Chapter 13.5

3.4K 67 1
                                    

ILANG linggo din ang lumipas, kahit na medyo may inis at tampo pa rin si Liezl kay Matthew ay hindi niya naman nakalimutan na kaarawan nito ng araw na iyon. Personal niyang ginawa ang cake na ibibigay para dito at naglagay pa ng card sa ibabaw ng box na nagsasabing:

Happy 29th Birthday Matthew...

Tumanda na naman ang best friend ko, sana naman bisitahin mo na ulit kami sa bahay. I miss you already, ganoon din sina Papa at Mama, pati si Jamaica.

Liz.

Tinawagan niya si Justin para magpahatid sa unit nito sa Ortigas ng gabing iyon. Sa loob pa lang ng sasakyan ay excited na siyang batiin ito.

Lumingon siya kay Justin. "Sasamahan mo ba ako sa loob, Jhust?"

"Hindi na, hihintayin na lang kita dito sa sasakyan. Babatiin mo lang naman siya, 'di ba?" sagot nito.

"Hindi mo siya babatiin?"

"Nabati ko na siya kanina sa society," sagot nito habang ipinaparada ang sasakyan sa parking lot ng condominium place ni Matthew.

Naningkit ang mga mata niya sa sinabi nito. "Galing kayo sa society niyo?"

Tumingin ito sa kanya. "Madali lang naman ako doon, binati ko lang siya."

Ngumiti siya at tumango. "I'll be back soon," pagkatapos ay lumabas na siya ng sasakyan at masayang tinungo ang unit ni Matthew.

Nang nasa tapat na siya ng pinto ay humugot muna siya ng malalim na hininga bago pinindot ang doorbell na naroon pero walang sumagot. Wala kaya dito si Matthew? Akmang pipindutin niya ulit iyon nang marinig ang pagbukas ng pinto.

Nagulat siya nang makita si Alyzza na nagbukas ng pinto, parang pinag-sasaksak ng libu-libong kutsilyo ang puso niya nang makita itong suot ang damit ni Matthew. Namumungay pa ang mga mata nitong nakatingin sa kanya, wala pa sa pagkaka-ayos ang buhok nito.

"Liz," she greeted her in a husky voice from sleep. "What are you doing here? Hinahanap mo ba si Matthew?"

Wala siyang maapuhap na salita ng mga oras na iyon, tuluyan ng na-blangko ang isipan niya.

"Natutulog na kasi siya," pagpapatuloy nito. "May importante ka bang sasabihin?"

Marahan siyang napailing. Hindi niya magawang ibuka ang sariling bibig.

Napatingin ito sa hawak niyang kahon ng birthday cake. "Para ba sa kanya 'yan? Ako na ang magbibigay."

Nanginginig ang mga kamay niya habang inaabot dito ang hawak. Pasimple niya pang tinanggal ang card na naroon.

"Sasabihin ko sa kanyang dumaan ka," pagkasabi noon ay isinara na ulit nito ang pinto.

Wala sa isip siyang naglakad sa hallway. Nanlalabo na ang paningin niya dahil sa mga luhang unti-unting bumubukal sa mga mata niya. Napahawak siya sa dingding at dahan-dahang napaupo sa sahig at doon na tuluyang napahagulhol. Pinukpok niya ang kaliwang dibdib dahil baka sakaling mabawasan ang sakit noon.

Bakit ganoon na lang ang sakit na nararamdaman niya? Hindi ba dapat maging masaya siya para sa mga ito? Mga kaibigan niya ang mga ito. No, sigaw ng puso niya. Hindi niya kayang makita si Matthew na kapiling ang ibang babae, na inaalagaan at pinapasaya ang ibang babae maliban sa kanya.

Iniiling niya ang ulo. Why am I so selfish? Bakit?

Ilang sandali siyang nanatiling nakaupo doon, umiiyak na parang kawawang bata. Pakiramdam niya ay naagawan siya ng isang mahalagang bagay sa buhay niya, na hindi na ito muling maibabalik sa kanya.

Tinuyo niya ang mga luha at pinilit ang sariling tumayo. Kahit halos wala na siyang lakas ay pinilit niya pa ring tinungo ang elevator.

Pagkapasok niya sa kotse ni Justin ay hindi niya magawang tumingin dito pero mukhang napansin nito ang pamamaga ng mga mata niya.

"What happened?" nag-aalalang tanong nito.

Pinanatili niya ang tingin sa labas ng bintana. "Gusto ko ng umuwi, Jhust," bulong niya.

"Nakausap mo ba si Matthew?" tanong pa rin nito bago sinimulang paandarin ang sasakyan.

Umiling siya.

Hindi niya na ito narinig na nagsalita hanggang sa makarating sila sa bahay nila. Matapos magpasalamat ay pumasok na siya sa loob at dumiretso sa kuwarto niya. Hindi niya na nagawang pansinin ang pagtawag ng Mama niya. Gusto niya lang na mapag-isa.

A/N: Kindly follow me here on wattpad for updated stories. Thanks much! ^_^

[Completed] The Breakers Corazon Sociedad Batch 1 Book 3: Matthew AzcarragaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon