Chapter 17

478 25 12
                                    

Through a song

Dan's POV

Abala halos ang lahat sa paghahanda para sa nalalapit na Foundation Day ng University. Makikita ang mga paparoon at paparitong mga estudyante. Karamihan ay may mga dala-dalang gamit pang decorations. Sa totoo lang, isa ang Foundation Day sa pinakaaabangan naming mga estudyante. Halos dalawang linggo kasi kaming walang matinong pasok pag ganitong Foundation.

Gaya na lamang ngayon. Hindi na kami sinipot ng mga prof at instructor namin ngayong umaga kaya naman inaasahan na rin naming walang sisipot samin pagkahapon.

"Dan, arat! Labas na tayo ng campus. Tambay tayo sa kanila Denzel." Biglang sambit ni Ronald na hindi ko namalayang nasa tabi ko na pala.

Nakasunod sa kanya sila Nicolo, Kevin at Denzel na dala-dala na nga ang mga bag nila at mukhang naghahanda na lang sa pag-alis.

Magsasalita pa lang sana ako pero hindi na rin natuloy nang matanaw ko si Rem mula sa bintana na nakabusangot na naman ang mukha at bagot na naglalakad.

"Pass ako."

Maikling tugon ko bago ko nagmamadaling pinulot ang bag ko na nasa lapag at lumabas na nga ng room.

"Hoy, Dan! Saan ka na naman ba pupunta?!"

Rinig kong tanong ni Ronald na hindi ko na pinansin pa dahil nakatuon na lang ngayon ang buong atensyon ko kay Rem.

"Rem!"

Tawag ko sa pangalan nito kahit na hindi pa man ako tuluyang nakakalapit sa kinaroroonan niya.

Naguguluhang nilingon naman ako ni Rem. Nagtatanong ang mga mata nito na para bang nagtataka kung anong kailangan ko sa kanya.

"Anong kailangan mo?" Tulad ng inaasahan ay iyon nga agad ang naging bungad na tanong nito nang makalapit na ko sa kanya.

Kailangan kita.

Hindi ko napigilang mapangisi sa mahinang bulong na iyon ng utak ko. Nitong mga nagdaang araw ay paunti-unti ko nang nakakasanayan ang mga kakaibang nararamdaman ko para kay Rem. Hindi na nga ako nagugulat kapag may mga pagkakataong kung anu-ano na lang ang pumapasok sa utak ko patungkol sa kanya, gaya na lamang ngayon.

Hindi ko nga lang alam kung magandang senyales ba ito o ano.

"Hmm wala naman. Wala na rin kayong klase?"

Naitanong ko na lang para naman kahit papaano ay may mapag-usapan kaming dalawa.

"Wala. Hindi kami sinipot ng mga prof namin." Bagot nitong tugon.

"Kami rin. So, uhm babalik ka na sa dorm?" Marahang tumango lamang si Rem. Mukha itong pagod at wala sa mood kaya hindi ko na lang din siya kinulit pa.

"Sabay na tayo. Pabalik na rin naman ako sa dorm." Hindi makapaniwala ang tingin na ipinukol nito sakin.

"Sure ka? Hindi ka ba muna mag-iikot-ikot sa campus o 'di kaya'y gagala kasama sila Nicolo?"

Sunod-sunod akong umiling. "Wala rin ako sa mood na gumala ngayon." Sabi ko na lang. Syempre, alangan namang sabihin ko sa kanya na mas gusto ko lang siyang makasama 'di ba?

"Ahh."

Ang tanging naisagot nito. Doon ko na napatunayan na talagang may kung anong problema si Rem. Pinag-aralan kong mabuti ang mukha nito habang tahimik kaming naglalakad.

"Rem?"

"Hmm?"

"May problema ba?"

Tuluyang nahinto sa paglalakad si Rem bago ito nagpakawala ng isang malalim na buntong hininga. Okay, confirmed . . . may problema nga.

My Reminiscence (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon