Naniniwala ako na ang bawat tao sa mundong 'to, may nakalaan nang daan para sa kanila at ang nasa dulo no'n. Kaya kung maliwanag man o madilim, maputik o mabato, malayo o malapit, maganda o panget ang daang tatahakin nila, gusto man nila o hindi 'yong nasa dulo no'n... wala na silang ibang choice.
Gaya ko.
Bata pa lang ako, kinailangan ko nang lumaban para sa sarili ko. Para lang mabuhay ako.
"Anak, laban lang, ah? Andito lang si Nanay para sa 'yo. Hinding-hindi ka namin susukuan. Lalaban kami kasama mo hanggang sa huli."
Hanggang sa huli...
Pero iniwan din naman niya ako.
"Kasalanan mo 'to lahat, e! Kung hindi ka lang sana mahina, hindi mamamatay ang Nanay mo! Hindi siya mawawala sa akin! Kasalanan mo 'to! Bwisit ka! Kasalanan mo 'to!"
Sunod-sunod na pambubugbog at walang katapusang masasakit na salita ang natanggap ko mula sa sarili kong ama habang lumalaki ako. Araw-araw na lang siyang naglalasing. Nagluluksa sa pagkawala ni Nanay. Halos hindi na rin ako umuuwi ng bahay noon, hindi dahil ayokong mabugbog, kung hindi dahil ayokong masaktan si Tatay kasi alam kong sa tuwing nakikita niya ako, bumabalik 'yong sakit ng pagkawala ni Nanay.
"Apo, 'wag mo nang intindihin 'yong mga pinagsasabi ng tatay mo, ah? Alam mo namang hindi niya talaga 'yon sinasadya, e. Lasing lang siya. Basta, 'wag mong kakalimutan 'yong sinabi ng Nanay mo sa 'yo noon. Laban lang, ha? Andito lang ako para sa 'yo."
Si Lola.
Siya na lang 'yong liwanag sa daang tinatahak ko. Siya na lang ang natitirang lumalaban para sa akin. Siya na nga lang ang natitira pero gaya ni Nanay, nawala rin siya.
"Ayos ka lang ba?" tanong sa akin ng kaibigan kong si Raven.
"Oo naman! Tuloy ba 'yong laro natin mamaya sa court?"
Sa takot na mawala rin ang mga kaibigan ko gaya ng nangyari kina Nanay at Lola, nagsimula akong magpanggap at magsuot ng maskara.
"Ikaw 'yong Juan Diego na pasyente namin noon, 'di ba? Anong nangyari sa 'yo? Sinong gumawa nito sa 'yo?"
Pero noong sinuko ko na lahat, bigla namang dumating sa buhay ko ang dalawang tao na 'to — si Doc. Dela Cuesta at ang asawa niya.
'Yong madilim na daang tinatahak ko, lumiwanag na naman ulit dahil sa kanila. Natakot ako noong una pero kahit ilang beses ko na silang tinaboy, tinakasan at tinanggihan, hindi sila sumuko. Hindi sila umaalis sa tabi ko hanggang sa namalayan ko na lang na naglalakad na ulit ako sa daan. Tinulungan nila akong makabangon ulit, pinag-aral, pinakain, binihisan at niligtas mula sa malupit na sinapit ko kay Tatay.
Sila 'yong naging pangalawang magulang ko pero sinisigurado kong may distansya sa amin, may pagitan, dahil ayokong mawala sila gaya nina Nanay at Lola. Ayokong maiwan 'yong anak nila.
Blue Charmaine.
Pero mas gusto ko siyang tawaging Asul. Sa isip ko.
Unang kita ko pa lang sa kanya, ramdam mo na agad ang bigat niyang dinadala. Walang kahit na anong bahid ng sigla o saya sa mga mata niya. Punong-puno 'to ng kalungkutan. Nagtataka ako sa kung anong dahilan noon hanggang sa aksidente kong nalaman mula kina Doc 'yong sitwasyon niya.
"Kaya pala..." Sambit ko habang nakatitig sa likod niya. "Kaya naman tuwing gabi ka lang lumalabas. Kaya pala sobrang lungkot mo."
Ilang beses ko na siyang nahuling pinapanood ang mga batang naglalaro sa children's ward. Ilang beses ko na siyang nakasalubong sa hallway ng hospital. Ilang beses na akong sumubok na kausapin siya kaso bago pa man ako makalapit sa kanya, umaalis na siya.
![](https://img.wattpad.com/cover/205166455-288-k169609.jpg)
BINABASA MO ANG
Die Now, Love Me Later
RandomShe's dead at day time and alive during night time. Hindi siya bampira, sadyang 12 hours lang active ang puso niya. She's not happy nor sad; she's just lifeless but not until she met the craziest jerk of the town that turned her world upside down.