Ikatlong Kabanata
The Imperial PrinceDumilat ako at nakita kong maliwanag na. Nasaan ba ako? Nakahiga ako sa isang puting kumot na nakalatag sa sahig. At mukhang nasa loob ako ng isang maliit, luma, at abandonadong bahay.
Aba. May mga pagkain sa tabi ko. Mga tinapay, ilang prutas, at isang bote ng gatas. Saan kaya galing ang mga 'to? Tamang-tama, gutom na gutom na ko. Nagsimula na akong kumain.
Habang kumakain ako, bigla kong naisip 'yong lalaking nagligtas sa'kin kagabi. Iyong matangkad at matikas na lalaki na may takip na puting tela sa mukha. At ang tanging nakita ko lang ay ang mga kulay asul niyang mata. Sino kaya 'yon?
"Ako si Ali..."
Ali? Ali daw ang pangalan niya sabi niya sa'kin kagabi. Siya kaya ang nagdala sa'kin dito? Sana makita ko ulit siya.
Saglit lang at naubos ko na rin ang mga pagkain ko. Salamat naman at nabusog din ako. Naisip ko na lumabas muna at ilang hakbang ko lang ay nasa siyudad na 'ko. Matao na ulit ang mga tabing-kalsada, at may mga kalesa na sa kalye. Naglakad-lakad pa 'ko habang tumitingin-tingin sa paligid at baka sakaling makita ko ulit si Ali.
"Tumakas na naman daw ang Prinsipe sa palasyo."
"Na naman? Ano naman kayang dahilan ng paulit-ulit na pagtakas niya sa palasyo?"
'Di ko sinasadyang marinig ang usapan ng dalawang lalaking nakasalubong ko. Natawa tuloy ako. Pasaway yata ang prinsipe ng kahariang ito.
Dahil medyo lutang ang isip ko dahil kay Ali, namalayan ko na lang na may nakabunggo sa balikat ko kaya't tiningnan ko kung sino 'yon.
Nanlaki ang mga mata ko nang makita ko kung sino 'yon.
"Ali!" pagtawag ko sa kanya. Mabuti't lumingon naman siya sa'kin.
"Ikaw pala. Babalikan sana kita upang tingnan kung may malay ka na," walang emosyon niyang sambit.
Napakunot ang noo ko sa sinabi niya "May malay? Bakit? Ano ba'ng nangyari?" pagtataka ko.
"Matapos kitang iligtas mula sa mga lalaki kagabi, bigla ka na lang nawalan ng malay. Kaya dinala na muna kita doon sa lumang bahay. Sa palagay ko kasi, dahil ikaw ay pagod at gutom na. Ano? Kinain mo na ba iyong mga pagkaing iniwan ko sa'yo? Binili ko ang mga iyon kaninang bukangliwayway para sa'yo," walang emosyon niyang sambit.
Napaisip ako sandali. Oo, naaalala ko na. Matapos kong malaman ang pangalan niya, nawalan nga ako ng malay.
"Ah, ganoon ba? Maraming salamat kung gano'n," sambit ko. Tapos ay tumango lang siya at umalis na. Pero naisip kong sundan siya. Hindi ko inaalis ang paningin ko sa kanya habang sinusundan ko siya. Naiipit na ko sa gitna ng mga tao. Tapos bigla na lang siyang nawala sa paningin ko. Nasaan na 'yon? Nagpatuloy pa rin ako sa paglalakad habang nagpapalinga-linga para hanapin siya.
"Sinusundan mo ba ko?" Nabigla ako nang may nagsalita sa likuran ko.
Lumingon ako upang makita kung sino, "Ali!"
"Bakit mo 'ko sinusundan?" tanong niya.
"Ah, eh...wala kasi akong ibang mapupuntahan eh. Kaya naisip kong sumama na lang sa'yo," alinlangan kong sagot.
"Hindi maaari," pagtanggi niya.
"Bakit naman? Wala naman akong ibang pupuntahan eh. Isa pa, mabuting tao ka naman dahil iniligtas mo ang buhay ko," pagkatwiran ko.
Tumalikod siya sa'kin, "'Di ko na problema kung wala kang pupuntahan. Isa pa, hindi ka ba nadala noong isang gabi? Sasama ka sa akin gayong hindi mo naman ako lubusang kilala?" masungit niyang tugon. At naglakad siya papalayo. Ang sungit naman pala nitong si Ali. Hmp!
BINABASA MO ANG
Magíssa: Elemental Sorceress
Fantasy[ COMPLETED ] Si Charlotte ay isang mag-aaral sa ikalabing-isang baitang sa isang pribadong high school. Isa rin siya sa mga natatanging estudyante sa kanyang klase at kilala rin siya sa kanilang paaralan bilang Vice President ng Student Council. Is...