"SH*T!"
Hindi na nagawa pang habulin ni Zandler yung isa sa magnanakaw na siyang dumukot sa kanyang wallet dahil mabilis nitong natawid ang kabilang kalsada. Itinuon na lang niya ang atensiyon doon sa isa pa na na-corner niya sa isang bakal na harang.
"Ibalik mo sa akin ang kinuha mo kung ayaw mong masaktan," pagbabanta ni Zandler.
"Ito ba?" Ipinakita nung magnanakaw ang hinablot nitong kuwintas.
Nagtiim ang bagang ni Zandler nang angasan siya ng mukha nung magnanakaw habang ibinubulsa nito yung kwintas. Kumuyom ang mga palad niya nang makita niyang tumaas ang mga kamao nito para pumorma sa paglaban.
"Gusto mo ng sakit ng katawan?" Inangat rin ni Zandler ang kanyang mga kamao. "Pagbibigyan kita, tutal hinahanap na rin ng sistema ko ang bumasag ng mukha. Matagal-tagal na rin nang huli akong makadurog ng panga."
Kinabahan man sa narinig ay nagpatiuna pa ring sumugod yung magnanakaw. Madali lang na naiwasan ni Zandler ang unang subok nito na patamaan siya. Muntikan pa itong masubsob nang batukan niya iyon ng malakas.
"Mahina," nakapamulsang sambit ni Zandler.
Muling sumugod yung magnanakaw. Sa pagkakataong iyon ay sinabayan iyon ni Zandler pero hindi na nagawa pang tumama nung suntok nito sa kanya dahil naunahan niya ito. Nakangiwing sinapo nito ang panga na kanyang tinamaan.
"Just give my necklace back." Inilahad ni Zandler ang kanyang kanang kamay.
Tinumbok ng kanyang mga mata yung bulsa nung magnanakaw. Importante sa akin ang bagay na 'yan!
Umiling-iling yung magnanakaw at muling sumugod. Sinalubong ni Zandler yung kamao nito, pinilipit iyon at saka niya ito sinuntok sa sikmura. Napamura ito sa sakit at sumandal doon sa bakal na harang.
"Sinasayang mo ang oras ko!" Binigyan ni Zandler ng isa pang suntok sa panga yung magnanakaw.
Kahit nasaktan ay ngumisi pa rin yung magnanakaw. Pagtingin niya ay kinukuha na nito ang isang balisong sa likuran nito. Inikot-ikot nito iyon habang pinupunasan ang dugong umaagos na sa gilid ng labi nito.
Dumura yung magnanakaw at saka iwinasiwas yung balisong. "Sige, lapit."
Walang ni katiting na takot na naramdaman si Zandler. Nakatayo lang siya habang nakatitig sa mga mata nung magnanakaw, hanggang sa sumugod ito at winasi-wasiswas nang mabilis yung balisong sa kanya.
Sa una ay naging madali kay Zandler ang pag-iwas doon sa balisong hanggang sa bigla na lang nagdoble ang kaniyang paningin at nahagip noon ang kanyang kaliwang braso. Saglit na tinignan niya ang natamo niyang hiwa at saka mabilis na kumilos bago pa siya matamaan ulit. Itinulak niya at isinandal yung magnanakaw sa bakal na harang. Doon ay inihampas-hampas niya ang kamay nito hanggang sa mabitawan nito yung balisong.