Alessia Xamalia's Point of view
Nang lumabas kami ni Hannah sa loob ng kwarto ay parang walang nangyari, isinantabi naming dalawa ang napag-usapan at napagkasunduang saka na ito alalahanin, kapag tapos na ang taong ito.
Sumalubong sa akin ang palamuti at dekorasyong pang-pasko nang magtungo ako sa living room, ni hindi ko ito napansin kanina pati na rin ang malaking christmas tree na nasa gilid ni Daddy.
"Anak, halika't tulungan mo 'kong maghanda para sa nochebuena mamaya."
Nagpunta ako sa kusina kasama si Hannah. Wala ngayon ang iilang kasambahay dahil nais namin na kasama nila ang pamilya sa darating na Pasko at Bagong taon.
Nang makita kong bitbit na ni Mama ang strainer ay inako ko na 'yon. "Ako na d'yan, Ma, mabigat." Ani ko. Pinagbigyan naman niya ako, ngunit nakaantabay pa rin kung sakaling kailangan ko ng tulong.
"Kaya mo ba, anak?" Ngumiti at tumango ako sa kanya.
Sinubukan ko ng ianggat ang caserola, medyo mabigat at mainit pa rin ang handle kahit na sapin naman itong pot holder. Binitawan ko muna at kumuha ng isa pang pares ng pot holder, ginawa ko na. Sinala ko na ang pasta, buti nalang at hindi ako nagkamali, nakakahiya naman kung oo.
Pinahiran ko ng tuwalya ang noo ko ng may maramdamang init at pawis. "What's next, Mama?" Tanong ko.
Napangiti ito bago itinuro ang kinaroroonan ni Hannah. Naggagawa kasi ito ng mango graham cake, paborito kasi ito ng dalawa kong kuya. Napangisi ako.
"Tulungan mo na lang muna si Hannah doon, anak. Kukunin ko muna ang mga kailangan para sa sauce," aniya.
"Okay, 'ma." Nagpunta na ako sa tabi niya. Kahit hindi niya sinabi ay nakialam ako, ako na ang naghiwa sa mga manggang ilalagay sa graham. "Paanong sukat ba ang gagawin ko rito?" Tanong ko sa kanya. Busy pa rin sa paghahalo ng crema.
"Kahit ano, basta manipis."
"Okay." Ginawa ko ang sinabi niya. Hindi niya ako pinapansin ngayon. Alam ko naman na galit siya sa pagiging pabaya ko, pero tao lang din naman ako. Katulad niya, dapat naiintindihan niya ako.
"Kamusta nga pala ang trip niyo ni Kane Cuevas?" Tanong niya na siyang ikinatigil ko. Nilingon ko siya, ganoon pa rin at busy sa ginagawa. Nagkibit-balikat na lang ako.
"Kaibigan o manager ko yung nagtatanong?" Biro ko.
Natawa din siya. Nagulat naman ako kaya muling napabaling ng tingin sa kanya. "Kaibigan mo. Tapos na 'ko sa pagiging manager mo kanina," natatawang sabi niya sa akin. "Pasensiya na sa inasal ko, you know… hindi maiiwasang magalit sa 'yo. I contacted Paulo yesterday when the pictures boomed, he's not answering and when he suddenly picked up, he's really mad, Xamalia. Well, naiintindihan ko siya…" Natigilan ako sa paghihiwa ng mangga. Parang may kakaibang kaba akong nararamdaman, ito yung pakiramdam na gusto ko na lang mawala kaysa harapin.
"Anong sabi niya, Hannah?"
"Ayokong sabihin, masasaktan ka lang. Maybe, the two of you need to talk? Really, baka makatulong." Payo niya. Ayaw niyang sabihin dahil masasaktan ako? My mind goes deeper, striving into something darker. Ganoon siya kagalit sa akin? And then, I imagine how the picture will look like… we are so very touchy, just like being boyfriend and girlfriend. Nasaktan ko siya.