Kamusta ka?
Ako kasi, ayos lang. Sobrang saya ko ngayon. Hindi ko rin inaasahan na magiging ganito ako kasaya. Lahat ng ito ay dahil sa 'yo.
Oo, nung maghiwalay tayo, sobrang sakit. Kasi, sino ba namang matutuwa na ang kasintahan mo, nangangaliwa na pala? Na mas gusto mo pala ang tawag ng katawan kesa sa pagmamahal na kaya kong ibigay sa 'yo? Para akong tinusok sa tagiliran gamit ng ice pick nang paulit-ulit kasi pinamukha mo sa 'kin na hindi ako... hindi ako ang mahal mo.
Kung minahal mo talaga ako, hindi mo 'yon gagawin. Na-realize ko na hindi mo naman talaga ako minahal. Ginamit. Taken for granted. At sinisi ko ang sarili ko kung bakit ako naging bulag sa pagmamahal. Pero 'di ba, ganoon naman talaga tayo? Na hindi natin napapansin na sobra na pala tayong nagmamahal na nakakasakit na?
Sa totoo lang, natatakot pa rin ako na makasalubong ka. Hindi ko naman kasi alam kung anong iaarte ko sa harap mo. Natatakot ako na manunbalik ang galit na nararamdaman ko sa 'yo at sa sarili ko.
Iniisip ko nga rin, kamusta ka? Kasi hindi ako masamang tao. Hindi ako nagpakain sa galit. Pinatawad na kita. Oo, may kaunting galit pa rin ako sa ginawa mo, pero ikaw bilang isang tao, okay ka na sa 'kin.
Maayos ako. Tipong kahit na naglalakad, nakangiti ako. Hindi 'yon dahil sa may nahanap akong iba. Narealize ko rin na hindi pa 'ko handa sa pagpasok sa isang relasyon. May mga bagay pa akong gustong subukan. Gusto ko pang mag-ipon. Marami pa 'kong gagawin.
Nahanap ko na kung ano ang nagpapasaya sa 'kin, at hindi ikaw 'yon o ang ibang tao.
Kaya ang payo ko sa 'yo, huwag mong hanapin ang kasiyahan mo sa ibang tao. Hindi naman sa jinujudge kita, kasi nirerespeto ko kung ano ang gusto mo. Pero isipin mo--masaya ka ba talaga? Kasi sa nakikita ko, hindi. Ginagawa mo lang itong pantakas sa mga hinaharap mong nahihirapan ka. Sabi mo na noong magsimula ang taon, ititigil mo na. Kasi masama na sa 'yo ang sobra.
Hanapin mo ang sarili mo, huwag sa ibang tao.
Hindi ko rin sinasabi na nahanap ko na ang sarili ko, pero nasa daan na ako. Sumusubok ako ng mga bagong bagay. Tumatawa. Umiiyak. Nagagalit. Nagiging tao.
Kaya ang tanong ko sa 'yo: kamusta ka? Sana, okay ka. Sana, nagbago ka na tulad ng gusto mo. Kasi wala na ako nang mangako ako na tutulungan kita sa pagbabagong iyon. Tutal, ikaw rin mismo ang lumabag ng sarili mong pangako ng pagbabago.
Baka nga bigyan pa kita ng pacifier sa Pasko.
--
From a random Facebook post I saw and my imagination was triggered.
YOU ARE READING
Drive-Thru
RandomTuwing wala akong masulat, madalas nagsusulat lang ako ng kung ano. Kadalasan walang kwenta. Madalas, hindi ko natatapos. Mabilis lang. | Title inspired from Fast Food Fiction.