Ikatatlompu’t-anim na Kabanata
Battle of LoveHindi pa rin talaga kami makapaniwala ni Alexeus na mananatili ngayon ang magkapatid na Calisto at Adara ng ilang araw dito sa palasyo.
Narito kami ngayong mga nakaupo sa tanggapan ng palasyo, magkakaharap kasama ang pamilya ni Alexeus.
"Maligayang pagdating sa aming palasyo, Prinsipe Calisto at Prinsesa Adara ng Baltsaros. Medyo matagal na rin mula nang dumalaw kayo dito bilang aming mga personal na panauhin," maligayang sambit ng Emperador.
"Maraming salamat, Kamahalan. Nasabik lamang talaga kami nang aming malamang nakabalik na ng palasyo si Prinsipe Alexeus," nakangiting sagot naman ni Adara sa Emperador.
Halatang-halata kay Adara na si Alexeus lang naman talaga ang pinunta niya dito.
"Siya nga pala," sambit ni Adara kaya't natuon ang atensyon namin sa kanya.
Humarap siya sa'kin. "Nais ko sanang humingi ng paumanhin sa aking nagawa noong..." malumanay niyang sambit.
Ah, tama. Naalala ko na. 'Yong binuko niyang isa akong pekeng prinsesa. "Ah, w-wala na 'yon. Ayos na ang lahat, Prinsesa," sagot ko naman.
Ikinagulat ko ang pagngiti niya sa'kin. "Salamat, Charlotte. Tunay ngang napakabuti mo."
Napaisip tuloy ako kung totoo ba ang pinapakita niyang ito sa akin o...pakitang-tao lang dahil kaharap namin ang pamilya ni Alexeus? Kaduda-duda ito.
"Ayos na iyon, Adara. Naiintindihan din namin kung bakit mo iyon nagawa. Ang mahalaga maayos na ang lahat," nakangiting sambit ng Emperador.
"Mga dama, dalhin sina Prinsipe Calisto at Prinsesa Adara sa kanilang mga magiging silid," utos ng Emperador.
May lumapit ngang dalawang dama at sinundan iyon ng magkapatid habang tinutulungan silang dalhin ang kanilang mga gamit.
Pagsapit ng gabi, ipinatawag na kami upang magsalu-salo sa hapunan. Pagdating ko doon ay naroon na ang maharlikang pamilya. Binati nila ako ng isang ngiti kaya't ngumiti din ako pabalik.
Papunta na sana ako sa puwesto ko sa tabi ni Alexeus ngunit natigilan ako nang narinig ko si Adara. "Alexeus!" magiliw niyang bati habang dere-deretso papunta kay Alexeus at parang 'di niya 'ko napansin dahil nilampasan niya lang ako.
Napataas ang kilay ko nang makita kong umupo siya sa puwesto ko, sa tabi ni Alexeus.
"Masaya ako't makakasalo kita ngayon sa hapunan, mahal kong prinsipe," sambit ni Adara kay Alexeus habang nakangiti ng abot hangaang tenga.
"Ah...ganoon din ako, Adara," sagot naman ni Alexeus. Napatingin sa'kin sandali si Alexeus tapos at ibinalik niyang muli kay Adara.
"Ah...Adara," tawag nito.
"Ano iyon?" tanong naman niya.
"Paumanhin, ngunit si Charlotte ang nakaupo sa puwestong iyan," malumanay niyang sambit. Napatingin naman sa akin si Adara tapos ay ibinaling niyang muli kay Alexeus.
"Ganoon ba? Ayos lang 'yan. Tutal, bisita naman ako ngayon dito sa palasyo. Dito muna ako pupuwesto habang nandito ako," sambit ni Adara.
"Ayos lang naman iyon, hindi ba Charlotte?" nakangiti niyang sambit sa'kin na siyang kinagulat ko kaya't napatango na lang ako.
"Ah, oo. Walang problema, Prinsesa," sagot ko. Tapos ay napabuntonghininga ako. Wala naman akong magagawa.
"Charlotte." Napatingin ako sa pagtawag sa'kin ni Calisto.
"Ako na lamang muna siguro ang iyong samahan," nakangiti niyang sabi.
"Ah...s-sige," tanging nasabi ko.
BINABASA MO ANG
Magíssa: Elemental Sorceress
Fantasy[ COMPLETED ] Si Charlotte ay isang mag-aaral sa ikalabing-isang baitang sa isang pribadong high school. Isa rin siya sa mga natatanging estudyante sa kanyang klase at kilala rin siya sa kanilang paaralan bilang Vice President ng Student Council. Is...