Ikalawang Kabanata
SaviorMinulat ko ang mga mata ko. Nakatulog pala ako. Nandito pa rin ako sa bench at nakahiga. Bumangon ako para makaupo. Ibig sabihin 'di talaga 'to panaginip?
Gabi na pala. Napahawak ako sa braso ko dahil sa lamig. Nakakaramdam na rin ako ng gutom. Saan at paano kaya ako makakakain?
Isa pa, baka hinahanap na ako ni Tita Yvonne. Nag-aalala na 'yon sigurado. Paano ba naman kasi ako napadpad dito? Mahiwaga talaga siguro'yong antigong body mirror sa bodega ng library.
Naisip kong maglakad-lakad muli. Wala na kong pakialam kung saan man ako makarating. Hindi dapat mangibabaw ang takot sa'kin sa mga oras na 'to. Ang tahimik ng paligid. Wala na halos katao-tao sa daan. Ano ito? May curfew? Anong oras na ba?
Habang naglalakad ako ngayon nang mag-isa sa kalsada, ay 'di ko mapigilang igala ang aking paningin. Napapaisip ako kung ano ba talagang klaseng lugar 'to? Anong meron dito? Bakit parang dito ako dinala no'ng mahiwagang salamin na 'yon?
May nadaanan akong bahay. Payak lang ang hitsura nito. Tanaw ko sa bintana nila 'yong nasa loob. Isang masayang pamilya na nagsasalu-salo ng hapunan. Nakaramdam ako ng inggit. Sana, maranasan ko ulit 'yon. Matagal na rin kasi mula ng huli ko'ng naranasan 'yon.
Naamoy ko pa 'yong pagkain nila. Lalo akong nagutom. Ang sarap naman kasi no'ng amoy. Nagpatuloy na ulit ako sa paglalakad.
Kinapa ko 'yong bulsa ko. Coin purse at phone ko ang laman. Iyong phone ko, walang signal at malo-lowbatt na. Ano pa ba'ng inaasahan ko? Tiningnan ko naman 'yong laman ng purse ko, may 100 peso-bill, dalawang 20 peso-bill, isang 50 peso-bill, at ilang barya. Puwede ko kayang ipambili ang pera ko dito? Malamang hindi. Napabuntonghininga na lang ako.
Huminto ako sa paglalakad tapos ay tumingala ako at tiningnan ang langit na puro bituin. Full moon pa. Mayamaya'y may naaninag akong taong naglalakad papalapit sa'kin. Naramdaman kong tumigil siya, saka ako tumingin. Nakaharap siya sa'kin. Isang binata. Mukhang mas matanda siya sa'kin ng konti, matangkad, at maamo ang mukha.
"Binibini? Gabi na. Naliligaw ka ba?" tanong niya. Natulala muna ako sandali dahil iniisip ko pa ang isasagot ko. Tiningnan niya ko mula paa hanggang ulo.
"Mukhang hindi ka taga-rito. Saang lugar ka nagmula?" nakangiting tanong niya sa'kin
Hindi pa rin ako sumasagot. Nag-iisip pa 'ko. Maniniwala kaya siya kung sasabihin kong taga-ibang mundo o dimension ako dahil sa isang mahiwagang salamin?
"Binibini?" tanong pa niya.
"May nakapagsabi sa aking nasa bansang Aglaea daw ako, at ito ang Imperyo ng Stavron," sambit ko.
"Oo. Tama ka, binibini. Ikaw? Hindi mo pa sinasagot ang mga tanong ko sa iyo. Sino ka? Saan ka nagmula? Kakaiba ang iyong kasuotan," sabi niya.
"Taga-Pilipinas ako. Charlotte ang aking pangalan. At oo, naliligaw nga ako," mariin kong sagot. Napakunot siya ng noo sa sinabi ko. Napaisip siguro ang isang 'to.
"Pilipinas? Anong lugar 'yon? Charlotte ang iyong pangalan? Hmm, kakaiba ngunit maganda," sambit niya nang may ngiti. Nakakahawa 'yong ngiti niya kaya napangiti na rin ako.
"Ikaw? Sino ka naman?" tanong ko.
"Ako nga pala si Aeson. Isa akong tindero ng prutas sa pamilihang bayan," sagot niya.
"Nais mo bang sumama muna sa akin upang makapagpahinga ka naman at makakain? Hindi matatahimik ang aking konsensya kung hahayaan ko ang isang magandang binibini na magpalaboy-laboy sa daan sa gitna ng dilim." Ang maginoo ng dating niya. Bigla na lang kumulo ang tiyan ko.
BINABASA MO ANG
Magíssa: Elemental Sorceress
Fantasy[ COMPLETED ] Si Charlotte ay isang mag-aaral sa ikalabing-isang baitang sa isang pribadong high school. Isa rin siya sa mga natatanging estudyante sa kanyang klase at kilala rin siya sa kanilang paaralan bilang Vice President ng Student Council. Is...