LUMIPAS ang isang Linggo at nakatyempo na si Yohan ng tamang araw para isagawa ang kanyang pinaghandaang plano. Nasa bakasyon ang may-ari ng opisina na kanyang papasukin na si Dex. Sapat na ang oras ng office break para magawa niya ang kanyang balak.
Paglabas ng elevator ay agad na tinignan ni Yohan ang oras sa suot na relo. Umikot siya sa pasilyo kung saan nandoon ang opisina ni Dex. Huminto siya sa tapat ng pintuan noon. Saglit niyang tinignan ang CCTV na nagawa na niyang manipulahin 30 minuto mula sa mga oras na iyon.
Mula sa kaniyang bulsa ay inilabas ni Yohan ang isang pares ng guwantes at agad na isinuot iyon. Pinindot niya ang kumbinasiyon ng numero nung pintuan na nagawa niyang makuha noon sa tulong ni Jane.
Ngumiti si Yohan nang mapihit niya iyon at mabuksan. Nice!
Agad siyang pumasok at isinara yung pintuan. Muli siyang tumingin sa suot na relo para tantiyahin ang oras ng minanipula niyang CCTV at pagkatapos ay nagsimula na siyang galugarin ang buong sulok ng silid na iyon.
Gaya ng kanyang inaasahan ay naka-lock nga ang ilang drawers ng office desk ni Dex. Nadismaya man ay nakaramdam naman siya ng kaunting pag-asa nang mabuksan niya ang ibaba at siyang pinakahuling drawer ng malaking desk na iyon. Suwerte niya dahil tingin niya ay nakaligtaan lang iyong i-lock ni Dex.
Tuluyang hinila ni Yohan yung drawer at bumukana ang isang may kalumaan ng diyaryo. Nakuha agad ang atensiyon niya nang mabasa niya ang headline noon na tungkol sa grupong BLADE. Mabilis niyang pinasadahang basahin iyon.
"Interesting." Naningkit ang mga mata ni Yohan. "Mukhang higit ka pang matalim sa inaakala ko."
Sunod na kinuha ni Yohan ang isang maliit na black notebook. Binuklat niya ang mga pahina noon pero wala siyang nakitang kahit na ano. Malinis iyon bukod sa tanging sulat na nakalagay sa pinakahuling pahina noon. Nakasulat doon ang isang pangalan.
Who the f*ck is Melford?
Saglit na tinitigan pa ni Yohan yung pangalan na nakasulat doon sa huling pahina nung notebook bago siya nagdesisyon ibalik na iyon. Isosoli na sana niya iyon kasabay nung diyaryo pero napansin niya ang isang nakataob na larawan. Kinuha niya iyon at mabilis na iniharap.