Ikalabing-siyam na Kabanata
The Poulí Tribe LeaderTumatakbo ako ngayon kung saan sinusundan ko ang direksyon ng mga Poulian na nakikita kong lumilipad ngayon sa kalangitan. Hindi ko alam pero parang hindi na rin ako makapag-isip pa ng maayos. Basta tumatakbo na lamang ako.
Mayamaya'y narating ko din ang lokasyon kung saan may nagaganap na kaguluhan. Napahinto ako habang hinihingal pa. At nanlaki ang mga mata ko sa aking nasasaksihan ngayon. Mukha itong isang pagtutuuos sa pagitan ng mga taong ibon at... mga taong lobo!
Labanan gamit ang pisikal na lakas dito, espadahan at batuhan ng sibat doon, mayamaya'y may sumabog pa! Medyo malapit lang ako sa kinaroroonan ng pagsabog kaya't napatakip ako ng mukha gamit ang aking mga braso dahil sa mga tumalsik na usok at gabok.
Pagkatapos ay may nakita akong isang Poulian sa tabi ko. Lilipad na sana siya nang bigla ko siyang pigilan.
"Sandali lang!" sabi ko bilang pagpigil ko sa kanya. Huminto naman siya at lumingon naman siya sa'kin.
"Teka, ikaw 'yong...paanong-" pagtataka niya. Pinutol ko ang sasabihin niya.
"Mamaya na 'yan. Hindi na 'yan mahalaga sa ngayon. Ano bang nangyayari dito?" usisa ko.
"Sinasalakay na naman kami ng mga Lykosian," sagot niya.
"Lykosian?" tanong ko.
"Oo. Mula sila sa Tribo ng Lykos, ang tribo ng mga taong lobo. Matagal na naming kaalitan ang tribong ito," sagot niya.
Sa aming pag-uusap ay bigla na lamang may paparating na bumubulusok na mga sibat sa aming puwesto. Walang anu-ano'y bigla ko na lamang naitaas ang mga palad ko. At hindi ko sinasadyang makabuo ng harang na kulay pula. Kaya't 'di kami tinamaan, naging abo pa ang mga sibat.
"Paano mo...nagawa iyon?" tanong niya sa'kin na bakas ang mangha at pagtataka. Ngunit maging ako ay nagtaka at namangha sa aking nagawa.
Tiningnan ko lamang siya dahil 'di ko alam kung paano ko ito ipapaliwanag.
"Umuurong na ang mga kalaban!" pag-alingawngaw ng isang boses na nagmula sa isang Poulían.
Nang marining ng mga Poulian ang sigaw na iyon ay agad na rin silang mga nagsiatrasan kasabay ng pag-atras din ng mga kalaban nilang taong lobo na tinatawag nilang mga Lykosian.
Unti-unti nang nagsibalikan ang lahat sa kanilang tribo. Ang ilan sa kanilang mga nakaligtas ay may mga buhat na sugatan.
At ang nakapanlulumo sa lahat, ay ang makakita ng mga Poulian na wala nang buhay. Wala akong magawa kundi ang manood lamang sa kanila habang nakatayo sa aking kinalalagyan.
--
Matapos ang kaguluhan, narito ako ngayon kasama ang mga mandirigmang Poulían sa ilalim ng isang malaki at malagong puno. Nakahiga naman sa damuhan ang mga sugatang Poulían.
Nalulungkot akong isipin na wala akong magawa gayong meron akong tinataglay na kapangyarihan. Naawa ako sa tuwing pagmamasdan ko ang mga Poulian na naghihirap dahil sa sakit na kanilang nararamdaman dulot ng kanilang mga sugat dahil sa naganap na engkuwentro.
"Charlotte." Napatingin ako sa tumawag sa'kin.
"Ikaw pala, Kuro," sambit ko.
"Mukhang ikaw ay balisa. May problema ba?" usisa niya.
Bumuntonghininga ako. "Nais ko sanang makatulong. Ngunit mukhang wala akong magagawa," sambit ko.
Hinawakan niya ang balikat ko. "Ayos lang 'yan. Huwag ka nang mag-alala. Sapat na ang malaman kong nais mong makatulong sa amin," sambit niya ng may ngiti.
BINABASA MO ANG
Magíssa: Elemental Sorceress
Fantasy[ COMPLETED ] Si Charlotte ay isang mag-aaral sa ikalabing-isang baitang sa isang pribadong high school. Isa rin siya sa mga natatanging estudyante sa kanyang klase at kilala rin siya sa kanilang paaralan bilang Vice President ng Student Council. Is...