"THEY'RE here."
Nagtayuan na ang mga kasama ni Check na sina Rue at Jane pero tuloy pa rin siya sa pagkain ng kanyang giant bowl ice cream. Sinalubong ng mga ito ang apat pa nilang mga kaibigan na sina Erin, Reiko, Cheena at Heaven.
Dahil kailangan munang umorder ng kakaining ice cream yung apat ay nauna munang bumalik sina Rue at Jane sa puwestong kanilang inuupuan. Natawa ang mga ito nang makitang kinukuhanan ni Check ang kani-kanilang mga ice cream.
"Huli ka!" panggugulat ni Jane sa likod ni Check.
Nakangising nilinga ni Check si Jane. "Tinitikman ko lang, Pakner."
"Tinitikman? Eh same flavor lang naman yung kinuha natin."
"Luh! Parehas lang ba?" kunwari ay hindi alam na sabi ni Check. Kumuhit pa siya sa ice cream ni Jane at pagkatapos ay kay Rue naman. "Parang hindi naman."
"Bitin pa rin talaga sa kanya yung isang giant bowl," nakangiting sabi ni Rue.
"Pasabay na kaya natin siya ng isa pang order?" sabi ni Jane.
"No thanks, I'm fine thank you... bow!" Kumindat si Check dahil alam niyang tama ang kanyang sinabi.
"Are you sure?" tanong ni Jane.
"Sureness!" sagot ni Check na naka-thumbs up pa. "I'm so sureness they cannot eat all you can. I rescue to finishing."
Nagtinginan sina Jane at Rue at saka ngumiti. Dahil sanay na ay naintindihan naman ng mga ito ang kanyang sinabi.
Mayamaya lang ay sabay-sabay silang luminga dahil palapit na yung apat dala ang kani-kanilang mga inorder na ice cream. Gaya nga ng inaasahan ni Check ay kusang nilagyan ng mga ito ang bowl na kanyang kinainan.
"Na-miss ko kayo," sabi ni Erin.
"Oo nga, panay 'tong si San ang lagi kong nakikita eh," ani Cheena.
"Kamusta naman ba kayo?" tanong ni Heaven.
Nagtinginan lang ang lahat pero walang sumagot. Nakuha ni Check ang atensiyon ng lahat nang bigla siyang dumighay dahil sa kabusugan. Nagpunas siya ng bibig at saka siya nag-peace sign.
"Okay lang," pagsagot ni Check at saka labas-ngipin na ngumiti. "Okay pa sa alrights."
Napatitig ang lahat kay Check. Batid niya na alam ng mga ito ang naging paghihiwalay nila ni Bright at ayaw niyang makaramdam ng lungkot ang mga ito para sa kanya.
Hindi inalis ni Check ang ngiti sa kanyang labi. "Huwag n'yo akong tignan ng ganyan. Huwag kayong mag-alala, okay lang ako. Baka pumangit ako kapag lagi akong umiiyak, lalo akong magmumukhang kawawa. Kaya dapat... smile lang," aniya at saka siya tumawa.
"I can't smile like you," malungkot na sabi ni Rue. "May problema kami ni Xyro kaya lagi akong nagmumukmok. Hindi ako kasing tapang mo."
Kumunot ang noo ni Check. "Anong nangyari? Nag-away kayo ni Kuya?"