Ikalabintatlong Kabanata
Rebel's CaptivePinagpapawisan ako ng malamig at butil-butil ngayon dahil sa aking kinalalagyan. Dinakip lang naman ako ng mga rebelde kanina na mga narinig kong nagpupulong sa eskinita. Kung paano ako napunta rito?
Habang nakikinig ako ng mabuti sa usapan nila, hindi ko na naisip pa na may makakakita sa'kin.
"Anong ginagawa mo diyan?"
Napatalon ako sa aking kinatatayuan ng marinig kong may nag tanong na isang lalaking nakakita sa'kin. Dahan-dahan akong lumilingon, habang ang puso ko'y 'di mapigil sa pagpintig ng mabilis na para bang lalabas na 'to sa aking dibdib, nanlalamig na rin ang aking mga kamay at nanginginig na ang aking mga binti.
Hindi maaari 'to. Lagot na. May nakakita sa'kin. Nang tuluyan na akong nakaharap sa lalaking nakakita sa'kin ay nagsilapitan na rin sa'kin ang iba pang mga lalaking nagpupulong sa eskinita matapos niya siyang marinig.
"Sino ka at bakit mo kami pinakikinggan? Espiya ka 'no?" maangas na sambit sa'kin no'ng isa.
Lalo akong ninerbiyos nang makita ang mga galit nilang mga mukha na nakatingin ngayon sa akin. Hindi ko na malaman ang gagawin ko kaya't napalunok na lamang ako. "H-ha? Hindi! Aksidente lang...napadaan kasi ako dito eh..." nauutal kong pagpapalusot.
"Teka, sandali nga..." sambit no'ng isa habang naniningkit ang mga matang nakatingin sa'kin. Tapos ay pinasadahan niya 'ko ng tingin mula paa hanggang ulo.
"Kung di ako nagkakamali, siya ang hinirang na Magíssa!" nanlalaki ang mga mata niyang sambit. Tinitigan na rin akong mabuti ng mga kasamahan niya.
"Oo nga! Kakaiba ang kanyang kasuotan!"
"Isa pa, suot niya ang simbolo ng maharlika," sambit ng isa sabay turo niya ang kuwintas na suot ko.
"Tamang-tama. Sige, dakipin natin ang babaeng ito at iharap natin sa ating pinuno upang siya ang magdesisyon kung anong gagawin natin sa kanya," madiin na utos no'ng isa.
Nagulantang ako sa narinig ko. "A-ano?!"
Wala na akong nagawa nang hawakan nila ako sa magkabila kong braso ng mahigpit at tinutukan nila ako ng punyal sa aking tagiliran.
"Huwag kang mag-iingay o magtangkang lumaban. Kung hindi..." bulong sa'kin ng isang nakahawak sa braso ko't tumututok sa'kin ng punyal.
Sa labis kong takot ay wala na akong nagawa kundi ang sumama na lamang sa kanila.
At eto na nga, nandito na 'ko. Siguradong nag-aalala na sa'kin ngayon si Alexeus. Napabuntonghininga na lamang ako ng malalim.
Naroon lamang sila habang may kanya-kanyang pinagkakaabalahan at nagbubutingting ng kung anu-ano. Tinitingnan ko lamang sila habang narito ako sa isang sulok, at nakagapos ang mga kamay sa likod.
"S-sandali nga..." lakas-loob kong sambit kahit pa para nang tambol ang puso ko sa kaba. Napukaw ko naman ang atensyon nilang lahat.
"A-ano bang nais ninyo at binihag ninyo 'ko?" tanong ko. Sandaling katahimikan ang namayani at nagtinginan muna sila sa isa't isa.
"Ikaw ang Magissa, hindi ba? Sigurado kaming mahalaga ka sa palasyo kaya't gagawin ka naming pampalit sa gagawin naming pag-aalsa laban sa palasyo," sagot no'ng isa.
Lalong kumunot ang noo ko. "Maaari ko bang malaman ang dahilan kung bakit nais niyong labanan ang gobyerno?" seryoso kong tanong. Lalo akong nagpawis nang makitang nanlisik ang kanilang mga mata sa'kin.
BINABASA MO ANG
Magíssa: Elemental Sorceress
Fantasy[ COMPLETED ] Si Charlotte ay isang mag-aaral sa ikalabing-isang baitang sa isang pribadong high school. Isa rin siya sa mga natatanging estudyante sa kanyang klase at kilala rin siya sa kanilang paaralan bilang Vice President ng Student Council. Is...