Capitulo Viente Dos

67 6 0
                                    


        Matapos ang kaguluhan ay hindi umalis si Lucas sa tahanan ng mga Zamora upang damayan ang kaibigan ng pamilya. Isinantabi muna niya ang nararamdamang inis dahil sa pagtatalo nila ng kasintahan.

       Nalaman niya kay tatang Pitong na umuwi na ito, inutusan niyang sundan ang dalaga at siguruhing ligtas itong makakauwi.

       "Tumahan ka na Mariya, huwag kang mag-alala hindi kita pababayaan. Sina ama at ina ay gumagawa na ng paraan upang matulungan ang iyong ama." masuyong wika ni Lucas sa dalagang yakap-yakap at patuloy na umiiyak.

         Dinala na ng mga gwardiya sibil sa Fort Santiago sa bagong bayan ang aman nito upang doon ay litisin at kung mapatunayan ang mga ibinibintang ay maaring magarote ang Gobernadorcillo.

        Hindi niya mapapayagang mangyari iyon, mabuting tao si Don Thomas, mula pagkabata ay kilala na niya ito, mas lalong napalapit ang loob niya dito ng maging magkasintahan sila ng panganay nitong anak na si Katrina.

        Sumikip ang kaniyang dibdib ng maalala ang yumaong kasintahan, kung hindi ito nawala ay malamang mag-asawa na sila at mayroon na ring anak, isa na sana silang tunay na pamilya ng nga Zamora. Nangako siyang aalagaan niya ang bunso nitong kapatid na si Mariya maging ang ina nito at ama. Subalit tila yata ay mabibigo siya, muling nagtagis ang kaniyang bagang.

         Nakatulog sa kaniyang dibdib ang dalaga, maingat niya itong binuhat at dinala sa silid nito sa loob ng malaking bahay. Nang matiyak na maayos na ang pagkakahiga ng kababata ay nagpaalam na siya kay Donya Trinidad na namamaga rin ang mga mata at tila hindi rin mapakaling pauli-uli sa malawak na salas ng bahay.

          Tipid lamang itong tumango, nababasa niya ang galit sa mga mata ng ginang. Naiintindihan niya ng galit nito sa gumawa ng kasinungalingang nagpahamak sa asawa nito dahil pareho lamang sila ng nararamdaman.

         Nangako siya sa Ginang na tutulungan niyang mapawalang sala ang Gobernadorcillo. Sumakay siya ng kalesa at nagpahatid sa kanilang tahanan. Agad siyang sinalubong ng nag-aalaang si Donya Juliana sa harap ng pintuan ng kanilang bahay.

       "Kamusta anak, ano nang kalagayan ni Donya Trinidad at ng iyong kaibigan?"

      "Tiniyak kong maayos na ang lagay nila ina bago ako umalis." pagod na sagot niya. Tila naubusan siya ng lakas sa pagaasikaso sa tahanan ng Gobernadorcillo.

        "Mabuti naman, ang iyong ama ay naroon pa rin sa Intramuros at nakikipagpulong sa Gobernador Heneral." kwento ng kaniyang ina. "Halika tumuloy ka na nagpahanda ako ng hapunan alam kung gutom at pagod ka anak." ani pa ng Ginang. Sumunod siya sa ina, awtomatikong lumibot ang kaniyang tingin sa loob ng bahay.

         "Anak halika na sa kumedor." tawag ng kaniyang ina, hindi niya namalayang huminto pala siya sa pagsunod dito. Kunot ang noong muli siyang humakbang. Sa kusina ay muling naghanap ang kaniyang mata, naroon ang kanilang tagasilbi na si Manang Pasita at ang apo nitong si Norma naghahanda ng kaniyang hapunan.

         Para lamang sa isang tao ang inihaing pagkain. "Kumain na kaming lahat ikaw na lamang ang hindi." tila nabasa ng ginang ang katanungan sa mata ng anak.

         Naupo na si Lucas at nagsimulang kumain, nakarinig siya ng mga yabag ng paa papasok sa kusina, bumilis ang tibok ng kaniyang puso at mabilis na nilingon ang taong nagmamayari niyon.

Año Luz Aparte... ( Light years apart ) BOOK 1Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon