Gabi na at nasa arcade bar pa rin si Cashmere. Naglalaro.
Napukaw ng atensyon nya ang isang pamilyar na lalaki na hinahampas ang isang play station machine, narinig rin ni Cashmere ang 'game over' kaya malamang ay dahil doon kaya mainit ang ulo ng lalaking naglalaro doon.
"Tsk tsk.." napailing si Cashmere, "Ang liit naman ng mundo. Ano kayang trip nitong taong ito sa buhay at nandito? Halos di nagsasalita kapag nasa classroom. Ang angas pa rin talaga..." bulong niya sa sarili niya
"Ano bang ginagawa mo sa machine?" sigaw ng may-ari ng arcade habang papalapit sa lalaki sa playstation, medyo may kalakihan ang katawan nito
Walang emosyong tinignan lang ng binata ang may-ari mula paa hanggang ulo
"Huwag ka ditong manira ng gamit. Pagbabayarin kita. Akin na nga ang I.D mo at mukha ka pang estudyante ah!" patuloy sa pag-sita ang may-ari
"Sinira ko ba? Gumagana pa rin naman, diba?" tumayong padabog ang binata
"Aba't sumasagot ka pa ah!" aambahan ng suntok ng may-ari ang binata pero nasangga na ito ni Cashmere
"Teka lang muna Sir... parang ikaw ang makakabayad kung mananakit ka ng estudyante..." singhal ni Cashmere sa may-ari at tinignan rin ang binatang kanyang iniligtas
Tinignan lang rin ng binata si Cashmere sabay umalis sa lugar na 'yon.
"Tss... ang galing naman magpasalamat nun—arghh!" di kalaunan pala'y nakatanggap ng suntok si Cashmere mula sa may-ari ng arcade.
Gumanti rin si Cashmere ng isang malakas na suntok sabay takbo papalayo roon.
"Argh... Ang sakit" dinampi nya ang daliri sa gilid ng labi at naramdamang may dugo ito
Sa di kalayuan, natanaw niya ang binatang may utang na loob sa kanya. Agad siyang tumakbo palapit.
"Hoy..." tawag niya rito na kakalabas lang ng convenient store
"Ano?" matipid na sagot nito at umupo sa upuan sa labas ng tindahan
"Hindi mo ba alam kong anong nangyari dito?" umupo sa tabi si Cashmere sa tabi ng binata at pinakita ang sugat sa gilid ng kanyang labi
"Wala akong sinabing sanggain mo ang suntok para sa akin. Kaya kong ipagtanggol ang sarili ko..."
"Alam mo Khen, para kang walang buhay kung magsalita lagi. Para kang napipilitan lang na magsabi eh"
"Diretsohin mo nga ako, Cashmere. Anong kailangan mo sa akin?"
"H-ha? Wala akong kailangan sayo— ay oo meron! Magpasalamat sa pagligtas ko sayo kanina!"
"Hindi yun pagligtas, pangingi-alam yun sa gawain ng tao..." tumayo si Khen at akma ng aalis
"Dahil ba ito sa nangyari noong isang taon?" napatayo rin si Cashmere at seryosong tinanong si Khen
"Wala na akong paki-alam kung ano man ang nangyari noon..."
"Ako meron, Khen. Kung hindi nangyari yun, malamang hindi ganito ang nararamdaman ko sayo... at uulitin ko nanaman na hindi ako nagbibiro..."
Lumingon si Khen kay Cashmere at may inabot. Tinignan lang ni Cashmere ang kamay ni Khen
"Gamitin mo yan" pagkatanggap ni Cashmere ay agad na ngang lumakad palayo si Khen
Binuklat ni Cashmere ang palad nya, isang band-aid galing kay Khen.
Napangiti naman si Cashmere.