INIS na bumaba ng kotse si Jam. Araw ng Sabado pero nalaman niyang nasa Prime University ngayon si Reiko kaya pinuntahan niya ito. May klase daw ito ngayon at mamaya pang alas-kwatro ng hapon ang uwi nito.
"Bro, nasa school ka ba ngayon?" bungad na tanong ni Jam kay Bright nang sagutin na nito ang kanyang tawag. Paakyat na siya ngayon ng building kung saan nagka-klase si Reiko.
[Nope, umalis na ako]
"So galing ka na dito? May pasok ba talaga si Reiko?" tanong ni Jam habang mabagal na humahakbang ng hagdan.
[Wait, so you mean... nandyan ka ngayon sa P.U?]
"Bro, yung tanong ko muna ang sagutin mo." Huminto sa pag-akyat si Jam at saka sumandal sa pader. Hanggang ngayon ay dala pa rin niya ang sama ng loob niya kay Bright dahil sa pagtanggi nito sa pabor na hiningi niya noon.
[Well, I don't know. Wala namang sinabi sa akin si Dizon na magpapa-klase siya ngayon]
Nagsalubong ang mga kilay ni Jam. "Okay, thanks!"
Ibinalik na ni Jam ang kanyang cellphone sa bulsa at ipinagpatuloy na ang pag-akyat. Habang naglalakad sa mahabang pasilyo ay sinisipat niya ang kanyang mukha sa kanyang compact mirror. Sinuklay niya ang kanyang buhok gamit lang ang kanyang kamay at ngumiti sa nakita niyang resulta.
Tahimik sa paligid dahil wala namang nagka-klase sa mga nadaanan niyang classroom. Nang marating na niya ang sadya ay hindi muna siya agad sumilip dahil humirit pa siya ng tingin sa kanyang compact mirror.
"No, not that Reiko. I'm referring to this one."
Naningkit ang mga mata ni Jam nang marinig niya ang boses ni Dylan. Sumilip siya ng bahagya sa nakabukas na pinto at nalaman niyang tanging si Reiko at Dylan lang ang tanging tao sa loob ng classroom na iyon.
What is this? A special class? Nice!
Magkasalo sa iisang libro sina Reiko at Dylan. Sinusulat ni Reiko ang mga sinasabi ni Dylan na nakalagay doon sa libro. Tumalim ang tingin ni Jam kay Dylan nang makita niyang habang nagsasalita ito ay sa mukha ni Reiko ito nakatingin.