Warning! This chapter is not edited, so expect typos, misspelled words, and grammatical errors. Thanks and enjoy reading!
KABANATA XLIV
Third Person's POV
Sunod-sunod na napaubo si Cimmerian nang magkamalay siya. Pakiramdam niya ay sasabog ang kanyang dibdib habang pilit inilalabas ang tubig na pumasok sa kanyang ilong, lalamunan, at baga.
Cough! Cough! Cough!
Halos isang minuto siyang walang ginawa kundi habulin ang sariling hininga. Nang sa wakas ay kumalma ang paghinga niya, napasapo siya sa dibdib at mariing ipinikit ang mga mata bago dahan-dahang iminulat ang mga iyon.
Hindi pamilyar ang kagubatang bumungad sa kanya.
Sa bawat direksyong lingunin niya ay puro matatayog na puno lamang ang makikita. Walang bakas ng ilog, bangin, o ng kwebang pinanggalingan nila.
Ang huli niyang naaalala ay ang pagtalon nila ni Nemya sa rumaragasang Grand Orleas River.
"Ayos ka lang ba, ija?" Napapitlag siya nang marinig ang boses ng isang lalaki sa kanyang likuran. Agad siyang tumayo kahit nanghihina pa ang katawan.
"S-Sino ka?" takot na tanong niya habang maingat na umaatras.
Nagtaas ng dalawang kamay ang lalaki bilang pagsenyas na wala itong masamang balak.
"Kumalma ka. Ako si Elias." Pinagmasdan niya itong mabuti. Mukha itong nasa edad na halos kasintanda ng kanyang ama. Payak ang suot nito at wala siyang maramdamang anumang nakakatakot na enerhiya mula rito.
Nang makitang hindi naman ito nagbabanta, unti-unti siyang kumalma at napaupo muli dahil sa matinding pagod.
"Akala ko hindi ka na rin magigising... katulad ng isa pang babaeng kasama mo," sabi ni Elias habang inaabot sa kanya ang isang makapal na tela.
Biglang nanlaki ang kanyang mga mata.
Nemya.
Parang saka lamang bumalik ang lahat ng alaala.
"N-Nasaan siya?" mabilis niyang tanong habang muling tumatayo.
"Dinala ko siya sa kubo ko. Mas malala ang kondisyon niya kaysa sa'yo. Mabuti na lang at may kaunti akong alam tungkol sa mga Neutral Warlock." Napakunot ang noo ni Cimmerian.
"Paano mo nalamang Neutral Warlock siya?" puno ng pagdududang tanong niya habang muling umatras ng ilang hakbang.
Napabuntong-hininga si Elias.
"Huwag kang mag-alala. Bahagi ako noon ng isang grupo mula sa Moonstone Pack na naglalakbay sa iba't ibang lugar. Dahil doon marami akong natutunan tungkol sa iba't ibang nilalang, kabilang na ang mga Neutral Warlocks." Bahagyang gumaan ang loob niya.
"Kung gano'n... samahan mo ako sa kanya." Tahimik na tumango si Elias bago mabilis na tumakbo papasok ng kagubatan. Agad naman siyang sumunod.
Ilang minuto lamang ang lumipas ay bumungad sa kanila ang isang maliit na kubong yari sa kahoy at kawayan. Simple lamang iyon ngunit mukhang maayos at matagal nang tinitirhan.
Hindi na siya nag-aksaya ng oras. Agad siyang pumasok. Kaagad niyang nakita si Nemya na nakahiga sa isang kama sa gitna ng kubo. Maputla ang mukha nito at nananatiling walang malay.
"A-Anong nangyari sa kanya?" sunod-sunod niyang tanong. "Kamusta na siya?" Napayuko si Elias.
"Sa kasamaang-palad... mukhang naubos ang halos lahat ng mahika niya. Nang makita ko kayo sa gubat ay naghihingalo na siya." Mahigpit na kumabog ang dibdib ni Cimmerian.
BINABASA MO ANG
MY CURSED MATE
ParanormalA cursed appearance. A shattered destiny. A truth that could rewrite history. In the shadowed lands of Grand Orleas, EVERLY is a living symbol of fear and loathing. Her disfigured visage mirrors the incurable disease wrought by warlocks-servants of...
