Ika-57: Knight vs. Knight

1.3K 54 8
                                    

Ikalimampu’t-pitong Kabanata
Knight vs. Knight

Nasa pinakadulo ng hagdan-hangdang upuan ako nakapuwesto ngayon ngunit tanaw ko mula rito kung sino ang maglalaban sa arena.

Huling parte na ng kompetisyon, ang kampeonato. Si Alexeus laban sa lalaking nakaitim na baluti na nagngangalang Daedalus.

"Simulan na ang laban!"

Normal lang na lumapit si Alexeus sa kalaban. Tahimik lang ang lahat habang tutok na tutok sa laban ng huling magkatunggali.

Sa isang kisapmata'y binunot ni Alexeus ang espada mula sa kanyang tadyang ngunit ikinagulat naming lahat nang masalag ito ni Daedalus gamit din ang kanyang espada. Sa mga nakalaban ni Alexeus, siya lang ang nakasalag sa biglaang pag-atake niyang 'yon.

"Siguradong nagulat si Alexeus do'n," sambit ko sa aking sarili.

Hindi maipagkakaila ang bilis ng dalawang kalahok sa paghampas ng espada sa isa't isa. Umaalingawngaw din sa buong arena ang kalampagan ng kanilang mga armas.

"Mahusay din ang Daedalus na 'yon," narinig kong sabi ng katabi ko.

"Pero mahusay din iyong Ali. Mahirap sabihin kung sino ang mananalo," sambit naman ng kausap niya.

Nang nagbuno na ang dalawa gamit ang kanilang mga espada, itinulak ng buong lakas ni Alexeus si Daedalus kaya naman nakaatras ito. Tapos ay yumuko si Alexeus upang patirin ang mga binti nito.

Napatid nga niya si Daedalus, ngunit nag-tambling lamang ito paikot sa ere at muling nakatayo. Nang papalapit na si Alexeus sa kanya upang siya ay atakihin, iwnasiwas siya ang kanyang espada sa lupa na pawang gumuhit siya ng bilog papaikot sa kanya.

At nagdulot ito ng pagtalsik ng alikabok sa paligid dahilan upang mapuwing si Alexeus. Napuno ng alikabok ang paligid at sa bilis ng mga pangyayari ay bigla na lang tumalsik si Alexeus at sumadsad sa lupa.

Nang mawala ang alikabok na bumalot sa paligid ay nilapitan siya ni Daedalus at tinapak-tapakan ang likuran nito. Dumadaing sa sakit si Alexeus at wala naman akong magawa. Napatakip na lang ako ng mga kamay ko sa aking bibig.

Nang itihaya niya si Alexeus gamit ang kanyang paa ay bigla niyang hinila ang binti ni Daedalus dahilan ng pagkakatumba nito sa lupa. Kaya't mabilis na tumayo si Alexeus at tumakbo papunta sa kanyang espada.

Nang sandaling mapulot ni Alexeus ang kanyang espada ay bigla na lamang ay nasa likod na niya si Daedalus!

Mabuti na lamang ay nasalag kaagad ni Alexeus ang pag-atakeng iyon ni Daedalus. Nagbanggaan na naman ang kanilang mga espada. Nakakailag din ang bawat isa sa tuwing iwinawasiwas nila ito para tamaan ang dibdib, braso, o 'di kaya'y sikmura.

Nang magsalpok muli ang kanilang mga espada ay biglang naputol ang espada ni Alexeus. Mabilis kumilos si Daedalus at agad na dumapo ang isang malakas na suntok nito sa mukha ni Alexeus.

Nasundan din ito ng suntok sa magkabilang pisngi, sa panga, sa sikmura nang mabilis at sunud-sunod. Natakot ako nang makita kong may dugo nang lumalabas mula sa bibig ni Alexeus. Sumusuka na siya ng dugo! Nanginig na tuloy ang mga tuhod ko.

At ang huli ay sinipa ni Daedalus si Alexeus sa sikmura nito nang ubod ng lakas. Nakita ko ang pagtalsik ng dugo mula sa kanyang bibig sabay pagtalsik niya at lumupasay sa lupa.

Hindi na halos makagalaw pa si Alexeus at nilapitan siya ni Daedalus. At akma nitong hihiwain ang ulo niya!

"Huwag!!" sigaw ko. Wala akong pakialam kung nakuha ko ang atensyon ng lahat ng taong naririto. Agad akong tumakbo papalapit sa arena.

Magíssa: Elemental SorceressTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon