Reya's POV
"Huh! Huwag mo nang tangkaing tumakas pa."
"Pwe! Pinagod mo kami!"
Hindi ko inintindi ang pinagsasabi ng mga hayop sa likod ko. Kusa akong napatigil nang mamalayan kung nasaan na ba ako. Parang ayoko nang ihakbang pa ang mga paa ko. No. This can' t be happening. Hindi ko alam kung ano ang magiging reaksyon.
"Bakit ka tumigil? Sa wakas ay natanggap mo na bang wala kang ligtas sa amin? Kahit tumakbo ka pa, hindi ka namin titigilan."
Ang mga talahib sa paligid, malalago pa rin ang mga ito na kagaya noon. Hindi ako maaaring magkamali, ito ang lugar na iyon. Naikuyom ko ang aking nanginginig na kamao.
"Hoy Pink! Nanigas ka na ba sa takot?" Naramdaman ko ang paglapit ng lalaki kaya mabilis akong humarap at sinuntok siya sa mukha. Napahiga ang lalaki kasabay ng pagbabalik ng mga imahe sa utak ko. Dito, nakita ko kung paano bumagsak sa harapan ko ang walang buhay nang lalaki noon.
"Aahh!" malakas kong sigaw. Ayoko nang alalahanin ang sandaling iyon. Ang pagmamakaawa ko, ang malakas na pag-iyak... Ang takot.
"Nababaliw ka na yata? Tapusin niyo na siya." Hindi ko masyadong marinig ang sinasabi ng mga taong ito. Nagbabalik lahat ang mga alaala.
"Huwag! Pakiusap. Tulong! Tulong!"
"Tumahimik ka na lang diyan dahil walang nakakarinig sa iyo rito." sabay tawanan ng mga lalaki. Pilit nila akong hinihila papasok sa may talahiban. "Ang ganda nito pre. Jackpot!"
"Hindi!" Nakita ko ang pamalo ng lalaki na malapit nang dumapo sa ulo ko kaya maagap kong hinuli ang kamay niya. Hindi ko hahayaang magapi na lang basta. Sa mismong lugar na ito... Hindi na ako kagaya ng dati, lalaban ako.
"Yahhh!" Buong-lakas kong hinila ang pamalo ng lalaki Tinadyakan ko siya sa sikmura na naging dahilan para maagaw ko sa kaniya ang pamalo. Nakita ko sa gilid ang pagsugod ng isa pa kaya't winasiwas ko ang pamalo upang hindi siya makalapit. Kahit pa nanginginig ang mga kamay ko, kailangan kong lumaban.
Sabay-sabay silang sumugod. Naramdaman ko ang sakit sa aking likod nang may sumipa rito ngunit di ako nagpatinag. Alam ko na may natatamaan ang pamalo ko sa kanila. Ginawa ko ang lahat upang umilag sa kanilang suntok at sipa. Pinatid ko ang isa sa mga lalaki at nang makitang napadapa siya at tumama sa lupa ang mukha, agad akong lumapit at pinansakal ang pamalo sa kaniya. Pinatayo ko ang lalaki
"Sige! Lumapit kayo!" hinihingal kong sigaw. Napatigil naman sila. "Tutuluyan ko talaga 'to!" at habang nasa likod niya ay diniinan ko lalo ang pamalo sa kaniyang leeg. Halos mapaubo na ang lalaki. Kung hindi ko siya pakakawalan ay maaari siyang lagutan ng hininga. Tama. Hindi na ako ang dating Reya na mahina.
"Tarantado! Wala akong pakialam diyan!" Nanlaki ang mga mata ko nang may sumigaw mula sa likuran ko. Sinipa ko ng malakas ang lalaking sakal ko kanina kaya napasubsob siya sa lupa. Pagharap ko sa likod ay siya namang dapo ng kutsilyo sa mukha ko. Narinig ko ang pagtunog ng napunit na telang tumatakip sa aking mukha.
"Arrgh! Ginagalit niyo talaga ako!" Sinipa ko ang kamay niya at tumalsik ang hawak nitong balisong. Kinuwelyuhan ko ang lalaki. Itutulak niya sana ako pero tinuhod ko siya sa kanyang pagkalalaki saka sinamantala ang pamimilipit niya upang maitulak siya pahiga. Hindi ko siya nilubayan. Umibabaw ako pagkatapos ay pinagsusuntok siya sa mukha hanggang sa halos mawalan na siya ng malay. "Sisirain mo pa ang mukha ko? Pagbabayaran mo ito!" Namamaga na ang mata nito at may dugo sa ilong at gilid ng labi. Namataan ko ang balisong ng lalaki sa may gilid. Inabot ko ito.
Itinaas ko ang balisong na hawak at tinutok sa mukha niya. Narinig ko ang pagsinghap ng mga kasamahan niya. "Sige lumapit kayo at isusunod ko talaga kayo!"
BINABASA MO ANG
Dead Heart (#RoseAwardsJune2019)
ActionSi Reya ay isang underground fighter sa isang organisasyong pinamumunuan ng matataas na tao ng lipunan. She is cold and known to be heartless... as a fighter and even outside the battlefield. Para sa kanya, walang kwenta ang sarili nitong buhay. Nam...