Captulo Viente

355 22 9
                                    

 

       Hindi mapakali si Lucas sa kaniyang higaan. Alas onse na ng gabi at tulog na lahat ang mga kasambahay at ang kaniyang mga magulang subalit siya ay hindi pa din dinadalaw ng antok.

        Nais niyang makita at makausap ang kasintahan, ayaw niyang matulog sapagkat natatakot siyang panaginip lamang ang lahat sa paggising niya kinabukasan.

        Bumangon siya sa kaniyang higaan at lumapat ang paa sa malamig at makintab na kahoy na sahig sa kaniyang silid. Marahan siyang tumayo at nagtungo sa pintuan, matapos makiramdam sa tahimik na paligid ay marahan niya itong binuksan at lumabas.

      Tanging ang ingit ng kaniyang mga paa sa sahig at huni ng mga kuliglig ang maririnig sa paligid. Nang marating ang silid na tinatahak ay saka lang siyang huminto. Hindi niya balak na abalahin ang mahimbing na pagkakatulog ng dalaga, nais lamang niya itong makita kahit saglit upang payapain ang sarili.

       Matapos ang ilang sandali ay bumuntong hininga siya at napailing sa sarili. Kinamot niya ang batok at tumalikod na sa pinto upang bumalik na sa kaniyang sariling silid.

       "Ahh!" hindi niya napigilang bulalas. Napahakbang siya ng isa pabalik at gulat na napatitig sa dalagang nakasandal sa dingding at matamang nagmamasid sa kaniya. "K-kanina ka pa diyan?"

       "Medyo. Anong ginagawa mo sa harap ng kwarto ko Lucas?" nakataas ang isa nitong kilay na tanong sa kaniya.

       Nakahinga siya ng maluwag at ngumiti. "Hindi ako makatulog, ikaw? hindi ka rin ba makatulog? saan ka nanggaling?" pinagmasdan niya ang kasintahan. Nakasuot ito ng kasootang panglalaki na kulay itim, nakapusod ng mahigpit at mataas ang buhok nito na wala ni isang hibla ng buhok ang nahiwalay.

        "Sa burol." matipid nitong sagot.

        "Sa burol?" kumpirma niya. "Malapit ng maghating gabi, hindi ka dapat nagpapagabi sa labas." sa kabila ng pag-aalala ay nakaramdam siya ng inis dito.

        "Gusto kong pagmasdan ang mga bituin at alitaptap sa burol."

        "Kahit na, dapat ay isinama mo ako." masama ang loob na sita niya dito. Hindi niya maintindihan kung saan nangagaling ang lakas ng loob ng dalaga. Bukod tanging ito lamang ang babaeng kaniyang nakilala na hindi takot sa lansangan sa kadiliman ng gabi.

        Nginitian lamang siya nito at humakbang palapit sa kaniya. Hindi siya nakakibo ng maramdaman ang pagyakap nito sa kaniya. Bumilis ang tibok ng kaniyang puso at muntik ng makalimutan ang nararamdamang inis dito.

         Gumanti siya ng yakap. "Sa susunod na naisin mong pumasyal at magmasid ng mga alitaptap sa burol ay sabihin mo sa akin, sasamahan kita." pinatigas niya ang tinig upang malaman nitong hindi siya papayag kung tatanggi ito. Naramdaman niya ang marahan nitong pagtango at siniksik ang muka sa kaniyang dibdib.

       Mas bumilis ang kabog ng kaniyang dibdib, ngayon ay hindi na siya nag-aalalang marinig nito iyon katulad ng dati. Hindi niya mapigilang dampian ng halik ang mabango nitong buhok.

       "Bakit ganiyan ang iyong kasootan?" naalala niyang itanong.

      Tiningala siya nito. "Para hindi ako makita sa dilim." muli itong ngumiti at sumilay ang mapuputi at pantay-pantay nitong mga ngipin. Hindi niya mapigilang ang kamay na haplusin ang malambot nitong labi.

       "L-Lyra... "

        "Hmm?"

        "Maari ba kitang halikan?" pigil ang hiningang anas niya. Matagal itong tumitig sa kaniyang mata at hindi niya sinubukang umiwas. Tumingkayad ito at walang pasabing inilapat sa kaniya ang sarili nitong labi.

Año Luz Aparte... ( Light years apart ) BOOK 1Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon