Warning! This chapter is not edited, so expect typos, misspelled words, and grammatical errors. Thanks and enjoy reading!
KABANATA XVI
Third Person's POV
Unti-unting sinag ng araw ang pumasok sa bawat sulok ng mansion habang tahimik na naglalakad si Everly sa mahabang pasilyo patungo sa sala. Mabagal ang bawat hakbang niya, ngunit kabaliktaran naman niyon ang mabilis na tibok ng kanyang puso.
Mula pa lamang sa likuran ng dalawang taong naroroon ay agad na niya silang nakilala. Hindi na niya kailangang makita pa ang kanilang mga mukha.
Kabisa na niya ang bawat tindig ng mga ito. Napahinto siya nang tuluyan silang lumingon sa kanyang direksyon.
Agad siyang sinalubong ng maliit na ngiti ni Beta Jake. Kitang-kita ang pagkilala at bahagyang pag-aalala sa mga mata nito. Ngunit ang katabi nitong si Alpha Greyson ay nanatiling seryoso. Malamig ang titig nito, dahilan upang muling bumigat ang hangin sa paligid.
"Where did you go?" malamig nitong tanong nang tuluyan siyang makalapit.
"I-I..." Hindi pa man siya nakakasagot ay biglang sumingit si Manang Linda.
"Pinakuha ko lang siya ng tela sa bodega, ijo." Saglit na nagtama ang tingin nilang dalawa ng matanda. Sapat na ang isang tingin upang maintindihan ni Everly ang nais nitong ipahiwatig.
Huwag muna ngayon. Hindi pa ito ang tamang pagkakataon upang malaman ni Greyson na muli siyang pumasok sa lihim na silid ng Luna.
Alam nilang pareho kung gaano kahalaga ang kwartong iyon para sa Alpha. At kung malalaman nitong dalawang beses na siyang pumasok roon nang walang pahintulot, siguradong hindi magiging maganda ang kalalabasan niyon.
"Kamusta ka, Everly?" tanong naman ni Jake. Bahagyang napalingon siya rito.
Nakangiti pa rin ito, ngunit alam niyang pilit lamang iyon. Sinusubukan nitong pagaanin ang mabigat na atmospera sa pagitan nilang tatlo.
Ngumiti rin siya nang bahagya. "Mabuti naman."
Hindi nakaligtas kay Jake ang maliit na pagbabagong iyon. Noong una niya itong nakita ay halos wala nang buhay ang ekspresyon ng babae.
Ngayon ay nananatili pa rin ang lungkot sa kanyang mga mata, ngunit may bago na itong taglay. Determinasyon.
"Follow me." Iyon lamang ang sinabi ni Greyson bago tumalikod. Tahimik namang sumunod si Everly.
Habang pinagmamasdan silang papalayo, hindi napigilan ni Jake ang mapabuntong-hininga. Muling bumalik sa kanyang isip ang nangyari kahapon.
Hindi nila inaasahan ang biglaang pagdating ni Alpha Marcus. Mas lalo nilang hindi inaasahang mababasa agad nito ang kasinungalingang pilit nilang itinatago.
Matagal na pinamunuan ng dating Alpha ang kanilang pack. Kabisa na nito ang pagbabasa ng kilos, salita, at ekspresyon ng bawat isa.
Kaya naman bago pa man matapos magsinungaling si Greyson, alam na agad nitong may itinatago sila.
"You'll either tell me the truth now... or I'll find out myself." Hanggang ngayon ay malinaw pa rin sa isip ni Jake ang mga sumunod nitong sinabi.
"Kapag ako mismo ang nakatuklas ng katotohanan... hindi ko na magagarantiyahan ang kaligtasan ng taong itinatago mo." Wala nang nagawa si Greyson kundi aminin ang lahat.
Na nakita na niya ang kanyang mate. Hindi man ito ikinatuwa o ikinagalit ni Alpha Marcus, isa lamang ang naging utos nito.
Ipakilala ang magiging Luna ng pack sa susunod na kabilugan ng buwan. Kung tutuusin, sapat pa sana ang natitirang panahon upang ihanda si Everly.
BINABASA MO ANG
MY CURSED MATE
ParanormalA cursed appearance. A shattered destiny. A truth that could rewrite history. In the shadowed lands of Grand Orleas, EVERLY is a living symbol of fear and loathing. Her disfigured visage mirrors the incurable disease wrought by warlocks-servants of...
