Questions
Hindi ko na halos matandaan kung papaano kaming nakalabas ni Dan ng bar. Masyadong naging mabilis ang mga pangyayari. Sunod ko na lang na namalayan ay pareho na kaming lulan ng isang taxi at ngayon nga'y pabalik na sa University.
Nahinto lang ako sa malalim na pag-iisip patungkol sa mga kaganapan kanina nang maramdaman kong bumigat ang balikat ko.
Nilingon ko si Dan na ngayo'y komportable nang nakahilig ang ulo sa balikat ko. Napatikhim ako at itutulak na sana siya. Pero bago ko pa man magawa, nauna na niyang nahawakan ang nakaangat kong kamay.
"Hayaan mo muna ako sa ganitong posisyon. Pagod ako . . . "
Napabuga ako ng hangin sa ere at binaba na nga ang nakaangat kong kamay. Ramdam na ramdam ko nga ang pagod sa tono ng pananalita nito. Napailing-iling na lang ako habang inaalala ang ginawa niya kanina. Sino din naman kasi ang nagsabi sa kanyang iligtas niya ko kanina mula sa hayop na yun?
Oo, nagpapasalamat ako sa kanya dahil do'n. Pero sa kabilang banda, naiinis rin ako sa nangyari. Nagdulot pa nga kami ng malaking kaguluhan sa birthday party ni Kuya Clyde. Hindi ko na tuloy alam kung may mukha pa ba kong maihaharap dito kapag nagkita kami.
"Hoy, baka pwede mo nang bitawan ang kamay ko?" Mahinang bulong ko sa katabi ko nang mapansing hawak pa rin nito ang isang kamay ko.
Imbes na gawin ang sinabi ko, mas nagsumiksik pa ang gago sa leeg ko at niyakap na talaga ang buong braso ko.
"Dan!"
"Shhh. Mamaya mo na ko pagalitan sa dorm."
Napapikit na lang ako ng mariin habang pilit na pinapakalma ang sarili ko. Hindi ko na lang muna inintindi ang higanteng koala na nakakapit ngayon sakin. Pagod din talaga ako at pakiramdam ko nga'y makakatulog agad ako, sa oras na makabalik na kami sa dorm.
***
"Aray! Dahan-dahan naman,"
Nanliit ang mga mata ko at pansamantalang hininto ang ginagawang paglilinis ng mga sugat ng kaharap ko. Kanina pa sana akong natutulog nang mahimbing, pero dahil sa ungas na 'to ay heto ako at abala pa sa paggagamot ng mga sugat na natamo niya kanina.
"Ikaw kaya gumamot sa sarili mo! Panay ka naman reklamo eh!" Naiinis kong singhal at inabot sa kanya yung bulak at betadine na hawak ko.
Agad naman itong umiling-iling at bahagya pang ngumuso. "Sige na, hindi na ko magrereklamo."
Sinamaan ko lang siya ng tingin at tinuloy na nga ang pagdampi ng bulak na may betadine sa sugat niya. Sa bawat pagdampi ng bulak sa mukha niya ay siya ring pagpikit at pagngiwi nito. Napailing-iling na lang ako.
"Ang lakas ng loob mong pumasok sa gulo tapos ngayon aaray-aray ka diyan." Sabi ko.
Biglang dumilat si Dan at tinitigan ako. Hindi tuloy ako makapag-focus sa ginagawa.
Paano, napakalapit ng mukha namin sa isa't isa tapos grabe pa kung makatitig sakin ang gago. Sino ba namang hindi maiilang?
Ano na naman kayang tumatakbo sa isip ng hunghang na 'to?
"Rem . . . "
Muli akong tumigil sa ginagawa. Sinalubong ko ang mga tingin ni Dan.
"Ano?"
Hindi pa ito agad sumagot. Nanatili ang mga mata nitong konektado sa mga mata ko. Hindi ko alam kung namamalikmata lang ba ko o talagang palapit nang palapit ang mukha sakin ni Dan?
At ang mas lalong hindi ko maintindihan, bakit hindi ko man lang magawang mailayo ang mukha ko? Para akong napasailalim sa isang hipnotismo. Tila magnet na hindi ko maiwasan ang mga mata ni Dan.
BINABASA MO ANG
My Reminiscence (Completed)
Teen FictionRunning into each other almost everyday at the University, the two high school mortal enemies, Dan and Rem, found themselves hating each other again more than ever. But seems like fate really knows how to play with them. These two arrogant guys ende...