"WHAT the f*ck?!"
Dinakma ni Jaxx ang balikat ni Johnriz, itinayo at iniharap ito sa kanya at saka agad itong inupakan sa mukha. Sa lakas ng suntok ni Jaxx ay bumagsak ito at napasandal sa upuan.
Hindi nagustuhan ni Jaxx ang naabutan niyang eksena pagdating niya sa likurang bahay ni Heaven. Magkatabi sa may kahabaang kahoy na upuan ang dalawa. Hawak ni Johnriz ang kamay ni Heaven na may paint brush habang nagpipinta ito. Iginigiya nito ang kamay ni Heaven para ituro ang tamang pagbibigay ng bigat o puwersa na kinakailangan sa pagpipinta.
"Jaxx!" awat ni Heaven sabay harang kay Johnriz nang makita nitong pasugod ulit ang boyfriend nito.
"Tumabi ka dyan," mariing sambit ni Jaxx.
Natutop ni Heaven ang bibig nito nang makitang duguan ang kaliwang kilay ni Johnriz. Muli nitong hinarap ang galit na si Jaxx at sinamaan ng tingin.
"Ano bang problema mo?!" dismayadong sabi ni Heaven.
"That f*cking jerk!"
Susuguring muli ni Jaxx ang patayo ng si Johnriz pero natigilan siya nang abutin siya ng sampal ni Heaven. Nagulat maging si Johnriz sa ginawa nito. Ipinaglipat-lipat nito ang tingin sa dalawa.
"Ang dumi ng isip mo," ani Heaven.
Hindi makapaniwala si Jaxx sa ginawa ni Heaven sa kanya. Hindi niya nagawang makapagsalita, napatitig lang siya sa galit na mga mata nito. Lalo siyang nasaktan nang ipahiram nito ang puti nitong panyo para pahirin ang sugat sa kilay ni Johnriz.
Habang sapo ng panyo ang sugat sa kilay nito ay pinilit ni Johnriz na tumingin sa mga mata ni Jaxx. "Wala akong masamang—"
"I don't need your explanation," mariing wika ni Jaxx.
"Pero ako kailangan ko ang explanation mo," biglang sabi ni Heaven.
"What?" kunot-noong tugon ni Jaxx.
"Anong rason mo para gawin 'yon?!" halata sa boses ni Heaven na pinipilit lang nitong palakasin ang boses nito.
"Woah!" Napailing si Jaxx dahil napikon siya. "Hindi ba rason na pinoprotektahan kita sa kanya?!"
"Pinoprotektahan?" ulit ni Heaven habang nakatitig sa mga mata ni Jaxx. "Walang siyang ginagawang masama."
Tumingin si Jaxx kay Johnriz at sinariwa niya sa kanyang isipan ang eksaktong nakita niya kanina. Malinaw para sa kanya na may tinatagong pagtingin o pagnanasa ito kay Heaven base sa ginagawa nitong pagtitig habang tinuturuan nito si Heaven kanina.
"You still don't know him."
"Jaxx, nananakit ka ng tao ng wala namang mabigat na dahilan," ani Heaven.
"T*ngina naman! I said I'm just protecting you!" sigaw ni Jaxx.
"Ang problema kasi sa'yo, masyadong mabigat ang mga kamay mo!"