Ika-29: The Temple of Maia

2.8K 115 25
                                    

Ikadalawampu’t-siyam na Kabanata
The Temple of Maia

Wala akong tigil sa paglalakad nang pabalik-balik dito sa puwesto ko. Paano ba naman kasi, hapon na ngunit hindi pa dumarating si Alexeus. Kamusta na kaya siya? Ano na bang nangyari sa kanya? Natagpuan na kaya niya sina Abas at Chara?

Tumingala ako sa langit at nakita kong kulay kahel na ang kalangitan hudyat na malapit nang lumubog ang araw. At kapag sumapit nang muli ang dilim, muli na namang aatake ang mga Fidian.

Huminto muna ako sandali. Dinukot ko sa aking bulsa ang pito na binigay sa akin ni Aviar. Tatawagin ko na ba sila? Wala pa si Alexeus at ako lang mag-isa. Alam ko naman sa sarili ko na hindi ko kayang lumaban nang mag-isa sa isang pulutong ng Fidian.

Mayamaya'y may natanaw akong tumatakbo papalapit na nagmula sa direksyon kung saan naroon ang kagubatan. Tinititigan ko iyong mabuti para maaninag ko kung sino 'yon.

Habang lumalapit ito ay lalong nagiging malinaw sa akin kung sino ito.

"Binibini!" Si Chara. Agad ko siyang sinalubong.

"Chara! Salamat naman at ligtas ka. Anong nangyari?" usisa ko agad sa kanya tapos ay umupo ako pantay sa kanya. Puno ng dungis ang kanyang hitsura at may mga ilan-ilan ring mga gasgas.

Napansin ko ang panginginig ng kanyang katawan. "Ang dami po nila. Nakakatakot sila!" Mangiyak-ngiyak niyang sambit.

"Bakit ikaw lang? Si Abas? Nasaan siya?" tanong ko.

"Si Ginoong Abas, dinala niya 'ko sa templo. Pero pagdating namin, sinalubong agad kami ng pulutong ng mga Fidian. Tapos...tapos...p-pinaslang siya ng isa...tapos...k-kinain!" Halata sa kanya ang trauma dahil sa nangyari. Hinihimas-himas ko ang likod niya para kahit papaano'y huminahon siya.

"Nang ako na ang aatakihin ng Fidian, biglang dumating si Ginoong Alexeus para iligtas ako. Kaya po ako nakatakas. Salamat po sa kanya," dagdag pa niya.

"Nasaan na si Alexeus ngayon?" tanong ko.

"Bago po ako tuluyang umalis, kinukuyog na siya ng mga Fidian. Tapos, hindi ko na alam. Hindi ko po alam, binibini." Mangiyak-ngiyak niyang sagot.

Tapos ay dinala ko na si Chara sa kanyang pamilya at laking pasasalamat ng mga ito at ligtas ang kanilang anak. At kahit nainis sila sa ginawa ni Abas, nagpakita pa rin sila ng simpatya dahil sa nangyari dito.

Gaya ng nakagawian, nasa loob na ng mga kabahayaan nila ang lahat bago pa tuluyang lumubog ang araw. Ako lang mag-isa. Hindi ko kasama si Alexeus. Nag-aalala na 'ko sa kanya ng sobra dahil hanggang ngayon, hindi pa rin siya nakakabalik.

At dahil dito, napagdesisyunan kong tawagin na ang mga Poulian. Kinuha kong muli ang pito sa aking bulsa. Sa ngayon siguro, hihingi muna ako ng tulong mula sa mga Poulian. At hinipan ko nga ang pito na gawa sa kahoy at naglabas ito ng isang matinis na tunog ngunit hindi naman masakit sa tenga. Umalingawngaw ang tunog nito sa buong paligid.

Mayamaya lang, eksakto paglubog ng araw at pagkagat ng dilim sa kalangitan, may natanaw na akong mga lumilipad sa ere papalapit sa puwesto ko. At hindi nga ako nagkamali, ang mga Poulian nga.

"Kamusta ka, Charlotte? Masaya akong makita kang muli," bati sa akin ni Kuro pagkababa nila ng kanyang mga kasamahan.

"Anong maipaglilingkod namin sa iyo, Magissa?" tanong naman ng isa niyang kasama.

"Hindi pa kayo nakakalayo gaano mula sa kagubatan. Anong ginagawa ninyo rito sa Goiteia?" usisa ni Kuro.

"Ang baryong ito ay inaatake ng mga Fidian tuwing sasapit ang dilim. Kailangan nila ng tulong kaya narito muna kami," sagot ko.

Magíssa: Elemental SorceressTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon