IPINARADA ni Bogz ang kanyang dalang kotse sa kabilang kalsa kung saan abot-tanaw ang kanyang sinadya, ang Sugar House Cafe. Hindi naman siya magtatagal dahil kailangan niya ring bumalik sa kanyang opisina.
Sinipat niya ang sarili sa salamin. "Iba ka talaga Bogz, nag-iisa ka lang," anito sabay kurot sa sariling pisngi.
Bumaba na si Bogz ng kotse. Tinanaw niya ang cafe. Naningkit ang mata niya nang makita niya si Cheena sa labas na may kausap na isang lalaki. Gustuhin man niya na makita ang mukha nung lalaki ay imposible dahil nakatalikod ito. Mukhang paalis na rin yung lalaki dahil binuksan nito ang pintuan sa harapan ng isang asul na kotse.
"Ay ina mo, ina ko, ina nating lahat!" mabilis na bulalas ni Bogz nang muntik na siyang masagasaan ng isang scooter.
Nag-alis ng cover ng helmet yung driver nung scooter. "Pasensya na, ang bagal mo naman kasing tumawid e!"
Hindi na nakaporma pa ng pagsasalita si Bogz nang paharurutin na ulit nung lalaki ang scooter nito paalis. Sinundan na lang niya ito ng masamang tingin.
"Ang panget ng scooter mo! Bulok!" aniya nang hindi makatiis.
Masemplang ka sanang hinayupak...
Hindi pa man natatapos ang kalokohang iniisip ni Bogz ay may nangyari ng hindi maganda doon sa lalaki. Nabangga ito sa poste ng ilaw na naging dahilan ng pagtumba nito.
"Oh loko!" aniya sabay hampas sa kanyang puwet.
Hindi na naabutan pa ni Bogz yung asul na kotse. Nakita niya ang pagkaway ni Cheena doon sa lalaking sakay noon. Hindi na naituloy ng kanyang girlfriend ang pagpasok sa loob nang makita siya nito na palapit.
"Oh! Akala ko hindi ka na tutuloy sa pagpunta?" Sinalubong ni Cheena si Bogz at hinalikan siya nito sa pisngi.
"Matitiis ba naman kita?" nakangiting tugon ni Bogz. Inakbayan niya agad si Cheena. "Oh, ito na po yung pinapabili ng Cutiepie ko." Inabot niya ang bitbit niyang itim na bag kung saan nakalagay ang binili niyang lugaw.
"Sweet talaga ng Cutiepie ko," nakangising sabi ni Cheena. "Thank you!" dagdag nito sabay halik ulit sa pisngi ni Bogz.
"Ang gwapo ng kotse ko tapos ang pinabili mo sa akin lugaw lang?" Hinawi ni Bogz ang kanyang buhok. "Para kang naglilihi. Ang dami namang pagkain dito sa cafe—"