Discover now