Chapter 17.2

3.6K 64 0
                                    

ILANG araw ang lumipas...

Ni minsan ay hindi naisip ni Liezl na makakaramdam pa siya ng sobra-sobrang kasiyahan sa buhay niya. Sa pagdaan ng mga araw ay lalo pang tumitindi ang pagmamahal niya kay Matthew. She loved him more than she loved Justin, hindi niya na kakayanin pang malayo dito.

Napahalumbaba siya sa ibabaw ng desk niya, naisip niya si Justin. Hindi pa ito bumabalik sa bansa at hindi rin naman tumatawag sa kanya, gusto niya ng maayos ang tungkol sa kanila. Gusto niya ng malayang maipakita ang relasyon nila ni Matthew. Napabuntong-hininga siya. Alam niyang masasaktan niya si Justin dahil sa desisyon niya, pero wala na siyang ibang magagawa. Nakapili na siya ng gusto niyang makasama habang buhay.

Napasandal siya sa swivel chair na inuupuan at napatingala. Gusto kaya siyang pakasalan ni Matthew? Naalala niya ang sinabi nito noong nasa mansiyon sila nito sa Tagaytay...

"...Balak kong dito tumira kapag nagka-pamilya na ako. Alam mo namang matagal ko ng pinangarap ang magkaroon ng isang malaking pamilya, hindi ba?..."

Napangiti siya sa sarili. Ilan kaya ang anak na gusto nito? Napailing siya sa itinatakbo ng utak niya. Kailan pa siya nagkaganito? Pero muli rin siyang napaisip. Bakit? Wala namang masama sa iniisip niya, ah?

"Hey," nagitla pa siya nang may humawak sa balikat niya. Nalingunan niya si Christopher. Napangiti ito. "Ang lalim ng iniisip mo, ah? Hindi ka pa ba uuwi?"

"Pauwi na nga ako. Hinihintay lang kitang lumabas," aniya. Kinuha niya ang shoulder bag at tumayo. "Sabay na tayong bumaba."

Tumango lang ito at naglakad na sila papunta sa elevator. Nasa bukana na sila ng MicroGet ng tumigil ito sa paglalakad.

Napatingin ito sa kanya. "May date ka ba ngayon?" tanong nito.

"Date?" nagtatakang ulit niya sa sinabi nito. Pagkatapos ay naalala niya ang araw ngayon. "Oh! It's Valentine's day!" she exclaimed.

Napangiti ito. "Mukhang hindi ka na aware sa mga dates, ah?"

Gumanti siya ng ngiti. "Medyo. As long as kasama ko si Matthew, wala na akong pakialam sa kung ano ang araw."

Tumawa pa ito. "Ngayon lang kita nakitang nagkakaganyan, ha?" inakbayan siya nito. "Nasabi mo na ba kay Justin ang tungkol sa inyo ni Matthew?"

Marahan siyang umiling. "Hindi pa nga. Hindi pa kasi siya bumabalik. Hindi ba siya tumatawag sa'yo?"

Umiling din ito. "Huwag kang mag-alala, siguradong babalik din iyon," ngumiti pa ito.

Sabay pa silang napatingin sa unahan nang marinig na may tumawag sa kanya. Ilang hakbang lang ang layo sa kanila ay nakita niyang nakatayo doon si Matthew. Nakatingin ito sa kanila, seryoso ang mukha nito.

"Uh-oh," dahan-dahang ibinaba ni Christopher ang kamay na nakaakbay sa kanya. "Mukhang kailangan mo siyang lapitan, Liz," bulong pa nito. "Baka masuntok na ako niyan mamaya."

Napatingin siya dito at napangiti. "Ikaw kasi," ganting bulong niya bago lumakad palapit kay Matthew. Madilim pa rin ang mukha nito habang nakatingin sa kanya. Yumakap siya sa baywang nito at tumingala dito. "Anong ginagawa mo dito?" tanong niya.

"Anong ginagawa mo kasama siya?" ganting-tanong nito.

Nginitian niya ito. "May sinasabi lang siya sa akin, huwag ka ng magselos," tumingkayad siya at mabilis na hinagkan ito. "Happy Valentines."

Unti-unti namang umaliwalas ang mukha nito at ngumiti. "Pumunta ako dito dahil diyan, let's have dinner together. Naipa-reserve ko na ang buong restaurant ni Ashlee sa Makati para sa atin."

Nanlaki ang mga mata niya. "Buong restaurant? Hindi mo na dapat ginawa 'yon."

Tinitigan siya nito. "Gusto kong gawin 'yon. Don't worry, binigyan naman ako ni Ashlee ng discount."

She laughed and returned his stare. His head slowly bent down to claim her lips in a gentle kiss. Tinugon niya ang halik nito para lamang maputol nang marinig nilang magsalita si Christopher. Napatingin siya dito na kasalukuyan ng nasa tabi nila.

Iiling-iling pa ito. "Hindi ba puwedeng sa ibang lugar niyo na 'yan ituloy?" tanong nito. "May mga empleyado pa ako dito."

Nahihiya pa siyang ngumiti bago inalis ang pagkakayakap kay Matthew. "Wala ka bang date ngayon, Chris?" tanong niya dito.

Ngumiti ito. "Maghahanap pa ako," sagot nito. "Mauna na ako sa inyo," paalam nito sa kanila.

Sinundan niya lang ito ng tingin. Maghahanap daw, hindi na naman nito kailangang maghanap dahil siguradong marami ng nakapila dito. Muli siyang napatingin kay Matthew nang hawakan nito ang kamay niya.

"Let's go?" yaya nito sa kanya. Tumango siya at sumunod hanggang sa sasakyan nito.

[Completed] The Breakers Corazon Sociedad Batch 1 Book 3: Matthew AzcarragaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon