"OKAY lang ba siya Mamoosh?"
Humalukipkip si Cynthia habang nakatigin sa natutulog na si Zandler. "Normal naman ang temperature niya. Baka naman napagod lang kaya hanggang ngayon, ayan... tulog pa rin."
Pinitik ni Xyro ang tenga ni Check. "Ano ba kasing nangyari kagabi? Bakit may sugat yung braso niya?"
Sinamaan ni Check ng tingin si Xyro habang hinihimas ang pinitik nitong tenga niya. "Aba, malay ko. Bakit sa akin mo tinatanong yung sugat niya? Ako ba ang may gawa?" papilosopong sagot niya.
"Uhm!" Pinitik ni Cynthia ang kabila namang tenga ni Check. "Tinatanong ka ng maayos."
"Luh! Maayos naman yung sagot ko," nakangusong sagot ni Check. Tinakpan niya parehas ang kanyang mga tenga para makasiguradong wala ng uulit sa pagpitik doon. "Yung tanong niyo yung magulo eh."
Napahawak si Xyro sa sentido nito. "Anong magulo do'n, eh ang simple lang nung tanong ko?"
"Simple din naman yung sagot ko."
Nagtinginan sina Cynthia at Xyro at sabay na napailing. Nilapitan ni Cynthia ang natutulog na si Zandler at inayos ang kumot nito. Pagharap nito sa kanila ay sinenyasan sila nito na lumabas na nung kuwarto.
Sumunod naman si Check sa sinabi ni Cynthia na huwag na munang istorbohin si Zandler para makapagpahinga pa ito ng maayos. Subalit nang makita niyang nakalayo na ang ina at kapatid ay pasimple siyang bumalik doon sa guest room at mabilis na isinara yung pinto.
Naupo si Check sa gilid ng kama at saka pinagmasdan ang natutulog na si Zandler. Napigil niya ang kanyang paghinga nang bigla nitong igalaw ang kamay nito na nasa tabi lang niya.
"Takaw-tulog," halos hangin lang na sambit ni Check habang nakatitig sa mukha ni Zandler.
Tatayo na sana si Check para umalis pero biglang umingit si Zandler. Nakita niya sa mukha nito na para itong nahihirapan. Nagulat siya nang dakutin ng magkabilang kamay nito ang nakalatag na kumot sa katawan nito.
"Z-Zandy."
Napakunot ang noo ni Check. Zandy?
"Sino si Zandy?" bulong ni Check.
Tuluyan ng tumayo si Check pero hindi niya inaalis ang tingin niya kay Zandler. Napakagat-labi siya nang makita niya na may namuong luha sa gilid ng mga mata nito. Ilang saglit lang ay dumulas na iyon sa mga pisngi nito.
"Ayoko na!" ani Zandler kasabay ng pagdakot ulit doon sa kumot.
Hindi malaman ni Check ang gagawin. Palipat-lipat ang tingin niya kay Zandler at doon sa pintuan. Hanggang sa magdesisyon siyang umupo ulit at hawakan ang noo nito.
Matapos damahin ni Check ang noo si Zandler ay dumilat ito ng marahan. Nagtaka siya dahil hindi ito kumikilos. Nakatitig lang ito sa kanyang mga mata. Naniningkit at papikit-pikit ang mga mata nito.