Capitulo Treinta y cinco

79 4 0
                                    

   
          Malalakas ang hampas ng alon at dinuduyan noon ang malaking barkong kinalululanan ni Lucas. Minsan ay napapaangat siya sa kaniyang kinatatayuan at sumasabay siya sa pag-sayaw nito. Patungo sa direksyong kanluran ang binabagtas nila at mahigit animnapong araw na silang naglalakbay.

           Marahas na hinahampas ng hanging may kasamang tubig ang kaniyang muka sa tila nagwawalang panahon, kahit tanghaling-tapat pa lamang ay madilim na ang paligid dahil sa madilim na kalangitan. Naririnig niya ang malakas na ugong ng hangin at ng tunog ng mga along humahampas sa kanilang barko.

          Nakaramdam si Lucas ng matinding lamig, nasa gitna na sila ng napakalawak na karagatang pasipiko, nagkalat ang mga malalaking tipak ng yelo na animo'y mga batong may iba't-ibang hugis. May ilang animo'y mga bundok sa gitna ng marahas na karagatan na pilit nilang iniiwasan.

        Mahigpit siyang humawak sa madulas na balustreng bakal ng malaking barkong naghahatid ng mga kalakal sa malalayong bansa. Naririnig niya ang pagkakagulo sa loob ng mga tao maging ang mga halinghing ng mga hayop na kasama nila sa paglalakbay na nasa ilalim na bahagi ng barko.

         Ramdam niya ang nakakasakal na takot at matinding kaba ng kaniyang mga kasama. Lumiwanag ang buong paligid kasunod noon ang malakas at nakapanghihilakbot na dagungdong ng kulog. Nilamon ang mga malalakas na hiyaw ng kaniyang mga kasama. Paulit-ulit at kung saan-saan humahagupit ang mga kidlat na nagngangalit. Kitang-kita niya ang pag-guhit ng mga ito mula sa madilim na langit patungo sa mapanganib na karagatan.

          "Ginoong Lucas!!!!" napalingon siya sa tumawag sa kaniyang pangalan. Halos hindi niya iyon marinig dahil sa lakas ng mga kulog at hampas ng mararahas na alon. Nakita niya ang di matatawarang takot sa mata nito na tingin niya ay ganoon din kung ilalarawan ang kaniyang nararamdaman sa mga oras na iyon.

          Hindi ito ang kaniyang unang paglalakbay sa malayong bansa sa kanluran subalit ito ang unang beses na naranasan niya ang ganito kalupit na bagyo at sa gitna pa ng malawak na karagatan. Nakita niya ang paghampas ng kamay nito sa hangin kinakampayan siya nito halos buong katawan at buong lakas kasabay ng pagsigaw nito.

           Hindi na niya marinig ang boses nito dahil tinatalo ng nakangingilong tunog ng nagngangalit na bagyo. Naroon siya sa unahan sa labas ng barko at mahigpit nakayakap sa balustreng bakal. Nakikita niya ang paulit-ulit na pagbuka at pag-sara ng bibig nitong tila tinatawag siya at inuutusang pumasok sa loob ng barko.

          Subalit hindi niya maigalaw ang kaniyang naninigas at nanginginig na katawan dahil sa sobrang lamig at labis na takot. Mas lalo pang gumewang ang kanilang barko at halos bumaligtad iyon at tumama sa kung saan. Muntik na siyang makabitaw subalit dahil sa mahigpit na kapit ay nanatili siya roon.

          Nanlaki ang kaniyang mga mata ng makitang nagsisitakbuhan paakyat sa pinkamataas na palapag ng barko ang mga sakay ng barko, kaniya-kaniyang nagsipulasan. Nakita niyang pilit na kinokontrol ng mga gwardiya sibil ang mga nagpipilit kumuha ng kanikanilang mga bangka, ang iba ay nagsisitalunan sa takot at nilalamon ng marahas at mababangis na alon ng karagatan.

           Nakarinig siya ng ilang putok ng mga baril, at tila bahagyang nagsikalma ang mga nagkakagulong sakay ng malaking barkong iyon. Isa-isang pinasasakay ng mga gwardiya sibil ang mga babae at bata sa mga nakabiting bangka at kapag napupuno ay marahang ibinababa sa masungit na karagatan.

           Binabaril ang lahat ng lalaking nagtatangkang mauna mapamatanda o binata. Napansin niyang wala roon ang kapitan ng kanilang barko. Napasigaw ang lahat sa matinding takot ng unti-unting tumatagilid ang barko at unti-unting nang nilalamon ng tubig.

Año Luz Aparte... ( Light years apart ) BOOK 1Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon