Capitulo Cincuenta y uno

61 5 0
                                    


      "Hindi ka pwedeng magpadalos-dalos Tres!" pigil ni Jose sa kasama. Tinapunan lamang siya nito ng matalim na tingin. "Mapapahamak ka lamang, hindi lamang ang pagsugod at paghahamon ng patayan ang maaring solusyon."

        "Hayaan mo siya Cuatro." ang wika ni Andres. Patuloy ito sa pagpunas ng baril gamit ang telang may langis. "Kung nais niyang mamatay at kung wala siyang paki-alam sa buhay ng kaniyang mga kasama ay bahala siya. Hayaan mo siyang sugurin ng mag-isa ang kuta ng mga libo-libong sundalo ng Gobernador Heneral, siguradong ikatutuwa iyon ni Simon sa langit."

      Nahinto sa paghakbang si Apolinario at tinapunan din ng masamang tingin ang nakayukong si Andres na parang wala lang ang sinabi.

     Malakas na hinampas ni Apolinario ang dahon ng nakasarang pinto gamit ang kaniyang palad. Napaigtad naman si Jose sa pagkabigla.

      Matapos ang nangyaring pagpanaw ni Simon ay binalot ng kalungkutan ang kanilang pangkat at ngayon ay tila sila naglalakad sa tulay na lubid sa 
ibaba ng rumaragasang tubig-ilog.

       Nagkalat sa labas ang mga gwardiya sibil at iniisa-isa ang bawat tahanan, kabilang na ang tirahan ng mga Indio at tsino sa labas ng Intramuros hanggang sa mga karatig bayan. Hinuli ang maraming kalalakihan at ngayon ay hindi malaman kung maliligtas ang kanilang mga buhay ng ilan. Lahat ng sa kanilang palagay ay kahina-hinala ay kaagad na pinapatay.

         Dumarami na ang mga pamilyang nawalan ng ama at anak dahil sa panunupil ng mga kastila na tila gumaganti.

       Kumakalat na ang balitang naubos lahat ng mga sundalong kastila ng gabing iyon kasama si Heneral Donatillo, ang Alkayde ng piitan at ilan pang mga opisyal sa Fort Santiago ay napatay lahat at ang tangi lang nakaligtas ay ang Gobernador Heneral kasama ang dalawa nitong tauhan.

      Hindi nila alam kung ano ang nangyari matapos nilang iwan sa piitan ang mga prayle at ang kanilang pinuno.
Walang balita ukol sa magaganap na paggarote sa mga prayle at wala rin silang balita kung nasaan na ang kanilang pinuno.

     Subalit matibay ang paniniwala ni Jose na ang kanilang pinuno ang siyang pumatay sa mga sundalo at mga opisyal, hindi niya alam kung papaano subalit malinaw na ito lamang ang may kakayahang gawin iyon.

      Tok tok tok.

       Sabay-sabay silang napatitig sa pintuan ng marinig ang pamilyar na katok. Isa iyon sa mga itinuro sa kanila ng pinuo upang malaman nila kung kakampi ba o kaaway ang nasa likod ng pinto.

      Mabilis na lumapit si Marcelo sa pinto at kumatok din katulad ng ginawang pagkatok ng hindi inaasahamg bisita. Gumanti iyon at umulit ng dalawang beses. Saka pa lamang nailabas ang hindi sinasadyang
pinigil na hininga ng mga maroon sa loob ng silid na nasa ilalim ng lupa.

       Nang mabuksan na ang pinto ay ang kanilang panauhin na mismo ang nagsarado noon.

       "Dos!" nagulat na sambit ni Jose. Tipid ang ngiting tumango ito. Matagal din nila itong hindi nakita mula ng umalis ang kanilang pinuno patungong Estados Unidos.

      "Kamusta, narito ako upang tingnan ang inyong kalagayan. Anong nangyari sa mga sugatan?" ang kaagad nitong tanong.

      Matagal bago may naglakas ng loob na sumagot. "Nakaligtas si Garciano, subalit hindi p-pinalad si Simon." si Marcelo.

     "Kinalulungkot ko ang nangyari." ang mahinang sambit ni Diego at sumulyap ng saglit sa tahimik na kapatid ni Simon.

     Hindi niya maiwasang maalala ang pag-uusap nila sa may bakuran ng Gobernadorcillo. Sa kabila ng batang edad nito ay matapang ito at malakas ang loob subalit makulit at palaging kuryoso.

Año Luz Aparte... ( Light years apart ) BOOK 1Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon