DAN
ILANG minuto na siguro akong nakatulala habang katapat ang gate ng bahay nila Rem. Bitbit ko sa isang kamay ang plastic na naglalaman ng hotdog at sinangag. Ang almusal na madalas kong ihanda sa kanya nung magkasama pa kami sa dorm.
Nasa tapat pa rin ako ng gate nila nang bigla iyong bumukas at iniluwa ang papa ni Rem. Napansin kong ganitong oras talaga siya laging umaalis para pumasok sa trabaho.
Agad na umasim ang mukha nito nang makita ako.
"Ang tigas din talaga ng ulo mo, ano? Andito ka na naman?!"
Hindi ko pinansin ang galit nito. Bahagya akong yumuko sa harapan niya bago ko siya binati.
"Magandang umaga po, Sir. Papasok na po kayo sa trabaho?" Mas lalong nangunot ang noo nito. Sinenyasan niya ang driver na nasa kanyang likuran na mauna na.
"Hindi ka ba talaga natatakot sa banta ko sayong ilalayo ko nang tuluyan si Rem kapag hindi mo pa siya tinigilan?"
Napalunok ako. Pilit kong pinapalakas ang loob ko para hindi ako magmukhang talunan sa harap ng ama ng taong mahal ko.
"Naaalala ko pa ho ang tungkol dun. Pero, hindi ko naman po ginugulo ang anak niyo sa ngayon. Wala rin pong paraan para makita ko sa personal si Rem, lalo na't hindi naman po siya lumalabas ngayon, di ba?"
Natigilan bigla ang kaharap ko. Tsaka pa siguro nito na-realize na tama lahat ng sinabi ko.
"Oo nga po pala, nagdala ho ako ng almusal para sa kanya. Baka pwedeng—"
"Hindi niya kailangan 'yan!"
Inis na hinablot nito mula sa akin yung plastic at binalibag sa lapag. Hindi ito ang unang beses na ginawa niya 'yon. Tama, hindi rin naman kasi ito ang unang beses na tumambay ako dito sa tapat ng bahay nila.
Halos gugulin ko na nga ang buong oras ko dito sa kanila kapag wala na kong klase. Kahit kasi wala akong ganang pumasok, kailangan ko pa ring pumasok. Malamang na iyon din ang gusto ni Rem.
"Umalis ka na. Wag mong hintayin na tatawag pa ko ng pulis para ipakaladkad ka palayo." Maawtoridad na utos nito.
"Pasensya na po. Uuwi na po ako. Ingat po kayo, Sir."
Inismiran lang ako nito bago siya tumalikod at dumiretso na nga sa sasakyang kanina pang naghihintay sa kanya.
Hindi pa agad umandar ang sasakyan kahit na nakasakay na sa loob ang papa ni Rem. Hinihintay siguro na umalis muna ako. Isang sulyap pa nga sa bahay nila ang ginawa ko bago ako nagsimula na ring maglakad papalayo sa kanila.
Dumiretso ako sa may bus stop at matiyang naghintay ng bus papuntang Uni. Alam kong male-late na naman ako sa lagay na 'to, pero worth it naman kung para kay Rem ang pagka-late ko. Kahit araw-araw ko pa 'tong gawin, wala akong pake.
Kahit man lang sa ganitong paraan, maibsan kahit papaano yung labis na pangungulila ko sa kanya.
***
ISANG malakas na tadyak sa paa ang tuluyang gumising sakin. Nagpalinga-linga ako sa paligid at tsaka ko lang naalala na nandito na nga pala ulit ako sa kanila Rem.
Nakatulog na pala ako sa pagtambay ko dito.
"Hanggang kelan mo planong gawin 'to?"
Bungad na tanong ng ama ni Rem. Kakauwi lang nito galing sa trabaho. Agad akong tumayo mula sa pagkakaupo ko sa lapag at pinagpag ang nadumihan kong pantalon.
"Good evening, po."
Bati ko, pero as usual, isang nanlilisik na tingin lamang ang iginanti nito. Marahas ako nitong itinulak patabi para makadaan siya sa gate. Hindi ako umimik at nagbigay daan lang. Napansin ko pang napatingin sakin yung driver nila Rem. Umiling-iling ito na para bang awang-awa na sa sitwasyon ko.
BINABASA MO ANG
My Reminiscence (Completed)
Novela JuvenilRunning into each other almost everyday at the University, the two high school mortal enemies, Dan and Rem, found themselves hating each other again more than ever. But seems like fate really knows how to play with them. These two arrogant guys ende...