HINDI magawang maihakbang ni Bright ang mga paa nito. Ang mga mata nito ay nakatuon lang sa magkahawak na kamay nina Check at Zandler.
No. Marahang sumara ang mga palad ni Bright.
Sinubukang bumitaw ni Check sa pagkakahawak ni Zandler pero lalong humigpit ang kapit nito. Hindi ito kumikilos. Nakayuko lang ito habang nakasandal ang likod doon sa puno.
Mabigat ang mga paang naglakad si Bright palapit. Unti-unti nitong inangat ang tingin sa mukha ni Check nang ito ay makalapit. Halos hindi sila kumukurap at titig na titig sa isa't isa.
"Bakit ka nandito? Anong—"
"Hindi ba dapat ako ang magtanong n'yan?" mariing singit ni Bright. Nagsisimula ng manginig ang nakasara nitong mga palad.
Naguguluhang nilinga ni Check ang nakayuko pa ring si Zandler. Susubukan sana ulit niyang bawiin ang kamay pero kusa na iyong binitawan nito. Marahang inangat nito ang ulo para tignan si Bright.
"It's been a long time. Nice to see you again," mahinang sambit ni Zandler.
Naningkit ang mga mata ni Check. Nice to see you again?
Bigla na lang dinakot ni Bright sa may kuwelyuhan si Zandler. Tiim-bagang na sinamaan nito ito ng tingin. Imbes na umalma ay nanatili lang na kalmado si Zandler habang nakatingin sa mga mata ni Bright.
"What is wrong with you? You want me to leave?" malumanay na tanong ni Zandler. "If you don't want me to stay here, then I'll go."
"Why are you with her?!"
Kumunot ang noo ni Zandler. "What do you mean?" Sinulyapan nito si Check at muling ibinalik ang tingin kay Bright. "Ano ngayon kung magkasama kami?"
Lalong hinapit ni Bright ang kuwelyuhan ni Zandler. Hindi na nito nagustuhan iyon kung kaya't napahawak na ito doon sa kamay ni Bright para alisin iyon pero masyadong mahigpit ang kapit nito.
"She's my girlfriend!" sigaw ni Bright kay Zandler. "You heard me? My girlfriend!" anito at saka bumitaw.
Naningkit ang mga mata ni Zandler. "Ikaw si Surot?"
Naningkit rin ang mga mata ni Bright sa narinig. Nilinga nito si Check na kasalukuyan namang naguguluhan sa nangyayari. Ipinaglipat-lipat ni Check ang tingin sa dalawa.
"Sabihin n'yo nga sa akin... magkakilala ba kayong dalawa?" seryosong tanong ni Check.
"YES," sabay na sagot nina Bright at Zandler.
Sa narinig ay natigilan si Check. Hindi niya alam kung ano ang sunod na sasabihin. Gusto niyang sundan ang kanyang tanong ngunit tila ayaw bumuka ng kanyang bibig.
"We're cousins."
Tila huminto sa pagtibok ang puso ni Check nang marinig ang lumabas sa bibig ni Bright. Lalong napinid ang kanyang labi. Hindi na niya kailangan pang magtanong dahil nasagot na ang nais niyang malaman. Ang tanging nagawa niya lang ay tignan ang dalawa.